Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Mga Bata at Social Media​—Bahagi 2: Ituro ang Tamang Paggamit ng Social Media sa Anak Mong Teenager

Mga Bata at Social Media​—Bahagi 2: Ituro ang Tamang Paggamit ng Social Media sa Anak Mong Teenager

 Dahil sa mga panganib, hindi pinapayagan ng maraming magulang na gumamit ng social media ang mga anak nila. Pero kung pinayagan mong gumamit nito ang anak mong teenager, paano mo siya matutulungang maiwasan ang di-magagandang epekto nito at maging responsable sa paggamit nito?

Sa artikulong ito

 Mga priyoridad ng anak mo

 Ang dapat mong malaman: Dahil nakakaadik ang social media, baka kailangan mo siyang tulungang makontrol ang oras na ginagamit niya dito.

 Prinsipyo sa Bibliya: ‘Tiyakin ang mas mahahalagang bagay.’—Filipos 1:10.

 Pag-isipan: Nakakaapekto ba sa tulog, gawain sa school, o panahon sa pamilya ang paggamit ng anak mo ng social media? Sinasabi ng mga researcher na mga siyam na oras ng tulog ang kailangan ng mga teenager gabi-gabi. Pero posibleng halos wala pang pitong oras ang tulog ng isa kung inaabot siya ng ilang oras sa isang araw sa paggamit ng social media.

 Ang puwede mong gawin: Pag-usapan ninyo ang mga priyoridad ng anak mo at ipaliwanag kung bakit magandang magkaroon ng limitasyon sa paggamit ng social media. Magtakda ng makatuwirang patakaran, gaya ng pagbabawal na gumamit ng gadyet kapag oras na ng pagtulog. Tunguhin mo na maturuan siyang magkaroon ng kontrol sa sarili. Makakatulong ito sa kaniya kapag adulto na siya.—1 Corinto 9:25.

 Ang emosyonal na kalusugan ng anak mo

 Ang dapat mong malaman: Kapag nakakakita ang mga kabataan ng mga edited na selfie ng iba at mga picture ng mga kaibigan nilang nagsasaya, puwede silang malungkot at ma-depress.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Alisin ninyo sa inyo ang . . . inggit.”—1 Pedro 2:1.

 Pag-isipan: Nadidismaya ba ang anak mo sa hitsura at katawan niya kapag naikukumpara niya ang sarili niya sa iba sa social media? Naiisip ba niyang masaya ang buhay ng iba samantalang boring ang sa kaniya?

 Ang puwede mong gawin: Pag-usapan ninyo ng anak mo ang masasamang epekto kung ikukumpara niya ang sarili niya sa iba. Tandaan, malamang na mas apektado o sensitive ang mga teenager na babae pagdating sa pakikipagkaibigan at hitsura nila. Puwede mo rin silang payuhan na paminsan-minsan, huwag munang gumamit ng social media. Sinabi ng isang kabataan na si Jacob: “May panahong nag-delete ako ng social media ko. Natulungan ako nitong mapag-isipan ang mga priyoridad ko at magkaroon ng tamang pananaw sa sarili at sa iba.”

 Ang ugali ng anak mo online

 Ang dapat mong malaman: Kapag may social media ka, para kang nasa harap ng maraming tao at nakikita nila ang lahat ng ginagawa mo. Dahil dito, madalas magkaroon ng di-pagkakaunawaan at di-pagkakasundo.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit, galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita . . . Maging mabait kayo sa isa’t isa.”—Efeso 4:31, 32.

 Pag-isipan: Naiimpluwensiyahan ba ng social media ang anak mo na makisali tsismis, makipag-away, o magsalita ng di-maganda?

 Ang puwede mong gawin: Turuan ang anak mong magkaroon ng magandang asal online. Sinabi ng aklat na Digital Kids: “Bilang mga magulang, kasama sa pananagutan natin na iturong mabuti na ang di-magandang asal ay hindi katanggap-tanggap—online man o sa totoong buhay.”

 Tandaan na hindi kailangan ang social media sa buhay. Hindi rin pinapayagan ng lahat ng magulang ang mga anak nilang teenager na gumamit nito. Kung pinayagan mong gumamit ng social media ang anak mo, siguraduhing kaya na niyang limitahan ang oras ng paggamit nito, magkaroon ng mabubuting kaibigan dito, at iwasan ang di-angkop na mga content.