Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kapag Sinira ng Anak Mong Tin-edyer ang Tiwala Mo

Kapag Sinira ng Anak Mong Tin-edyer ang Tiwala Mo

Hindi sinusunod ng ilang tin-edyer ang kanilang curfew. Ang iba naman ay nagsisinungaling sa kanilang mga magulang o tumatakas para makipagkita sa mga kaibigan nila. Ano ang puwede mong gawin kung mangyari iyan sa iyo?

 Nagrerebelde ba ang anak ko?

Hindi naman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng kabataan,” at totoo iyan sa karamihan ng mga tin-edyer. (Kawikaan 22:15, talababa) “Hindi makatuwiran at padalos-dalos ang ilang desisyon ng mga kabataan,” isinulat ni Dr. Laurence Steinberg. “Malamang na magkamali sila.” a

 Paano kung nagsinungaling ang anak ko?

Huwag mong isipin na sinasadya ka niyang hindi sundin. Ayon sa pag-aaral, mahalaga sa mga kabataan ang tingin sa kanila ng mga magulang nila, kahit na parang wala silang pakialam. Hindi man ipakita ng iyong anak, posibleng nagsisisi siya sa ginawa niya at nalulungkot kasi na-disappoint ka niya.

Kapag gumaling na ang nabaling buto, titibay ulit ito. Ganiyan din ang nasirang tiwala

 Sino ang may kasalanan?

  •   Ang mga kasama niya? Sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33) Totoo iyan. Malaki ang impluwensiya ng mga kaibigan sa isang kabataan, pati na ng social media at mga advertisement. Isa pa, kulang sa karanasan ang mga kabataan, kaya posibleng makagawa sila ng maling mga desisyon. Dapat na matutuhan nilang tanggapin ang resulta ng kanilang mga desisyon para maging responsableng adulto.

  •   Ako ba ang dahilan? Baka naisip mo na masyado kang mahigpit kaya nagrebelde ang anak mo. O baka naisip mo na masyado kang maluwag kaya naging masyadong malaya ang anak mo. Imbes na isipin kung ano ang pagkukulang mo, isipin kung ano ang magagawa mo para malutas ang problema.

 Paano ko matutulungan ang anak ko na makuha ulit ang tiwala ko?

  • Huwag mag-overreact. Baka inaasahan ng anak mo na magagalit ka sa kaniya. Imbes na magalit, subukan ito: Mahinahong kausapin ang iyong anak at alamin kung bakit niya iyon ginawa. Curious lang ba siya? Naiinip? Nalulungkot? O naghahanap ng kaibigan? Anuman ang dahilan, mali pa rin iyon. Pero makakatulong ito sa iyo at sa iyong anak na maintindihan kung bakit ito nangyari.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.”​—Santiago 1:19.

  • Tulungan ang iyong anak na pag-isipan ang nangyari. Tanungin siya, Ano ang natutuhan mo sa nangyari? Kung mangyari ulit iyon, ano na ang gagawin mo? Matutulungan ng mga tanong na iyan ang iyong anak na mag-isip at gumawa ng tamang desisyon.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Sumaway ka, magbabala, at magpayo nang may pagtitiis at husay sa pagtuturo.”​—2 Timoteo 4:2.

  • Magbigay ng makatuwirang disiplina. Mas epektibo ang disiplina kung may kaugnayan ito sa ginawang mali. Halimbawa, kung itinakas ng anak mo ang kotse, puwede mong limitahan ang paggamit niya nito sa isang makatuwirang panahon.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”​—Galacia 6:7.

  • Magpokus kung paano maibabalik ang iyong tiwala. Totoo, kailangan ng panahon para magawa ito. Pero dapat malaman ng anak mo na puwedeng maibalik ang tiwala mo sa kaniya. Sabihin sa kaniya na magtitiwala ka pa rin sa kaniya. Kapag naramdaman ng anak mo na hindi na niya ulit makukuha ang tiwala mo, baka sumuko na siya.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak para hindi sila masiraan ng loob.”​—Colosas 3:21.

a Mula sa aklat na You and Your Adolescent.