TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Anak
Iniisip ng ilang mag-asawang di-magkasundo na makakabuti para sa kanilang anak kung magdidiborsiyo sila—mas mabuti iyon kaysa makita ng mga anak nila na lagi silang nag-aaway. Pero ano nga ba ang totoo?
Ano ang epekto ng diborsiyo sa mga anak?
Ipinapakita ng mga pag-aaral na napakasama ng epekto ng diborsiyo sa mga anak. Ang mga anak ay mas malamang na:
makaramdam ng galit, pag-aalala, at depresyon
magkaroon ng problema sa pag-uugali
mahirapang mag-aral o mag-drop out pa nga sa school
maging sakitin
Bukod diyan, iniisip ng maraming anak na sila ang dahilan ng pagdidiborsiyo ng kanilang magulang o na mayroon sana silang nagawa para mapigilan iyon, kaya sinisisi nila ang kanilang sarili.
Ang epekto ng diborsiyo sa mga bata ay posibleng madala nila hanggang sa paglaki nila. Mababa ang tingin nila sa kanilang sarili at nahihirapan silang magtiwala sa iba. At kapag nagkaasawa na sila, mas malamang na makipagdiborsiyo rin sila kapag nagkaproblema sila.
Tandaan: Kahit iniisip ng ilan na mas makakabuti sa mga anak nila ang pagdidiborsiyo, hindi iyan ang sinasabi ng mga pag-aaral. Isinulat ni Penelope Leach, isang eksperto tungkol sa pagpapalaki ng anak: “Nagiging miserable ang buhay ng mga anak kapag nagdiborsiyo ang mga magulang nila.” a
Prinsipyo sa Bibliya: “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:4.
Mas magiging masaya ba ang anak ko kapag nagdiborsiyo kaming mag-asawa?
Ang sabi ng iba, oo. Pero tandaan na magkaiba ang pangangailangan ng magulang at ang pangangailangan ng anak. Gusto ng taong makikipagdiborsiyo na baguhin ang buhay niya. Pero ayaw ng anak na may magbago sa buhay nila bilang isang pamilya.
Pagkatapos suriin ang maraming kaso ng diborsiyo, sinabi ng mga manunulat ng aklat na The Unexpected Legacy of Divorce: “Isang bagay ang sigurado: hindi sinasabi ng mga bata na naging masaya sila. Ang totoo, prangkahan nilang sinasabi, ‘Nang magdiborsiyo ang mga magulang ko, hindi na ulit ako naging masaya.’” Sinabi rin dito na para sa mga anak, ang mundo ay “nakakatakot at hindi mapagkakatiwalaan dahil ang pinakamalalapít na tao sa kanila ay puwedeng mang-iwan.”
Tandaan: Malamang na hindi magiging masaya ang mga anak kapag nagdiborsiyo ang mga magulang.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang pagkasira ng loob ay nakauubos ng lakas.”—Kawikaan 17:22.
Ano ang epekto kapag dalawa kaming nagpalaki ng mga anak kahit nagdiborsiyo na kami?
Sinisikap ng ilang nagdiborsiyo na palakihin ang kanilang mga anak na para bang mag-asawa pa rin sila. Pero mahirap itong gawin. Ipinapakita ng pag-aaral na ang mga nagdiborsiyong magulang ay kadalasan nang:
mas kaunti ang panahon kasama ng kanilang anak
magkaiba ang itinuturo sa mga anak
nangungunsinti sa kanilang mga anak dahil nakokonsensiya sila o napapagod na
Posible rin na ang mga anak ay maging masuwayin sa kanilang mga magulang. Tutal, sinira rin naman ng mga magulang ang commitment nila sa isa’t isa, at hindi sila tumupad sa usapan. Baka isipin ng bata, ‘Bakit ako makikinig sa kanila?’
Tandaan: Mahirap para sa mga nagdiborsiyo na palakihin nang magkasama ang mga anak nila. Pero mas mahirap ito para sa mga anak.
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak para hindi sila panghinaan ng loob.”—Colosas 3:21, talababa.
Ano ang mas magandang solusyon?
Pagkatapos magdiborsiyo ng mag-asawa, hindi madaling magsimulang muli. Kaya imbes na doon nila ibuhos ang lakas at panahon nila, mas mabuting pagsikapan nilang ayusin ang pagsasama nila. Sinabi ng aklat na The Case for Marriage: “Ang pagiging problemado ng pagsasama ay hindi naman talaga permanente gaya ng iniisip natin. . . . Sa paglipas ng panahon, ang karamihan ng mag-asawa na hindi naghiwalay, kahit may problema sila, ay naging mas masaya.” Sa kabuoan, mas napapabuti ang mga bata kapag hindi nagdiborsiyo ang mga magulang nila.
Hindi ibig sabihin nito na bawal magdiborsiyo ang mag-asawa. Ang tanging saligan ng pagdidiborsiyo na mababasa sa Bibliya ay ang seksuwal na imoralidad. (Mateo 19:9) Pero sinasabi rin ng Bibliya na “pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Kaya dapat tingnan ng mag-asawa ang lahat ng anggulo bago sila magpasiya—pati na ang magiging epekto ng diborsiyo sa kanilang anak.
Siyempre, hindi sapat na basta pagtiisan na lang ang sitwasyon. Matutulungan ng Bibliya ang asawang lalaki at babae na magkaroon ng mga katangiang kakailanganin nila para magtagal at maging masaya ang pagsasama nila. Hindi na iyan nakakapagtaka, dahil ang Awtor ng Bibliya, si Jehova, ang nagpasimula ng pag-aasawa.—Mateo 19:4-6.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka.”—Isaias 48:17.
a Mula sa aklat na Your Growing Child—From Babyhood Through Adolescence.