Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Mga Bata at ang Smartphone—Bahagi 1: Puwede Na Bang Magkaroon ng Smartphone ang Anak Ko?

Mga Bata at ang Smartphone—Bahagi 1: Puwede Na Bang Magkaroon ng Smartphone ang Anak Ko?

 Dumarami na ang mga bata na may smartphone, a at karaniwan nang nag-iisa sila kapag ginagamit nila ito sa pag-i-Internet. Ano ang mga panganib kapag pinayagan mong magkaroon ng smartphone ang anak mo? Ano ang mga pakinabang? Sa isang araw, gaano mo sila katagal papayagan na gumamit nito?

 Ang dapat mong malaman

 Mga Pakinabang

  •   Nababawasan ang pag-aalala ng mga magulang dahil alam nilang ligtas ang mga anak nila. “Mapanganib na ang mundo sa ngayon,” ang sabi ni Bethany, na may dalawang anak na tin-edyer. “Napakahalaga para sa mga bata na makontak ang mga magulang nila.”

     Ganito naman ang sinabi ng nanay na si Catherine: “May mga app na puwede kang makakonekta sa cellphone ng anak mo para malaman kung nasaan siya. Kung nagda-drive naman siya, malalaman mo kung gaano siya kabilis magpatakbo.”

  •   Nakakatulong sa school. “Nagagamit ang e-mail o text para ipadala ang mga assignment ng mga bata, at nagagamit din ito para makausap nila ang mga teacher nila,” ang sabi ng nanay na si Marie.

 Mga Panganib

  •   Sobrang paggamit. Sa isang araw, karaniwan nang ilang oras ang nagagamit ng mga kabataan sa cellphone. Ang totoo, magkapareho ang dami ng oras na nagagamit ng mga magulang sa gadyet nila at sa pakikipag-usap sa mga anak nila. Sinabi ng isang eksperto na ang ilang pamilya ay parang “isang grupo ng mga taong magkakasama pero hindi magkakakilala, kasi nakatutok lang sila sa mga gadyet nila.” b

  •   Pornograpya. Ayon sa isang pagtantiya, mahigit sa kalahati ng mga tin-edyer ang nagse-search ng pornograpya buwan-buwan—at hindi na iyan nakakagulat, kasi napakadali nitong ma-access sa mga smartphone ngayon. “Kapag pinayagan ng mga magulang ang anak nila na magkaroon ng smartphone,” ang sabi ni William na may dalawang anak na tin-edyer, “wala silang kamalay-malay na binibigyan na pala nila ang anak nila ng access sa lahat ng klase ng pornograpya.”

  •   Pagkaadik sa cellphone. Maraming tao ang naaadik sa cellphone nila. Kapag hindi nila makita ang cellphone nila, nagpa-panic agad sila, sobrang nag-aalala, at nagkakasakit pa nga ang iba. Sabi ng ilang magulang, nagiging walang galang ang mga anak nila kapag gumagamit ang mga ito ng cellphone. “Minsan, kapag gusto kong kausapin ang anak ko,” ang sabi ni Carmen, “iniirapan niya ako o sinasagot-sagot, kasi ayaw niyang maistorbo sa pagse-cellphone niya.”

  •   Iba pang panganib. Sa paggamit ng smartphone, puwedeng mahantad ang anak mo sa cyberbullying at sexting. Puwede rin siyang magkasakit dahil sa maling posture at pagpupuyat. May ilang kabataan na gumagamit ng “ghost app” para itago ang mga bagay sa cellphone nila na ayaw nilang makita ng mga magulang nila. Puwede itong magmukhang normal na app, gaya ng calculator.

     Sinabi ni Daniel, isang tatay na may anak na tin-edyer: “Kapag may smartphone ang anak mo, puwede niyang makita ang anumang nasa Internet—mabuti man o masama.”

 Ang dapat mong pag-isipan

  •   ‘Kailangan ba talaga ng anak ko ng smartphone?’

     Sinasabi ng Bibliya: “Pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.” (Kawikaan 14:15) Pag-isipan ang tekstong iyan, at tanungin ang sarili:

     ‘Dapat bang magkaroon ng smartphone ang anak ko para sa safety o iba pang dahilan? Pinag-isipan ko ba ang mga pakinabang at panganib? May iba pa bang puwedeng gamitin bukod sa smartphone?’

     “Meron pa rin namang mga cellphone na hindi smartphone,” ang sabi ng tatay na si Todd, “at magagamit pa rin naman iyon para matext o matawagan ang anak mo. At makakatipid ka pa.”

  •   ‘Handa na ba ang anak ko na magka-smartphone?’

     Sinasabi ng Bibliya: “Ang marunong ay inaakay ng puso niya sa tamang landas.” (Eclesiastes 10:2) Pag-isipan ang tekstong iyan, at tanungin ang sarili:

     ‘Paano ko masasabi na mapagkakatiwalaan na ang anak ko? Nagkukuwento ba siya sa akin? Lagi bang nagsasabi ng totoo ang anak ko, halimbawa, pagdating sa kung sino ang mga kaibigan niya? Disiplinado ba siya sa paggamit ng ibang device, gaya ng TV, tablet, o laptop?’ “Maraming gamit ang smartphone pero puwede rin itong maging mapanganib,” ang sabi ng nanay na si Serena. “Pag-isipan ang responsibilidad na ibibigay mo sa anak mo sa murang edad.”

  •   ‘Handa na ba ako sa responsibilidad kapag nagka-smartphone ang anak ko?’

     Sinasabi ng Bibliya: “Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran.” (Kawikaan 22:6) Pag-isipan ang tekstong iyan, at tanungin ang sarili:

     ‘Alam ko ba kung ano ang kayang gawin ng mga smartphone para matulungan ko ang anak ko na maintindihan at maiwasan ang mga panganib? Alam ko bang i-set ang mga parental control nito? Paano ko matutulungan ang anak ko na maging matalino sa paggamit ng smartphone?’ “Maraming magulang ang pinapabayaan na lang ang mga anak nila na gumamit ng smartphone,” ang sabi ng tatay na si Daniel, na binanggit kanina.

 Tandaan: Kailangang turuan ang mga bata na maging responsable sa paggamit ng smartphone. “Hindi natin puwedeng asahan na magiging responsable agad ang mga bata sa paggamit ng gadyet,” ang sabi ng aklat na Indistractable, “lalo na kung wala ang mga magulang nila para subaybayan sila.”

a Sa artikulong ito, ang salitang “smartphone” ay tumutukoy sa isang cellphone na puwedeng maka-access sa Internet.

b Mula sa aklat na Disconnected, ni Thomas Kersting.