Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kung Paano Gagabayan ang mga Anak

Kung Paano Gagabayan ang mga Anak

 Ang dapat mong malaman

Sa ilang kultura sa ngayon, ang mga anak ay malapít sa kanilang mga magulang at sa kanila sila humihingi ng patnubay. Pero sa ibang kultura, ang mga anak ay humihingi ng payo sa kanilang mga kaibigan.

Nawawala ang respeto ng mga anak sa kanilang magulang kapag sa mga kaibigan nila sila humihingi ng payo. Sa katunayan, kapag tin-edyer na ang mga ito, baka maramdaman ng mga magulang na hindi na nakikinig sa kanila ang mga anak nila. At hindi na nakakapagtaka iyan! Kapag mas marami ang panahon nila kasama ang ibang kabataan, parang hindi na ang mga magulang nila ang nagpapalaki sa kanila kundi sila-sila na lang.

Pero bakit mas madali para sa mga bata na maging malapít sa kanilang mga kaibigan kaysa sa kanilang mga magulang? Tingnan ang ilang dahilan.

  • Paaralan. Kapag mas madalas kasama ng mga anak ang mga kaibigan nila, mas napapalapít sila sa isa’t isa at nagiging mas mahalaga sa kanila ang iisipin ng mga kaibigan nila kaysa sa mga magulang nila. At posibleng lumala pa ang ganiyang kaisipan kapag naging tin-edyer na sila.

    Dapat na mas mahalaga sa mga anak ang iisipin ng kanilang mga magulang kaysa sa mga kaeskuwela nila

  • Kulang ang panahon sa isa’t isa. Sa maraming pamilya, pag-uwi ng mga anak galing sa eskuwela, walang tao sa bahay dahil nasa trabaho ang mga magulang nila.

  • Uso sa mga kabataan. Kapag naging tin-edyer na ang mga anak, nawiwili sila sa kung ano ang uso sa mga kabataan, gaya ng pananamit, pagsasalita, at paggawi. Kaya mas mahalaga sa kanila ang iisipin ng kanilang mga kaibigan kaysa ng magulang nila.

  • Negosyo. Gumagawa ang mga negosyo sa ngayon ng mga produkto at libangan na sadyang pangkabataan lang. Dahil dito, nagiging mas mahirap para sa mga anak at magulang na maunawaan ang isa’t isa. “Kapag ang kausuhan sa mga kabataan ay nawala,” ang isinulat ni Dr. Robert Epstein, “malulugi ang malalaking kompanya.” a

 Ang puwede mong gawin

  • Panatilihing matibay ang kaugnayan mo sa iyong anak.

    Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa inyo ngayon ay dapat na nasa puso ninyo, at itanim ninyo ito sa puso ng mga anak ninyo, at kausapin ninyo sila tungkol dito kapag nakaupo kayo sa inyong bahay, kapag naglalakad sa daan, kapag nakahiga, at kapag bumabangon.”​—Deuteronomio 6:6, 7.

    Puwedeng maging kaibigan ng ibang kabataan ang iyong anak, pero hindi nila maibibigay ang patnubay na maibibigay mo bilang magulang. Pero sinasabi ng mga eksperto na karamihan sa mga anak at tin-edyer ay may respeto at gustong mapasaya ang kanilang mga magulang. Kaya kung magiging malapít ka sa iyong mga anak, mas makikinig sila sa iyo kaysa sa mga kaibigan nila.

    “Dapat na may panahon ka para sa iyong mga anak at magkasama ninyong gawin ang mga pang-araw-araw na gawain, gaya ng pagluluto, paglilinis, at paggawa ng assignment nila. Puwede rin kayong maglarong magkasama, manood ng pelikula o TV. Huwag mong isipin na ang kailangan lang ay ‘quality time’—ilang makabuluhang oras kasama ng iyong anak. Kailangan mo ring gumugol ng maraming panahon kasama nila!”—Lorraine.

  • Siguraduhing hindi lang kaedaran ng anak mo ang mga kaibigan niya.

    Sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.”​—Kawikaan 22:15.

    Kontento na ang ilang magulang kapag nakikita nilang maraming kaibigan ang anak nila. Kung mga kaedaran ng anak mo ang kaibigan niya, posible na matuto siyang makibagay. Pero para mag-mature siya, kailangan din niyang makipagkaibigan sa mga hindi niya kaedad. Hindi maibibigay ng mga kaedaran ng iyong anak ang payo at patnubay na kailangan niya dahil mapagmahal na mga magulang lang ang makakagawa nito.

    “Baka may alam naman ang mga kaibigan ng anak mo, pero wala silang mga kasanayan, karanasan sa buhay, at karunungan na makakatulong sa anak mo na makagawa ng matatalinong desisyon. Pero kapag nagpapagabay ang mga anak sa mga magulang nila, nagma-mature sila ayon sa edad nila.”​—Nadia.

  • Magbigay ng matalinong payo.

    Sinasabi ng Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”​—Kawikaan 13:20.

    Kahit malalaki na ang iyong anak, marami pa rin silang matututuhan sa iyo kapag lagi ka nilang kasama. Kaya maging mabuting halimbawa sa kanila.

    “Ang pinakamagandang halimbawa para sa mga anak ay ang kanilang magulang. Kapag natutuhan ng mga anak na mahalin at irespeto ang kanilang mga magulang, gugustuhin nilang maging katulad nila paglaki nila.”​—Katherine.

a Mula sa aklat na Teen 2.0—Saving Our Children and Families From the Torment of Adolescence.