TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Ang Dapat Malaman ng mga Magulang Tungkol sa Day Care
Gusto ng ilang magulang na nagtatrabaho na ipasok sa day-care center ang kanilang mga anak. Isa itong pasilidad na gaya ng isang classroom. Mas makakabuti ba ito sa iyong anak?
Ang dapat mong itanong
Kung ipapasok ko sa day care ang anak ko, makakaapekto ba ito sa kaugnayan namin sa kaniya? Posible. Sa mga unang taon ng bata, mabilis na nade-develop ang utak niya na nakakaapekto sa pakikitungo niya sa iba. Sa mga panahong iyon, sikaping lagi mong kasama ang iyong anak.—Deuteronomio 6:6, 7.
Kung plano mong ipasok sa day care ang iyong anak, pag-isipan kung paano mo mapapanatili ang malapít na kaugnayan sa kaniya.
Mapapahina ba ng day care ang impluwensiya mo sa iyong anak? Posible. “Kapag laging magkakasama ang mga bata, mas malaki ang impluwensiya nila sa isa’t isa,” ang sabi ng aklat na Hold On to Your Kids.
Kung plano mong ipasok sa day care ang iyong anak, pag-isipan kung paano mo magagawang ikaw pa rin ang may pangunahing impluwensiya sa iyong anak.
Mas madali bang matututo ang anak mo kung ipapasok mo siya sa day care? Para sa ilan, oo. Pero para sa iba, wala itong masyadong nagagawa para ma-develop ang kakayahan ng bata. Alinman dito ang tama, isinulat ng isang child psychologist na si Penelope Leach: “Huwag mong isipin na ang matututuhan ng anak mo mula sa paaralan ang susi sa pagkakaroon ng magandang buhay. Huwag mo ring isipin na kung mas maaga mong ipapasok sa paaralan ang anak mo, mas mapapabuti siya. Kasi kung iyan ang iisipin mo, mawawalan ng halaga y’ong mga itinuro mo sa kaniya mula nang ipanganak siya.”
Kung plano mong ipasok sa day care ang iyong anak, pag-isipan kung may pakinabang ito o talagang kailangan ito.
Posible ba na isa sa inyong mag-asawa ang hindi magtrabaho para mag-alaga ng inyong anak? May ilang magulang na parehong nagtatrabaho para magkaroon ng mas maalwang buhay. Sulit ba ito?
Kung plano mong ipasok sa day care ang iyong anak, pag-isipin muna kung puwedeng magbawas ng gastusin para isa sa inyo ang maiwan sa bahay.
Bago magdesisyon kung ipapasok ninyo sa isang day-care center ang inyong anak, pag-isipan muna ang magaganda at di-magagandang epekto nito. Pero paano kung mapagdesisyunan ninyong ipasok sa day care ang anak ninyo?
Ang puwede mong gawin
Sinasabi ng Bibliya na “pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Mula sa prinsipyong ito, pag-isipan munang mabuti kung anong klaseng day care ang pipiliin mo.
Alamin ang mapagpipilian mo
Pinipili ng ilang magulang ang child-care home—isa itong lugar na may isa o ilang caregiver at isang maliit na grupo ng mga bata.
Pinipili naman ng ilang magulang na magpatulong sa kamag-anak o kumuha ng yaya na mag-aalaga sa kanilang anak sa kanilang bahay.
Anuman ang piliin mo, may magaganda at di-magagandang epekto ito. Puwede kang makipag-usap sa mga magulang na nasubukan nang ipasok ang kanilang mga anak sa isang day care. Sinasabi ng Bibliya: “Ang marurunong ay humihingi ng payo.”—Kawikaan 13:10.
Paano kung ang desisyon ninyo ay ipasok sa isang day-care center ang anak ninyo? Sa ganiyang kaso . . .
Alamin ang tungkol sa pasilidad
May lisensiya ba ang day-care center na napili ninyo? Nasusunod ba nito ang kahilingan ng gobyerno? Ano ang reputasyon o sinasabi ng mga tao tungkol dito?
Malinis ba at ligtas ang pasilidad nila?
Ano ang mga activity nila para sa mga bata? a
Kilalanin ang caregiver ng mga bata
Anong mga pagsasanay ang natanggap nila? Kasama rito ang early childhood education, first aid, at CPR.
Ano ang reputasyon ng mga nag-aalaga sa mga bata sa pasilidad na ito?
Madalas ba silang magpalit ng mga caregiver? Kapag madalas silang magpalit, laging mag-a-adjust ang anak mo.
Gaano karaming bata ang inaalagaan ng isang caregiver? Kapag mas maraming bata, hindi masyadong matututukan ang anak mo. Pero siyempre, ang atensiyong kailangan ng anak mo ay depende sa kaniyang edad at kakayahan.
Handa bang makipag-usap sa iyo ang caregiver ng anak mo kapag may tanong ka o may ikinababahala siya?
a Halimbawa, ginagamit ba nila ang TV na parang babysitter o meron silang mga activity na makakapag-isip o makakakilos ang mga bata?