Makakatulong ba ang Bibliya Kung Nade-depress Ako?
Ang sagot ng Bibliya
Oo, dahil ang pinakamahusay na tulong ay nagmumula sa “Dios na umaaliw sa mga nalulugmok.”—2 Corinto 7:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ang tulong na ibinibigay ng Diyos sa mga nade-depress
Lakas. Kung hihiling ka ng tulong sa Diyos, ‘aaliwin’ ka niya, hindi sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng problema mo, kundi sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng lakas para makapagbata. (Filipos 4:13) Makakatiyak kang makikinig siya sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Ang totoo, alam ng Diyos kung ano talaga ang nadarama mo kahit hindi mo mahanap ang tamang mga salita para masabi ito sa kaniya.—Roma 8:26, 27.
Mahuhusay na halimbawa. Nanalangin sa Diyos ang isang manunulat ng Bibliya: “Mula sa kalaliman ay dumaraing ako sa ’yo.” Nakayanan ng salmista ang panlulumo, o depresyon, dahil inalala niyang ayaw ng Diyos na labis tayong mapabigatan ng panunumbat ng ating budhi. Sinabi niya sa Diyos: “Kung ikaw, O Panginoon, ay nag-ingat ng isang talaan ng mga kasalanan, sino ang makatatayo, Panginoon? Ngunit sa’yo ay may kapatawaran, kaya ikaw ay kinatatakutan.”—Awit 130:1, 3, 4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Pag-asa. Bukod sa pagbibigay sa atin ng kaaliwan sa ngayon, nangako ang Diyos na aalisin niya ang lahat ng problemang nagdudulot ng depresyon. Kapag natupad na ang pangakong iyon, “ang mga dating bagay [kasama na ang depresyon] ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.”—Isaias 65:17.
Pansinin: Bagaman kinikilala naming mga Saksi ni Jehova ang tulong na ibinibigay ng Diyos, nagpapatingin din kami sa mga doktor para sa mga sakit na tulad ng clinical depression. (Marcos 2:17) Pero hindi kami nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot; ang bawat indibiduwal ang dapat magpasiya sa gayong mga bagay.