TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Paano Kung May Nakakainis na Ugali ang Asawa Ko?
Gusto mo, ’yong biglaan; gusto naman ng asawa mo, lahat planado.
Tahimik ka at di-makuwento; masayahin naman at makuwento ang asawa mo.
May kinaiinisan ka bang ugali ng asawa mo? Kapag laging iyan ang tinitingnan mo, maaapektuhan ang pagsasama ninyo. Sabi nga ng Bibliya, “ang salita nang salita tungkol [sa isang bagay] ay naglalayo sa malalapít na magkakaibigan.”—Kawikaan 17:9.
Imbes na pag-awayan ninyo ang isang nakakainis na ugali, puwede mong tingnan ito sa positibong paraan.
Sa artikulong ito
Ang puwede mong gawin kung may nakakainis na ugali ang asawa mo
Baka ang ugaling kinaiinisan mo sa asawa mo ay may koneksiyon sa katangiang gustong-gusto mo sa kaniya. Tingnan ang tatlong halimbawa:
“Mabagal kumilos ang asawa ko kaya matagal siyang makatapos sa mga ginagawa niya o makapaghanda ’pag may pupuntahan kami. Pero dahil ganiyan siya, pasensiyoso siya—kahit sa ’kin. Nakakainis talaga kung minsan ang kabagalan niya, pero kasama ’yon ng katangiang nagustuhan ko sa kaniya.”—Chelsea.
“Mabusising magplano ang asawa ko. Gusto niyang masigurado ang lahat, kaya minsan naiinis ako. Pero dahil mabusisi siya, wala siyang nakakalimutan.”—Christopher.
“Naiinis ako kung minsan sa asawa ko kasi parang wala siyang pakialam. Pero y’ong pagiging relaxed niya ang isa sa mga katangiang nagustuhan ko sa kaniya. Ang galing niya, kasi kaya niyang maging kalmado kahit nakaka-stress na ang sitwasyon.”—Danielle.
Gaya ng nakita nina Chelsea, Christopher, at Danielle, ang mga kahinaan ng isang tao ay kadalasang ibang anggulo lang ng isang magandang katangian niya. Kaya hindi mo maaalis ang kaniyang kahinaan nang hindi inaalis ang magandang katangian niya, kung paanong hindi mo puwedeng itapon ang isang side lang ng barya.
Siyempre, hindi lahat ng ugali ay may positibong anggulo. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na may mga “taong magagalitin.” (Kawikaan 29:22) Sa ganiyang kaso, dapat sikapin ng isa na alisin ang “lahat ng matinding hinanakit, galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita.” a—Efeso 4:31.
Pero kung nakakainis lang naman ang isang ugali, sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa . . . kahit pa may dahilan kayo para magreklamo.”—Colosas 3:13.
Bukod diyan, hanapin ang positibong bagay sa ugaling iyon. Baka iyon pa nga ang nagustuhan mo sa asawa mo. Sinabi ni Joseph, “Kung magpopokus ka sa isang nakakainis na ugali, para kang nakapokus lang sa matutulis na gilid ng diamante at hindi tumitingin sa napakagandang kinang nito.”
Ang dapat ninyong pag-usapan
Una, pag-isipan ng bawat isa sa inyo ang sumusunod na mga tanong. Pagkatapos, pag-usapan ang sagot ninyo nang magkasama.
May ugali ba ang asawa mo na sa tingin mo ay nagiging dahilan ng pag-aaway ninyo? Kung mayroon, anong ugali iyon?
Seryosong bagay ba ito, o nakakainis lang?
May nakikita ka bang positibong bagay sa ugali niyang ito? Kung mayroon, ano ito, at bakit gusto mo ang katangiang ito ng asawa mo?
a Tingnan ang mga artikulong “Kung Paano Mo Kokontrolin ang Iyong Galit,” “Kung Paano Iiwasang Magsalita Nang Nakasasakit,” at “Kung Paano Maiiwasan ang Pagtatalo.”