TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | ELIAS
Nagtiis Siya Hanggang Wakas
Narinig ni Elias ang balita: Patay na si Haring Ahab. Isip-isipin ang may-edad nang propeta na hinihimas ang balbas niya at hindi mapakali ang mata habang iniisip ang ilang dekadang pakikipag-ugnayan niya sa napakasamang haring iyon. Napakarami nang pinagtiisan ni Elias! Pinagbantaan siya at tinugis at muntik pa siyang mamatay—sa kamay ni Ahab at ng reyna nito, si Jezebel. Walang ginawa ang hari para pigilan si Jezebel nang ipag-utos nitong patayin ang maraming propeta ni Jehova. Nagpakana ang mag-asawang ito para maipapatay ang isang inosente at matuwid na tao, si Nabot, pati ang mga anak nito, dahil sa kasakiman. Dahil diyan, inihatid ni Elias ang mensahe ng paghatol ni Jehova kay Ahab at sa kaniyang buong dinastiya. Nangyari ang sinabi ng Diyos. Namatay si Ahab sa paraang inihula ni Jehova.—1 Hari 18:4; 21:1-26; 22:37, 38; 2 Hari 9:26.
Pero alam ni Elias na kailangan niyang patuloy na magtiis. Buháy pa si Jezebel, at patuloy pa rin nitong binubuyo sa masama ang sariling pamilya at ang bansa. Marami pang hamong haharapin si Elias, at marami pa siyang ituturo sa kasama niya at kahalili, si Eliseo. Kaya tingnan natin ang tatlo sa mga huling atas ni Elias. Habang nakikita natin kung paano nakatulong sa kaniya ang pananampalataya niya para makapagtiis, mas makikita natin kung paano patitibayin ang ating pananampalataya sa maligalig na panahong ito.
Hinatulan si Ahazias
Si Ahazias, na anak nina Ahab at Jezebel, ay hari na ngayon ng Israel. Sa halip na matuto sa pagkakamali ng mga magulang niya, tinularan niya ang masama nilang halimbawa. (1 Hari 22:52) Gaya nila, sumamba si Ahazias kay Baal. Ang Baalismo ay isang relihiyong nagpapasama sa mga tao; itinataguyod nito ang prostitusyon sa templo at maging ang paghahandog ng anak. May makakapagpabago ba kay Ahazias at makakatulong sa mga nasasakupan niya na talikuran ang napakalaking kataksilang iyon kay Jehova?
Biglang napahamak ang mayabang at bata pang haring ito. Nahulog siya sa isang sala-sala mula sa silid niya sa bubungan ng bahay at nasugatan nang malubha. Kahit nanganganib na ang buhay niya, hindi pa rin siya humingi ng tulong kay Jehova. Sa halip, nagpadala siya ng mga mensahero sa mga kalaban nilang Filisteo, sa lunsod ng Ekron, para tanungin ang diyos na si Baal-zebub kung gagaling pa siya. Dahil diyan, galit na galit si Jehova. Nagpadala siya ng anghel kay Elias para utusan itong salubungin ang mga mensahero. Pinabalik sila ng propeta sa hari dala ang isang mabigat na mensahe. Nagkasala nang malubha si Ahazias dahil kumilos siya na parang walang Diyos ang Israel. Sinabi ni Jehova na hindi na gagaling si Ahazias.—2 Hari 1:2-4.
Hindi nagsisi si Ahazias at nagtanong pa siya: “Ano ang kaanyuan ng lalaki na umahon upang sumalubong sa inyo at pagkatapos ay nagsalita ng mga salitang ito sa inyo?” Inilarawan ng mga mensahero ang simpleng damit ng propeta, at sinabi agad ni Ahazias: “Iyon ay si Elias.” (2 Hari 1:7, 8) Mapapansing simple lang ang buhay ni Elias at nakapokus siya sa paglilingkod sa Diyos kaya madali siyang nakilala kahit na ang inilarawan lang ay ang ordinaryo niyang pananamit. Malayong-malayo siya kay Ahazias at sa mga magulang nito, na mga sakim at materyalistiko. Ipinaaalaala sa atin ng halimbawa ni Elias na sundin ang payo ni Jesus na mamuhay nang simple at magpokus sa mga bagay na talagang mahalaga.—Mateo 6:22-24.
Gustong gumanti ni Ahazias, kaya nagpadala siya ng 50 kawal kasama ang pinuno ng mga ito para arestuhin si Elias. Nang makita nila si Elias na “nakaupo sa taluktok ng bundok,” a walang-galang na inutusan ng pinuno si Elias na “bumaba”—malamang na para patayin. Isipin mo iyon! Kahit na alam nilang si Elias ay lingkod ng tunay na Diyos, inisip ng mga kawal na iyon na tama lang na takutin at pagbantaan siya. Maling-mali sila! Sinabi ni Elias sa pinuno: “Kung ako ay isang lalaki ng Diyos, bumaba nawa ang apoy mula sa langit at lamunin ka at ang iyong limampu.” Kumilos ang Diyos! “Ang apoy ay bumaba mula sa langit at nilamon siya at ang kaniyang limampu.” (2 Hari 1:9, 10) Ang masaklap na kinahinatnan ng mga kawal na iyon ay malinaw na paalaala na seryosong bagay kay Jehova kapag hinahamak at hindi iginagalang ng mga tao ang mga lingkod niya.—1 Cronica 16:21, 22.
Nagpadala si Ahazias ng isa pang pinuno kasama ang 50 nitong tauhan. Ang ikalawang pinuno ay mas walang pakundangan kaysa sa una. Hindi siya natuto sa pagkamatay ng 51 lalaking iyon, kahit na posibleng nagkalat pa sa burol ang abo ng mga ito. At hindi lang niya inulit ang mapanghamak na utos ng nauna sa kaniya na “bumaba.” Sinabi pa niya na gawin iyon ni Elias “nang madali”! Napakahangal! Kaya namatay siya at ang mga tauhan niya gaya ng nangyari sa unang grupo. Pero mas hangal ang hari. Nagpadala siya ulit ng mga kawal sa ikatlong pagkakataon. Mabuti na lang, marunong ang ikatlong pinuno. Mapagpakumbaba siyang lumapit kay Elias at nakiusap na huwag siyang patayin at ang mga tauhan niya. Siguradong tinularan ng lingkod ng Diyos na si Elias ang awa ni Jehova sa pagtugon niya sa mapagpakumbabang pinuno. Inutusan ng anghel ni Jehova si Elias na sumama sa mga kawal na ito. Sumunod si Elias at inulit niya ang hatol ni Jehova sa napakasamang hari. At gaya ng sinabi ng Diyos, namatay si Ahazias. Dalawang taon lang siyang namahala.—2 Hari 1:11-17.
Paano natagalan ni Elias ang katigasan ng ulo at ang pagrerebelde ng mga nakapalibot sa kaniya? May matututuhan tayo sa kaniya. Nalulungkot ka ba kapag ang mahal mo sa buhay ay ayaw makinig sa payo at tuloy pa rin sa masama niyang ginagawa? Paano natin makakayanan ang ganoong sitwasyon? May matututuhan tayo sa lugar kung saan nakita ng mga kawal si Elias, “sa taluktok ng bundok.” Hindi natin tiyak kung bakit nandoon si Elias, pero malamang na dahil lagi siyang nananalangin, gusto niya roon dahil magandang lugar iyon para mas mapalapít sa mahal niyang Diyos. (Santiago 5:16-18) Puwede rin tayong magkaroon ng regular na iskedyul para mapag-isa at lumapit sa Diyos; tawagin natin siya sa pangalan at sabihin sa kaniya ang mga problema at ikinababahala natin. Kapag ginagawa natin iyon, mas makapagtitiis tayo kapag ang mga nasa palibot natin ay mapagwalang-bahala at gumagawa ng mga bagay na ikapapahamak nila.
Ipinasa ang Damit
Panahon na para iwan ni Elias ang kaniyang opisyal na atas. Pansinin ang ginawa niya. Noong paalis siya at si Eliseo sa lunsod ng Gilgal, hinimok ni Elias si Eliseo na manatili roon at mag-isa na lang siyang pupunta sa Bethel, mga 11 kilometro ang layo. Pero matatag na sinabi ni Eliseo: “Buháy si Jehova at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan.” Pagdating nila sa Bethel, sinabi ni Elias kay Eliseo na mag-isa siyang pupunta sa Jerico, mga 22 kilometro ang layo. Pero ganoon ulit ang sagot ni Eliseo. Sa ikatlong pagkakataon, sa Jerico, ganoon ulit ang nangyari bago sila pumunta sa Ilog Jordan, mga 8 kilometro ang layo. Muli, matatag ang sagot ng nakababata. Hindi niya iiwan si Elias! —2 Hari 2:1-6.
Ipinakita ni Eliseo ang isang mahalagang katangian—tapat na pag-ibig. Ito ang pag-ibig na ipinakita ni Ruth kay Noemi, ang pag-ibig na naninindigan at hindi bumibitaw. (Ruth 1:15, 16) Kailangan ng lahat ng lingkod ng Diyos ang katangiang iyan—lalo na ngayon. Nakikita ba natin kung gaano ito kahalaga gaya ni Eliseo?
Siguradong naantig si Elias sa tapat na pag-ibig ng nakababata niyang kasama. Dahil diyan, nagkaroon ng pagkakataon si Eliseo na makita ang huling himala ni Elias. Sa pampang ng Ilog Jordan, na may mga parteng malalim at mabilis ang agos, inihampas ni Elias sa tubig ang kaniyang opisyal na damit. Nahati ang tubig! Ang himala ay nakita rin ng “limampung lalaki mula sa mga anak ng mga propeta,” na malamang na kasama sa dumaraming bilang ng mga lalaking sinasanay para manguna sa tunay na pagsamba sa lupain. (2 Hari 2:7, 8) Malamang na si Elias ang nangangasiwa sa pagsasanay na iyon. May pagkakataon noon, mga ilang taon na ang nakalilipas, na pakiramdam ni Elias ay siya na lang ang natitirang tapat sa lupain. Mula noon, ginantimpalaan ni Jehova ang pagtitiis ni Elias; nakita niya ang malaking pagsulong sa mga mananamba ng Diyos.—1 Hari 19:10.
Pagkatawid nila ng Jordan, sinabi ni Elias kay Eliseo: “Hilingin mo kung ano ang gagawin ko para sa iyo bago ako kunin mula sa iyo.” Alam ni Elias na panahon na para umalis siya. Hindi niya ipinagkait sa nakababata niyang kaibigan ang mga pribilehiyo at ang mahalagang atas na naghihintay rito. Sa halip, handang tumulong si Elias kay Eliseo sa anumang paraan. Ito lang ang hiling ni Eliseo: “Pakisuyo, na dalawang bahagi ng iyong espiritu ay mapasaakin.” (2 Hari 2:9) Hindi ito nangangahulugang gusto niya ng banal na espiritu na doble sa natanggap ni Elias, kundi humihiling siya ng mana na gaya ng sa panganay, na sa kautusan ay tumatanggap ng pinakamalaking parte, o dobleng mana, para magampanan niya ang bago niyang pananagutan bilang ulo ng pamilya. (Deuteronomio 21:17) Bilang kahalili ni Elias, siguradong nakita niya kung gaano kahalaga na magkaroon siya ng lakas ng loob na gaya ng kay Elias para magampanan ang atas niya.
Dahil mapagpakumbaba si Elias, ipinaubaya niya ito kay Jehova. Kung hahayaan ni Jehova na makita ni Eliseo ang nakatatandang propetang si Elias na kinukuha ng Diyos, ibig sabihin, oo ang sagot ng Diyos sa hiling ni Eliseo. At di-nagtagal, habang naglalakad ang matagal nang magkaibigan, “na nag-uusap habang sila ay naglalakad,” may nangyaring kamangha-mangha!—2 Hari 2:10, 11.
Tiyak na nakatulong kina Elias at Eliseo ang pagkakaibigan nila para makayanan ang mahihirap na sitwasyon
May kakaibang liwanag sa kalangitan na palapit nang palapit. Isipin na biglang nagkaroon ng buhawi na humuhugong, at may kasama itong maliwanag na bagay na papalapit sa dalawang lalaki, at pinaghiwalay sila nito dahil posibleng napaatras sila sa pagkamangha. May nakita silang sasakyan, isang karwahe, at nagliliwanag itong gaya ng apoy. Alam ni Elias na dumating na ang panahon. Sumakay ba siya sa karwahe? Hindi sinabi sa ulat. Anuman ang nangyari, naramdaman niyang iniaangat siya ng buhawi sa himpapawid!
Manghang-mangha si Eliseo sa nakita niya. Dahil nakita niya ang kahanga-hangang bagay na ito, alam na ni Eliseo na ibibigay nga sa kaniya ni Jehova ang “dalawang bahagi” ng lakas ng loob ni Elias. Pero nalulungkot si Eliseo na isipin ito. Hindi niya alam kung saan pupunta ang kaniyang mahal at may-edad nang kaibigan, pero malamang na hindi na siya umaasang makikita pa niya si Elias. Sumigaw siya: “Ama ko, ama ko, ang karong pandigma ng Israel at ang kaniyang mga mangangabayo!” Nakatingin siya habang palayo nang palayo sa kaniya ang mahal niyang tagapagsanay; at pinunit ni Eliseo ang damit niya dahil sa pagdadalamhati.—2 Hari 2:9-12.
Habang umaangat si Elias sa himpapawid, naririnig kaya niya ang pagdadalamhati ng nakababata niyang kaibigan? Napaluha kaya siya? Anuman ang nangyari, siguradong alam niya na nakatulong sa kaniya ang gayong kaibigan para makapagtiis siya sa mahihirap na kalagayan. Magandang tularan natin si Elias, at makipagkaibigan tayo sa mga umiibig sa Diyos at nagsisikap gawin ang kalooban Niya!
Ang Huling Atas
Saan nagpunta si Elias? Sinasabi ng ilang relihiyon na dinala siya sa langit para makasama ng Diyos. Pero imposible iyon. Pagkalipas ng daan-daang taon, sinabi ni Jesu-Kristo na wala pang umakyat sa langit na una sa kaniya. (Juan 3:13) Kaya nang sabihin sa ulat na “si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng buhawi,” ano kaya ang “langit” na tinutukoy roon? (2 Hari 2:11) Ginagamit ng Bibliya ang “langit” para tumukoy hindi lang sa lugar kung saan nakatira si Jehova, kundi pati sa himpapawid, kung saan makikita ang mga ulap at ang mga lumilipad na ibon. (Awit 147:8) Sa langit na iyon dinala si Elias. Ano ang sumunod na nangyari?
Inilipat ni Jehova ang mahal niyang propeta sa bago nitong atas, sa katabing kaharian, ang kaharian ng Juda. Ipinapakita ng Bibliya na naroon pa si Elias pagkalipas ng mahigit pitong taon. Ang namamahala noon sa Juda ay ang napakasamang si Haring Jehoram. Napangasawa niya ang anak nina Ahab at Jezebel, kaya patuloy pa rin ang masama nilang impluwensiya. Inatasan ni Jehova si Elias na sumulat ng liham na maghahayag ng hatol kay Jehoram. Gaya ng inihula, nakakakilabot ang pagkamatay ni Jehoram. At hindi lang iyan! Sinasabi pa sa ulat na walang nalungkot nang mamatay siya.—2 Cronica 21:12-20.
Napakalayo talaga ng masamang lalaking ito kay Elias! Hindi natin alam kung paano o kailan namatay si Elias. Pero alam nating hindi siya namatay na gaya ng kay Jehoram, na walang nalungkot. Nalulungkot pa rin si Eliseo kapag naaalaala niya si Elias. Tiyak na ganiyan din ang nadama ng iba pang tapat na mga propeta. Mahalaga pa rin kay Jehova si Elias pagkalipas ng mga 1,000 taon, dahil kasama ang mahal niyang propeta sa pangitain ng pagbabagong-anyo ni Jesus. (Mateo 17:1-9) Gusto mo bang matuto kay Elias at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa kabila ng mahihirap na kalagayan? Huwag mong kalilimutang makipagkaibigan sa mga umiibig sa Diyos, manatiling nakapokus sa espirituwal na mga bagay, at laging manalangin mula sa puso. Sa gayon, mananatili ka sa puso ng ating maibiging Diyos, si Jehova!
a Sinasabi ng ilang iskolar na ang bundok na binanggit dito ay ang Bundok Carmel, kung saan tinulungan ng Diyos si Elias na talunin ang mga propeta ni Baal ilang taon na ang nakalilipas. Pero hindi binanggit sa Bibliya kung anong bundok iyon.