Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Maiiwasan ang Pagseselos

Kung Paano Maiiwasan ang Pagseselos

 Hindi magiging masaya ang mag-asawa kung lagi silang nagsususpetsa at walang tiwala sa isa’t isa. Paano ninyo maiiwasan ang di-tamang pagseselos?

Sa artikulong ito

 Ano ang selos?

 May iba’t ibang kahulugan ang salitang “selos.” Sa artikulong ito, tumutukoy ito sa nararamdaman natin, kapag sa tingin natin, may romantikong interes ang iba sa asawa natin o ang asawa natin ang may romantikong interes sa iba. Puwedeng maisip mong baka masira ang pagsasama ninyong mag-asawa. Kapag ganiyan ang sitwasyon, normal at tama lang na makaramdam ng selos. Kasi ang pagsasama ng mag-asawa ang pinakamalapit na relasyon ng dalawang tao. Dapat nilang gawin ang lahat para maprotektahan ito.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Hindi na sila dalawa, kundi isang laman. . . . Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.

 “Kapag posibleng masira ang pagsasama n’yo, nagsisilbing smoke detector ang selos. Inaalerto ka nito para kumilos.”—Benjamin.

 Pero ang di-tamang selos ay resulta ng paghihinala at takot na wala namang basehan. Para maiwasan ito, kailangan ang tunay na pag-ibig. (1 Corinto 13:4, 7) Isinulat ni Dr. Robert L. Leahy: “Dahil sa ginagawa mo kapag nagseselos ka nang walang basehan, puwedeng masira ang mismong relasyon na gusto mong protektahan.” a

 Ano ang dahilan ng di-tamang pagseselos?

 Baka pinagtaksilan ka ng dati mong asawa kaya madalas kang nakakaramdam ng di-tamang pagseselos. O baka nasira ang pagsasama ng mga magulang mo dahil sa kataksilan at natatakot ka na mangyari din iyon sa iyo.

 “Niloko ng daddy ko ang mommy ko no’ng bata pa ako, kaya hiráp akong magtiwala. Tumatak ’yon sa isip ko kaya paminsan-minsan, nakakaapekto ’yon sa pagsasama naming mag-asawa.”—Melissa.

 Isa pang dahilan: Kung madali kang ma-insecure, baka magduda ka agad at isiping gustong sirain ng iba ang pagsasama ninyong mag-asawa. Baka nga naniniwala ka pang anumang oras kaya kang ipagpalit ng asawa mo sa iba.

 “Sa kasal ng kaibigan ng mister ko, kinukuha siyang abay. Siyempre may makaka-partner siyang iba. Hindi okey sa akin ’yon. Kaya napilitan siyang tumanggi.”—Naomi.

 Iba-iba ang kaugalian sa kasal, at mga prinsipyo sa Bibliya ang dapat na maging basehan ng mga Kristiyano. Tama ba ang naramdaman ni Naomi? Inamin din naman niya na walang basehan ang pagseselos niya. “Na-insecure kasi ako noon,” ang sabi niya. “Akala ko kasi ikinukumpara ako ng mister ko sa ibang babae. Pero iniisip ko lang pala ’yon.”

 Anuman ang dahilan, dahil sa di-tamang pagseselos, baka pagsuspetsahan mo o pagbintangang nagtataksil ang asawa mo. Dahil hindi ka nagtitiwala, puwedeng maapektuhan ang pagsasama ninyo pati na ang kalusugan mo.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Ang inggit [o, selos] ay kabulukan sa mga buto.”—Kawikaan 14:30.

 Paano mo makokontrol ang pagseselos mo?

 Sikaping magtiwala. Huwag maghanap ng mga sign na parang nagtataksil ang asawa mo. Isipin ang mga nagawa niya kaya nagtitiwala ka sa kaniya.

 “Iniisip ko y’ong magagandang katangian ng asawa ko. Kung binibigyan man niya ng atensiyon ang iba, alam kong ginagawa niya lang ’yon kasi mabait siya at wala siyang ibang motibo. Kailangan kong ipaalala sa sarili ko na anuman ang nangyari sa mga magulang ko, hindi ibig sabihin na gano’n din ang mangyayari sa aming mag-asawa.”—Melissa.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.”—1 Corinto 13:7.

 Huwag isipin agad na tama ang hinala mo. Isinulat ni Dr. Leahy, na binanggit kanina: “Madalas para sa atin, tama ang mga iniisip natin. At kapag kumbinsido tayong tama tayo, iyon na ang katibayang pinanghahawakan natin. Tandaan, hindi dahil naniniwala tayong totoo ang isang bagay, ibig sabihin, iyon na ang katotohanan. At hindi dahil kumbinsido tayong totoo iyon, mapanghahawakan na natin iyon.” b

 “Kapag binibigyan mo ng kahulugan ang mga sitwasyon at nag-iisip ka agad ng kung ano-ano, gumagawa ka lang ng problema.”—Nadine.

 Prinsipyo ng Bibliya: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.”—Filipos 4:5.

 Sabihin ang mga naiisip mo. Anuman ang dahilan ng pagseselos mo, sabihin mo iyon sa asawa mo para mapag-usapan ninyo ang mga dapat at di-dapat ninyong gawin.

 “Kapag nag-uusap, isiping hindi ka gustong saktan ng asawa mo at na gusto rin niyang maayos ang sitwasyon. Laging isipin na maganda ang intensiyon ng asawa mo. Baka masyado ka lang sensitive o nag-e-expect nang sobra. O baka hindi lang napapansin ng asawa mo na hindi ka na niya gaanong nabibigyan ng atensiyon.”—Ciara.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.

a b Mula sa aklat na The Jealousy Cure.