Pumunta sa nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JONATAN

“Walang Balakid Para kay Jehova”

“Walang Balakid Para kay Jehova”

 Isipin ang isang himpilang militar kung saan kitang-kita ang tuyo at mabatong lupain. Ang mga sundalong Filisteo roon ay may natatanaw: Dalawang lalaking Israelita na nakatayo sa kabilang ibayo ng bangin. Bale-wala ito sa mga sundalo dahil hindi ito banta sa kanila. Matagal nang takót sa mga Filisteo ang mga Israelita, na hindi man lang makapagpahasa ng kanilang gamit na pambukid nang hindi humihingi ng tulong sa mga kalabang Filisteo. Kaya halos walang sandata ang hukbo ng Israel. Isa pa, dalawang lalaki lang ito! Kung may sandata man sila, ano ang magagawa nila? Hinamon sila ng mga Filisteo, na nagsabi: “Umahon kayo sa amin.” Para bang tuturuan nila sila ng leksiyon.—1 Samuel 13:19-23; 14:11, 12.

 Pero ang totoo, ang mga Filisteo ang matututo ng leksiyon. Tumakbo pababa ng bangin ang dalawang Israelita, tumawid, at umakyat sa gilid ng burol. Sa sobrang tarik nito, kinailangan nilang gumapang paakyat. Pero hindi ito nakapigil sa kanila, sumampa sila sa mga batuhan papunta sa himpilan! (1 Samuel 14:13) Kitang-kita na ng mga Filisteo na nasasandatahan ang lalaking nasa unahan, kasunod ang tagapagdala nito ng baluti. Pero lulusob ba talaga ang lalaking ito sa buong himpilan nang silang dalawa lang? Nababaliw ba siya?

 Hindi siya baliw; matibay ang pananampalataya niya. Siya si Jonatan, at ang kuwento ng buhay niya ay kapupulutan ng aral ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Hindi man tayo nakikipagdigma, matututo tayo sa kaniya ng lakas ng loob, katapatan, at ng pagiging di-makasarili na kailangan para magkaroon tayo ng tunay na pananampalataya.—Isaias 2:4; Mateo 26:51, 52.

Tapat na Anak at Matapang na Mandirigma

 Para maintindihan natin ang paglusob ni Jonatan, kilalanin muna natin siya. Si Jonatan ang panganay na anak ng unang hari ng Israel, si Saul. Nang maging hari si Saul, binata na si Jonatan, marahil ay 20 taóng gulang na o higit pa. Lumilitaw na malapít si Jonatan sa kaniyang ama, na madalas na nakikipag-usap sa kaniyang anak. Noon, kilala ni Jonatan ang kaniyang ama hindi lang bilang isang matangkad at makisig na lalaki, at matapang na mandirigma, kundi bilang isang lalaking may pananampalataya at mapagpakumbaba. Kitang-kita ni Jonatan kung bakit pinili ni Jehova ang kaniyang ama para maging hari. Sinabi pa nga ng propetang si Samuel na walang katulad si Saul!—1 Samuel 9:1, 2, 21; 10:20-24; 20:2.

 Tiyak na isang karangalan para kay Jonatan na makipaglaban kasama ng kaniyang ama sa mga kaaway ng bayan ni Jehova. Ang mga digmaang iyon ay hindi udyok ng nasyonalismo, gaya ng mga digmaan sa ngayon. Noon pa man, pinili ni Jehova ang bansang Israel para kumatawan sa kaniya, at lagi itong sinasalakay ng mga bansang sumasamba sa mga diyos-diyusan. Ang piniling bayang ito ni Jehova ay madalas apihin o lusubin ng mga Filisteo, na sumasamba sa mga diyos-diyusang gaya ni Dagon.

 Para kay Jonatan, ang pakikipaglaban ay pagpapakita ng katapatan sa Diyos na Jehova. At pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap ni Jonatan. Di-nagtagal, inatasan ni Haring Saul ang kaniyang anak na mamuno sa 1,000 sundalo, at nilusob nila ang garison ng mga Filisteo sa Geba. Kahit kulang sa sandata, nanalo sina Jonatan sa tulong ni Jehova. Pero bilang pagganti, bumuo ang mga Filisteo ng malaking hukbo. Natakot ang karamihan sa mga sundalo ni Saul. May ilan na tumakbo at nagtago, ang ilan pa nga ay kumampi sa mga Filisteo! Pero hindi natakot si Jonatan.—1 Samuel 13:2-7; 14:21.

 Gaya ng nabanggit sa umpisa, mag-isang lumusob si Jonatan kasama lang ang kaniyang tagapagdala ng baluti. Habang papalapit sa himpilan ng mga Filisteo sa Micmash, sinabi ni Jonatan ang kaniyang plano sa kaniyang tagapagdala ng baluti. Magpapakita sila sa mga sundalong Filisteo at kung hamunin silang dalawa, tanda iyon na tutulungan sila ni Jehova. Pumayag ang tagapagdala ng baluti, na malamang ay napakilos ng pananalita ni Jonatan: “Walang balakid para kay Jehova upang magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.” (1 Samuel 14:6-10) Ano ang ibig niyang sabihin?

 Tiyak na kilalang-kilala ni Jonatan ang Diyos. Alam niyang tinulungan ni Jehova noon ang kaniyang bayan na talunin ang kanilang mga kaaway kahit nakakalamang ang bilang ng mga ito. May pagkakataon pa ngang isang tao lang ang ginamit ni Jehova para magtagumpay. (Hukom 3:31; 4:1-23; 16:23-30) Kaya alam ni Jonatan na hindi mahalaga ang bilang, lakas, o sandata ng mga lingkod ng Diyos kundi ang kanilang pananampalataya. Dahil sa pananampalataya, kumonsulta si Jonatan kay Jehova kung lulusob ba sila ng kaniyang tagapagdala ng baluti sa himpilan. Pagkatapos, humingi siya ng tanda ng pagsang-ayon ni Jehova. Nang makita nila ang tanda, buong tapang na lumusob si Jonatan.

 Pansinin kung paano nagkaroon ng ganitong pananampalataya si Jonatan. Una, hangang-hanga siya sa kaniyang Diyos, si Jehova. Alam niyang hindi kailangan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang sinumang tao para matupad ang kaniyang layunin, pero natutuwa si Jehova na pagpalain ang mga naglilingkod sa kaniya. (2 Cronica 16:9) Ikalawa, humiling si Jonatan ng tanda ng pagsang-ayon ni Jehova bago siya kumilos. Sa ngayon, hindi natin kailangang maghanap ng makahimalang tanda para matiyak na sinasang-ayunan ng Diyos ang ating mga ginagawa. Taglay natin ang Salita ng Diyos kaya nasa atin na ang lahat ng kailangan para malaman ang kalooban niya. (2 Timoteo 3:16, 17) Kumokonsulta ba tayo sa Bibliya bago gumawa ng mahahalagang desisyon? Kung oo, ipinapakita lang natin na mas mahalaga ang kalooban ng Diyos kaysa sa kagustuhan natin—gaya ni Jonatan.

 Sumugod ang dalawang lalaki, ang mandirigma at ang tagapagdala ng baluti, paakyat sa matarik na burol papunta sa himpilan. Dahil nakita ng mga Filisteo na may lumulusob sa kanila, nagpadala sila ng mga sundalo na lalaban dito. Mas marami ang mga Filisteo at nasa mataas silang lugar kaya madali sana nilang matatalo ang mga sumasalakay. Pero isa-isang pinabagsak ni Jonatan ang mga sundalo. Sinisiguro naman ng tagapagdala ng baluti, na nasa likuran ni Jonatan, na mapatay ang mga bumabagsak. Ilang hakbang lang ang inilayo nila pero 20 sundalo na ang kanilang napatay! At hindi lang iyon ang ginawa ni Jehova. Mababasa natin: “Nagkaroon ng panginginig sa kampo sa parang at sa lahat ng mga tao sa himpilan; at ang pulutong ng mga nananamsam ay nanginig, sila man, at ang lupa ay nagsimulang mayanig, at ito ay naging panginginig mula sa Diyos.”—1 Samuel 14:15.

Lumusob si Jonatan kasama ng kaniyang tagapagdala ng baluti sa himpilan ng mga kaaway

 Mula sa malayo, kitang-kita ni Saul at ng kaniyang mga tauhan na nagkakagulo at natataranta ang mga Filisteo. Nagpatayan pa nga ang ilan sa mga ito! (1 Samuel 14:16, 20) Lumakas ang loob ng mga Israelita at lumusob. Posibleng kinuha nila ang mga sandata ng mga napatay na Filisteo. Isang malaking tagumpay ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan nang araw na iyon. Hindi siya nagbabago. Kung magtitiwala rin tayo sa kaniya ngayon, gaya ni Jonatan at ng kaniyang tagapagdala ng baluti na hindi pinangalanan, hinding-hindi natin pagsisisihan ang mga desisyon natin.—Malakias 3:6; Roma 10:11.

“Siya ay Gumawang Kasama ng Diyos”

 Magkaiba ang naging epekto ng tagumpay na ito kay Saul at kay Jonatan. Nakagawa si Saul ng ilang malubhang pagkakamali. Sinuway niya ang hinirang na propeta ni Jehova, si Samuel. Naghandog siya ng hain, na gawain lang sana ni propeta Samuel, na isang Levita. Nang dumating si Samuel, sinabi niya kay Saul na dahil sa pagsuway nito, hindi magtatagal ang kaharian nito. Pagkatapos, nang magpadala si Saul ng kaniyang mga tauhan para makipaglaban, pinanumpa niya sila: “Sumpain ang tao na kakain ng tinapay bago gumabi at hanggang sa mapaghigantihan ko ang aking mga kaaway!”—1 Samuel 13:10-14; 14:24.

 Mapapansin sa pananalitang ito ni Saul ang isang masaklap na pagbabago. Ang dati bang mapagpakumbaba at espirituwal na lalaking ito ay nagiging mapaghangad na at egotistiko? Ang totoo, hindi iniutos ni Jehova ang di-makatuwirang pagbabawal na iyon sa matatapang at masisipag na kawal. Kumusta naman ang pananalita ni Saul na, “hanggang sa mapaghigantihan ko ang aking mga kaaway”? Ipinahihiwatig ba nito na iniisip ni Saul na sa kaniya ang digmaang ito? Nakalimutan na ba niya na ang mahalaga ay ang katarungan ni Jehova at hindi ang kaniyang kagustuhang maghiganti, maluwalhati, o manalo?

 Walang kaalam-alam si Jonatan sa di-makatarungang panunumpa ng kaniyang ama. Dahil sa sobrang pagod sa pakikipaglaban, isinawsaw niya ang dulo ng kaniyang tungkod sa bahay-pukyutan at tinikman ang pulot-pukyutan; agad siyang nakadama ng lakas. Pagkatapos, sinabi ng isa sa kaniyang mga sundalo na ipinagbawal ng kaniyang ama ang pagkain. Sinabi ni Jonatan: “Ang aking ama ay nagdala ng sumpa sa lupain. Tingnan ninyo, pakisuyo, kung paanong ang aking mga mata ay lumiwanag dahil tinikman ko itong kaunting pulot-pukyutan. Gaano pa kaya kung kumain sana ngayon ang bayan mula sa samsam sa kanilang mga kaaway na nasumpungan nila! Sapagkat ngayon ay hindi naging lansakan ang pagpatay sa mga Filisteo.” (1 Samuel 14:25-30) Tama siya. Tapat na anak si Jonatan, pero hindi siya nagbubulag-bulagan. Hindi lang siya basta-basta sumasang-ayon sa mga ginagawa o sinasabi ng kaniyang ama. At dahil sa balanseng pananaw niyang ito, nirespeto siya ng iba.

 Nang malaman ni Saul na sinuway ni Jonatan ang kaniyang utos, ayaw pa rin niyang tanggapin na mali ang utos niya. Sa katunayan, naisip pa nga niyang dapat patayin si Jonatan! Hindi na nakipagtalo o nagmakaawa si Jonatan. Pansinin ang sagot niya: “Narito ako! Hayaan mo akong mamatay!” Pero sinabi ng bayan: “Dapat bang mamatay si Jonatan, na nagsagawa ng dakilang pagliligtas na ito sa Israel? Malayong mangyari! Buháy si Jehova, walang isa mang buhok ng kaniyang ulo ang mahuhulog sa lupa; sapagkat siya ay gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Ang resulta? Nakumbinsi si Saul. Mababasa natin: “Sa gayon ay tinubos ng bayan si Jonatan, at hindi siya namatay.”—1 Samuel 14:43-45.

“Narito ako! Hayaan mo akong mamatay!”

 Dahil sa kaniyang lakas ng loob, pagsisikap, at pagiging di-makasarili, nagkaroon si Jonatan ng mabuting reputasyon. Nang manganib siya, nakatulong sa kaniya ang reputasyon niya. Kaya magandang pag-isipan natin ang pangalan, o reputasyon, na ginagawa natin sa araw-araw. Sinasabi ng Bibliya na napakahalaga ng mabuting pangalan. (Eclesiastes 7:1) Kung iingatan natin ang mabuting pangalan sa harap ni Jehova, gaya ni Jonatan, magiging napakahalagang kayamanan ang ating reputasyon.

Tumutubong Kasamaan

 Sa kabila ng mga pagkakamali ni Saul, tapat pa ring nakipaglaban si Jonatan kasama ng kaniyang ama. Naiisip mo ba ang pagkadismaya ni Jonatan habang unti-unting tumutubo ang masuwayin at mapagmapuring espiritu sa kaniyang ama? Tumutubo ang kasamaan sa puso ng kaniyang ama, at walang magawa si Jonatan para pahintuin ito.

 Kitang-kita ang pagbabagong ito nang utusan ni Jehova si Saul na makipagdigma sa mga Amalekita, isang bansa na sobrang samâ kung kaya panahon pa lang ni Moises ay hinatulan na sila ni Jehova ng pagkapuksa. (Exodo 17:14) Inutusan si Saul na patayin ang lahat ng alagang hayop ng mga ito, pati na ang hari nilang si Agag. Nanalo si Saul, at tiyak na buong tapang na nakipaglaban si Jonatan kasama ng kaniyang ama. Pero sinuway ni Saul si Jehova dahil hindi niya pinatay si Agag at sinamsam niya ang mga kayamanan, pati na ang mga alagang hayop ng mga Amalekita. Sinabi ni propeta Samuel ang hatol ni Jehova kay Saul: “Yamang itinakwil mo ang salita ni Jehova, itinatakwil ka rin niya mula sa pagiging hari.”—1 Samuel 15:2, 3, 9, 10, 23.

 Di-nagtagal, inalis ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu kay Saul. Dahil wala na ang epekto ng maibiging espiritu ni Jehova, nakaranas ng pabago-bagong emosyon si Saul, naging magagalitin, at napanaigan ng takot. Para bang pinalitan ng isang masamang espiritu mula sa Diyos ang dating nakagiginhawang espiritu. (1 Samuel 16:14; 18:10-12) Tiyak na napakasakit kay Jonatan na makita ang pagbabagong ito sa kaniyang dating kagalang-galang na ama! Pero hindi natinag ang katapatan ni Jonatan kay Jehova. Sinuportahan niya ang kaniyang ama sa abot ng kaniyang makakaya, at tuwiran itong pinagsasabihan kung minsan. Pero nagpokus si Jonatan sa kaniyang di-nagbabagong Diyos at Ama, si Jehova.—1 Samuel 19:4, 5.

 Mayroon ka bang mahal sa buhay, gaya ng isang malapít na kapamilya, na biglang naging masama? Tiyak na napakasakit nito. Ipinaaalaala sa atin ng karanasan ni Jonatan ang sinabi ng salmista: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Tapat si Jehova. Biguin ka man ng di-sakdal na mga tao, kukupkupin ka niya at siya ang magiging pinakamabuting Ama sa iyo.

 Malamang na nalaman ni Jonatan na aalisin ni Jehova ang pagkahari kay Saul. Ano ang ginawa ni Jonatan? Naisip kaya niya kung magiging anong uring tagapamahala siya? Nangarap din kaya siyang ituwid ang mga pagkakamali ng kaniyang ama at ipakitang mas tapat at masunurin siyang hari? Hindi natin alam. Pero alam nating hindi magkakatotoo iyon. Ibig bang sabihin, pinabayaan na ni Jehova ang tapat niyang lingkod na iyon? Hindi. Ginamit niya si Jonatan bilang isa sa pinakamabubuting halimbawa ng tapat na kaibigan sa Bibliya! Tatalakayin naman iyan sa susunod na artikulong tungkol pa rin kay Jonatan.