Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA

Kung Paano Mo Kokontrolin ang Iyong Galit

Kung Paano Mo Kokontrolin ang Iyong Galit

May nasabi o nagawa ang asawa mo na ikinagalit mo, pero sinisikap mong itago ang galit mo. Nahalata niya iyon at nag-uusisa siya, kaya lalo ka pang nairita. Paano mo makokontrol ang galit mo sa gayong mga sitwasyon?

 Ang dapat mong malaman

  • Ang paglalabas ng galit ay makasasamâ sa kalusugan. Ayon sa mga pag-aaral, mas malaki ang tsansa ng isa na magkaroon ng high blood pressure, sakit sa puso, depresyon, at problema sa panunaw kapag hindi nakokontrol ang galit. May koneksiyon din ang galit sa insomnia, pagkabalisa, sakit sa balat, at stroke. Kaya ganito ang sabi ng Bibliya: “Iwasan mo ang galit . . . , na hahantong lamang sa paggawa ng masama.”—Awit 37:8.

  • Makasasamâ rin ang pagkikimkim ng galit. Kapag hinayaang tumagal ang galit, para itong sakit na nakapipinsala sa loob ng katawan mo. Halimbawa, puwede kang maging mapaghinala o mapamintas. Dahil diyan, mahirap kang pakisamahan at puwede itong makasira sa pagsasama ninyo.

 Ang puwede mong gawin

  • Tingnan ang magagandang katangian ng asawa mo. Maglista ng tatlong bagay na hinahangaan mo sa asawa mo. Sa susunod na magalit ka sa isang bagay na ginawa niya, isipin ang mga katangiang inilista mo. Makakatulong ito para makontrol mo ang iyong galit.

    Simulain sa Bibliya: “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.”—Colosas 3:15.

  •   Maging mapagpatawad. Una, sikaping unawain ang pananaw ng asawa mo. Tutulong ito sa iyo na magkaroon ng empatiya—na tinatawag sa Bibliya na “pakikipagkapuwa-tao.” (1 Pedro 3:8) Pagkatapos, tanungin ang sarili, ‘Napakaseryoso ba ng ikinagagalit ko at hindi ko siya magawang patawarin?’

    Simulain sa Bibliya: “Kagandahan [para sa isa] na palampasin ang pagsalansang.”—Kawikaan 19:11.

  •   Mabait at mataktikang sabihin ang niloloob mo. Sa halip na sabihing “ikaw,” sabihing “ako.” Halimbawa, huwag sabihing, “Hindi ka man lang tumawag para ipaalám sa akin kung nasaan ka,” kundi, “Nag-aalala ako kasi gabi na at hindi ko alam kung nasaan ka.” Kung magsasalita ka nang mahinahon, makakatulong iyan para makontrol mo ang galit mo.

    Simulain sa Bibliya: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”—Colosas 4:6.

  •   Magalang na makinig. Kapag nasabi mo na ang niloloob mo, pakinggan mo naman ang asawa mo nang hindi sumasabad. Kapag tapós na siya, ulitin ang mga sinabi niya para makita kung tama ang pagkakaunawa mo. Malaki ang maitutulong ng pakikinig para makontrol mo ang galit mo.

    Simulain sa Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.