TULONG PARA SA PAMILYA
Kung Paano Tutulungan ang Iyong Anak na Pataasin ang Kaniyang Grades
Walang ganang mag-aral ang anak mo at hindi niya ginagawa ang kaniyang assignment. Ang resulta? Bumaba ang kaniyang grades at sumamâ rin ang asal niya. Paano mo matutulungan ang iyong anak na mapataas ang kaniyang grades?
Ang dapat mong malaman
Lumalala ang problema dahil sa pressure. Kung ipe-pressure mo ang iyong anak, mai-stress ito sa paaralan at sa bahay! Kaya para mabawasan ang stress, baka magsinungaling siya, ilihim ang kaniyang mababang grades, palsipikahin ang pirma mo sa kaniyang report card, o magbulakbol. Lulubha lang ang problema.
Maaaring kabaligtaran ang resulta ng premyo. “Para mapasigla ang aming anak na babae, binibigyan namin siya ng premyo kapag mataas ang grade niya,” sabi ni Andrew, isang ama, “pero nagpokus lang siya sa premyo. Kapag mababa ang grade niya, mas nalulungkot pa siya dahil sa premyong hindi niya nakuha kaysa sa mababang grade niya.”
Hindi makabubuti na sisihin ang mga guro. Baka isipin ng iyong anak na hindi kailangan ang pagsisikap para magkaroon ng magagandang resulta. Maaaring sisihin din niya ang iba sa kaniyang mga pagkakamali at asahan ang iba na lutasin ang mga problema niya. Sa maikli, baka hindi niya matutuhan ang isang kasanayang mahalaga sa buhay paglaki niya—ang pagtanggap ng pananagutan sa kaniyang mga ikinikilos.
Ang puwede mong gawin
Kontrolin ang iyong damdamin. Kung galit ka, huwag munang kausapin ang anak mo tungkol sa grades niya. “Maganda ang resulta kapag mahinahon at maunawain kaming mag-asawa,” sabi ni Brett, isang ama.
Simulain sa Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.”—Santiago 1:19.
Alamin ang tunay na problema. Ang karaniwang dahilan ng mababang grades ay bullying, paglipat ng paaralan, pag-aalala sa exam, problema sa pamilya, kakulangan sa tulog o iskedyul, o hirap sa pagpopokus. Huwag mong isipin na tamad lang ang anak mo.
Simulain sa Bibliya: “Siya na nagpapakita ng kaunawaan sa isang bagay ay makasusumpong ng mabuti.”—Kawikaan 16:20.
Gawing kasiya-siya sa pag-aaral ang kapaligiran. Gumawa ng iskedyul para sa pag-aaral at paggawa ng assignment. Humanap ng lugar kung saan magagawa ng anak mo ang kaniyang assignment nang walang abala (gaya ng telebisyon at cellphone). Puwedeng unti-untiin ang paggawa ng assignment para hindi mainip ang iyong anak. Si Hector, isang ama mula sa Germany, ay nagsabi, “Kung magkakaroon ng test, nagre-review kami nang pakonti-konti araw-araw sa halip na maghintay kapag malapit na ang exam.”
Simulain sa Bibliya: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”—Eclesiastes 3:1.
Pasiglahin siyang mag-aral. Habang mas naiintindihan ng anak mo kung paano siya nakikinabang sa paaralan ngayon, lalo siyang mapapasiglang mag-aral. Halimbawa, makakatulong sa kaniya ang math para mabadyet niya ang kaniyang baon.
Simulain sa Bibliya: “Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng pagkaunawa. . . . Pahalagahan mo itong lubha.”—Kawikaan 4:5, 8.
Tip: Tulungan ang iyong anak sa kaniyang assignment, pero huwag mo itong gawin para sa kaniya. Inamin ni Andrew, “Umaasa sa amin ang aming anak para sagutin ang kaniyang assignment sa halip na siya ang gumawa nito.” Turuan ang iyong anak kung paano gagawin ang kaniyang assignment.