TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Ilagay sa Lugar ang Paggamit ng Gadyet—Paano?
Ang paggamit ng gadyet ay puwedeng makatulong o makasamâ sa pagsasama ng mag-asawa. Paano ito nakakaapekto sa mag-asawa?
Ang dapat mong malaman
Ang balanseng paggamit ng gadyet ay puwedeng makatulong sa mag-asawa. Halimbawa, ginagamit ito ng ilang mag-asawa para makontak ang isa’t isa kapag hindi sila magkasama.
“Malaki ang magagawa ng simpleng text na gaya ng ‘I love you’ o ‘I miss you’ para maging malapít ang mag-asawa.”—Jonathan.
Ang hindi balanseng paggamit ng gadyet ay makakasamâ sa mag-asawa. Halimbawa, hindi na mabitiwan ng ilan ang kanilang gadyet, kaya hindi na nila naibibigay ang atensiyon at panahong para sana sa kanilang asawa.
“Sigurado akong may mga pagkakataong gusto akong kausapin ng asawa ko kaso hawak ko ang gadyet ko.”—Julissa.
May mga nagsasabing kaya nilang pagsabayin ang makabuluhang pakikipag-usap sa kanilang asawa at ang paggamit ng gadyet. Ayon sa isang sociologist na si Sherry Turkle, ang ideyang ito na kayang pagsabay-sabayin ang paggawa ng iba’t ibang trabaho ay isang maling akala. Ang totoo, hindi ito magandang kaugalian. Ayon pa sa kaniya, “bumababa ang kalidad ng trabaho natin kapag pinagsasabay-sabay natin ito.” a
“Masarap makipag-usap sa asawa ko pero hindi, kapag may iba siyang ginagawa. Pakiramdam ko kapag hawak niya ang gadyet niya, parang okey lang na wala ako.”—Sarah.
Tandaan: Ang paggamit mo ng gadyet ay puwedeng makatulong o makasamâ sa inyong mag-asawa.
Ang puwede mong gawin
Magtakda ng priyoridad. Sinasabi ng Bibliya: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.” (Filipos 1:10, talababa) Tanungin ang sarili, ‘Naaagaw ba ng gadyet ang oras at atensiyon naming mag-asawa na dapat sana ay para sa isa’t isa?’
“Nakakalungkot makakita ng mag-asawang nakatutok sa kani-kanilang gadyet habang nasa restaurant sila nang hindi man lang nag-uusap. Ayaw naming maging alipin ng gadyet at makalimutan ang pinakamahalaga—ang aming ugnayang mag-asawa.”—Matthew.
Magtakda ng limitasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.” (Efeso 5:15, 16) Tanungin ang sarili, ‘Posible bang magtakda ako ng panahon sa pagsagot sa mga text na hindi naman emergency imbes na basahin agad ang lahat ng dumarating na text?’
“Isine-set ko sa silent mode ang phone ko at nagre-reply lang kapag mas kumbinyente na. Bibihira naman ang mga tawag, text, o e-mail na talagang emergency at kailangang sagutin agad.”—Jonathan.
Kung posible, huwag iuwi ang trabaho. Sinasabi ng Bibliya: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay.” (Eclesiastes 3:1) Tanungin ang sarili: ‘Ginagamit ko ba ang gadyet ko para magtrabaho kahit nasa bahay na ako? Naaagaw ba nito ang oras na dapat sana’y sa pamilya ko? Kung oo, paano ito nakakaapekto sa aming mag-asawa? Ano ang masasabi ng asawa ko?’
“Dahil sa gadyet, nakakapagtrabaho ako anumang oras. Kapag kasama ko ang asawa ko, iniiwasan kong laging tingnan ang gadyet ko lalo na kung tungkol sa trabaho.”—Matthew.
Pag-usapan ninyong mag-asawa ang paggamit ng gadyet. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.” (1 Corinto 10:24) Pag-usapan ninyong mag-asawa ang paggamit ninyo ng gadyet at anong mga pagbabago ang kailangang gawin. Puwede mong gamitin ang seksiyong “ang dapat ninyong pag-usapan” na nasa artikulong ito.
“Tapat kaming mag-asawa sa isa’t isa, at sinasabihan namin ang isa’t isa kapag napapansin naming sobra na ang paggamit namin ng gadyet. Alam naming posible itong pagmulan ng problema, kaya mahalaga sa amin ang sasabihin ng bawat isa.”—Danielle.
Tandaan: Siguraduhing ikaw ang may kontrol sa gadyet mo, imbes na ikaw ang kinokontrol nito.
a Mula sa aklat na Reclaiming Conversation—The Power of Talk in a Digital Age.