TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Protektahan ang Anak Mo Laban sa Pornograpya
“Alam naming mapanganib ang pornograpya. ’Di lang namin naisip na ang dali palang ma-expose dito ng anak naming dalaga.”—Nicole.
Sa artikulong ito
Ang dapat mong malaman
Posibleng makapanood o makabasa ng pornograpya ang mga anak mo kahit bata pa. Ayon sa pag-aaral, 11 ang average na edad ng mga bata nang una silang makakita ng pornograpya.
Posibleng makapanood o makabasa ng pornograpya ang mga bata kahit hindi nila ito hanapin. Halimbawa, baka makakita sila ng pornograpya habang nagre-research sa Internet o nagba-browse sa social media. Puwedeng bigla na lang lumitaw ang mga advertisement ng porn habang naglalaro sila ng video game online. May iba’t ibang format ang pornograpya, madalas mga picture at video ito. Pero napakadali na rin ngayong mag-stream o mag-download ng mga kuwento at audio recording na may pornograpya.
Dapat ding tandaan ng mga magulang na puwedeng may magpadala ng materyal na may pornograpya sa anak nila gamit ang mga messaging app. Sa isang pag-aaral sa mahigit 900 kabataan, halos 90 percent ng mga babae at halos 50 percent ng mga lalaki ang nagsabi na regular silang pinapadalhan ng mga classmate nila ng mga picture at video na may pornograpya.
Madalas na may karahasan sa mga pornograpya ngayon. May karahasan din, lalo na sa mga babae, sa popular na mga pornograpya ngayon.
May masamang epekto sa mga bata ang pornograpya. Ayon sa research, ang mga batang nakakita o nakapanood ng pornograpya ay mas malamang na:
bumaba ang mga grade sa school
makaranas ng anxiety, depression at bumaba ang tingin sa sarili
isiping normal lang na piliting makipag-sex sa kanila ang iba
Tandaan: Madaling maapektuhan ng pornograpya ang mga bata, at ang mga magulang ang talagang makakaprotekta sa kanila.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa inyo ngayon ay dapat na nasa puso ninyo, at itanim ninyo ito sa puso ng mga anak ninyo, at kausapin ninyo sila tungkol dito kapag nakaupo kayo sa inyong bahay, kapag naglalakad sa daan, kapag nakahiga, at kapag bumabangon.”—Deuteronomio 6:6, 7.
Kung paano poprotektahan ang anak mo sa pornograpya
Alamin ang mga dapat mong malaman. Isipin kung kailan at kung saan puwedeng makapanood ng pornograpya ang anak mo. Halimbawa, nakakapag-Internet ba siya kapag break time sa school?
Alamin ang mga safety feature ng phone niya, at maging pamilyar sa mga app na ginagamit niya at mga game na nilalaro niya. Halimbawa, may “disappearing” message function sa ilang messaging app kung saan puwedeng mawala kaagad ang malalaswang message, picture, o video. At dumarami ang online video game kung saan puwedeng manood ng pornograpya at makipag-virtual sex pa nga ang mga player sa loob ng game.
“Naranasan ko mismo ito: Kung may smartphone ang anak mo, bilang magulang, dapat alam mo kung paano gamitin ito, kung paano maglalagay ng parental control at kung paano imo-monitor ang ginagawa ng anak mo sa gadget niya.”—David.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang puso ng may unawa ay kumukuha ng kaalaman.”—Kawikaan 18:15.
Gawin ang lahat para hindi makakita, makabasa, o makarinig ng pornograpya ang anak mo. Kumilos agad. Halimbawa: I-adjust ang setting ng phone ng anak mo at ng lahat ng device sa bahay ninyo para ma-block ang malalaswang content. I-activate ang mga parental control. At alamin ang lahat ng password ng anak mo.
“Nakita kong praktikal na i-activate ang mga parental control sa mga device namin, limitahan ang mga programang naa-access ng anak namin sa smart TV, at alamin ang PIN ng phone niya.”—Maurizio.
“Hindi ko pinapayagan ang mga anak kong lalaki na manood ng video sa kuwarto nila nang nakasara ang pinto. At kapag oras na para matulog, hindi ko pinapayagang dalhin nila sa kuwarto ang mga gadget nila.”—Gianluca.
Prinsipyo sa Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago.”—Kawikaan 22:3.
Ihanda ang anak mo. “May mga magulang na iniiwasang kausapin ang anak nila tungkol sa pornograpya. Iniisip kasi nila na hindi magkakaproblema do’n ang anak nila,” sinabi ni Flavia na isang nanay. Nag-aalala naman ang ibang magulang, ‘Kung babanggitin namin ito, hahanapin ito ng anak namin.’ Pero maling isipin iyan. Tuturuan ng matatalinong magulang ang anak nila tungkol sa mga panganib ng pornograpya bago pa siya makakita o makapanood nito. Paano mo gagawin iyon?
Ituro sa mas batang mga anak mo ang dapat nilang gawin kung may makita o mapanood silang malaswa. Halimbawa, puwede nilang i-off ang gadget nila o puwede silang pumikit. At kausapin sila na sabihin sa iyo kung ano ang nakita o narinig nila. a
“Noong bata pa ang anak naming lalaki, kinausap na namin siya tungkol sa mga panganib ng porn. Nang mga 11 siya, may lumitaw na mga ad sa game na na-download niya sa phone niya. Sa mga ’yon, may mga chat na nagsasabing magpadala siya ng picture niya. Dahil napag-usapan na namin ang dapat gawin, lumapit siya agad sa amin at sinabi ang nangyari.”—Maurizio.
Prinsipyo sa Bibliya: “Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”—Kawikaan 22:6.
Tulungan ang mas matandang mga anak mo na huwag matuksong manood, makinig, o magbasa ng porn. Halimbawa, tulungan ang anak mo na gumawa ng kasunduan ng pamilya. Ipasulat sa kaniya kung ano ang gagawin niya kapag nakakita siya ng porn at kung bakit iyon ang gagawin niya. Ipasulat din sa kaniya kung ano ang mga puwedeng mangyari kapag sinadya niyang manood ng porn, gaya ng pagkawala ng respeto sa sarili at tiwala ninyo sa kaniya, at pagkasira ng kaugnayan niya sa Diyos. b
“Habang lumalaki ang mga anak ninyo, ipakita sa kanila ang pangmatagalang epekto kapag nanood sila ng pornograpya.”—Lauretta.
“Kung naiintindihan ng mga anak natin ang mga panganib ng pornograpya at ang nararamdaman ni Jehova tungkol dito, mas mapoprotektahan natin sila.”—David.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang karunungan ay proteksiyon.”—Eclesiastes 7:12.
Laging mag-usap. Mahirap mang paniwalaan, pero gusto talaga ng mga bata na makipag-usap sa mga magulang nila tungkol sa sex, kasama na rito ang pornograpya. “Natutuhan namin na gusto ng mga bata na pag-usapan ang sex nang mas maaga at mas madalas,” ang sabi ni Dame Rachel de Souza, Children’s Commissioner for England. “Gusto ng mga bata na kapag pinag-uusapan ang tungkol sa sex, ibinabagay ito sa edad nila habang lumalaki sila.”
“Noong lumalaki ako, may mga bagay na hindi namin pinag-uusapan ng mga magulang ko. Sana naging mas open kami sa isa’t isa. Ngayong nanay na ako, sinisikap kong regular na makipag-usap sa mga anak ko tungkol sa sex nang hindi kami naiilang sa isa’t isa.”—Flavia.
Kapag nakakita, nakabasa, o nakarinig ng pornograpya ang anak mo
Maging kalmado. Huwag mag-react agad kapag nalaman mong nakakita, nakapakinig, o nakabasa ng pornograpya ang anak mo. Baka siya mismo nadismaya, nagulat, o nakokonsensiya sa nangyari. Lalala lang ang sitwasyon kapag nagalit ka at baka hindi na siya lumapit sa iyo sa susunod.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang taong may kaalaman ay maingat sa pagsasalita, at ang may kaunawaan ay nananatiling kalmado.”—Kawikaan 17:27.
Alamin kung ano ang nangyari. Sa halip na mag-isip agad ng konklusyon, magtanong para malaman kung paano nakakita ng pornograpya ang anak mo. Halimbawa, may nagpadala ba sa kaniya ng picture, o hinanap niya iyon? Minsan lang ba iyon nangyari, o dati na siyang nakakakita ng pornograpya? May naka-install ba na mga filter o parental control sa mga device na ginagamit niya? At kung mayroon, gumawa ba siya ng paraan para malusutan ang mga iyon? Pero huwag mo namang paulanan ng tanong ang anak mo. Sikapin mong kusa siyang magkuwento sa iyo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang laman ng puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, pero nasasalok ito ng taong may kaunawaan.”—Kawikaan 20:5.
Kumilos agad. Halimbawa, kung hindi sinasadyang nakakita ng pornograpya ang anak mo, baka kailangan mong baguhin ang mga parental control at filter sa device niya.
Kung malaman mo na nag-search siya ng pornograpya, mapagmahal na disiplinahin siya. Patibayin ang paninindigan niya na iwasan ang pornograpya. Gumamit ng mga teksto na gaya ng Job 31:1, Awit 97:10, at Awit 101:3. c Sabihin mo rin sa kaniya na linggo-linggo mong aalamin kung ano na ang mga nagawa niya at kung ano pa ang mga kailangang gawin para matulungan siya.
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi palakihin sila ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
a Para sa mga tip kung paano kakausapin ang anak mo tungkol sa sex na babagay sa edad niya, tingnan ang artikulong “Paano Tuturuan ng mga Magulang ang Kanilang mga Anak Tungkol sa Sex?”
b Para sa mga puwedeng ilagay sa kasunduan, tingnan ang worksheet na “Pag-iwas sa Pornograpya.”
c Puwede ninyo ring tingnang magkasama ang artikulong “Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?”