Pumunta sa nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JOB

“Mananatili Akong Tapat”

“Mananatili Akong Tapat”

 Nakaupo siya sa lupa; tadtad ng bukol, o sugat, mula ulo hanggang paa. Isip-isipin siya na nakatungo, bagsak ang balikat, nag-iisa, at halos walang lakas para bugawin ang mga langaw na nagliliparan sa paligid niya. Nakaupo siya sa abo para ipakitang nagdadalamhati siya, at isang piraso ng basag na palayok ang ipinangkakayod niya sa balat niya. Napakalaki ng nawala sa kaniya. Iniwan siya ng mga kaibigan, kapitbahay, at kamag-anak niya. Tinutuya siya ng mga tao, pati na ng mga bata. Akala niya, kagagawan ito ng Diyos niyang si Jehova, pero nagkakamali siya.—Job 2:8; 19:18, 22.

 Siya si Job. Tungkol sa kaniya, sinabi ng Diyos: “Wala siyang katulad sa lupa.” (Job 1:8) Pagkalipas ng maraming siglo, itinuturing pa rin ni Jehova si Job bilang isa sa pinakamatuwid na mga taong nabuhay sa lupa.—Ezekiel 14:14, 20.

 Dumaranas ka rin ba ng kahirapan o kabiguan? Talagang mapapatibay ka sa kuwento ni Job. Mas mauunawaan mo rin ang isang katangiang kailangan ng bawat lingkod ng Diyos—ang katapatan. Maipapakita ito ng mga tao kung sila ay lubusang tapat sa Diyos, patuloy na gumagawa ng kalooban niya kahit sa mahihirap na sitwasyon, at malinis sa moral. Marami pa tayong matututuhan kay Job.

Ang Hindi Alam ni Job

 Lumilitaw na nang mamatay si Job, isinulat ng tapat na si Moises ang talambuhay ni Job. Sa patnubay ng Diyos, iniulat ni Moises hindi lang ang mga pangyayari sa lupa na nakaapekto kay Job kundi pati na ang ilang pangyayaring naganap sa langit.

 Sa pasimula ng ulat, makabuluhan at masaya ang buhay ni Job. Mayaman siya, kilalá, at iginagalang sa lupain ng Uz—posibleng sa hilagang Arabia. Bukas-palad siya sa mahihirap at ipinagtatanggol ang mga naaapi. Biniyayaan silang mag-asawa ng 10 anak. Higit sa lahat, taong espirituwal si Job. Sinikap niyang palugdan si Jehova, gaya rin ng malalayong kamag-anak niya na sina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose. Tulad ng mga patriyarkang iyon, nagsilbi ring saserdote si Job para sa kaniyang pamilya, at regular na naghahandog ng mga hain alang-alang sa mga anak niya.—Job 1:1-5; 31:16-22.

 Pero biglang nagbago ang tagpo at napunta sa mga pangyayari sa langit. Nalaman natin ang mga bagay na hindi alam ni Job. Nagtitipon noon ang tapat na mga anghel sa harap ni Jehova, kasama ang rebeldeng anghel na si Satanas. Alam ni Jehova na hinahamak ni Satanas ang matuwid na si Job, kaya itinawag-pansin ng Diyos kay Satanas ang natatanging katapatan ni Job. May kapangahasang sinabi ni Satanas: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan? Hindi ba naglagay ka ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng sambahayan niya at sa lahat ng pag-aari niya?” Galít si Satanas sa mga tapat. Kapag nagpapakita sila ng buong-pusong debosyon sa Diyos na Jehova, pinatutunayan nilang si Satanas ay traidor at walang malasakit. Kaya iginiit ni Satanas na naglilingkod lang si Job sa Diyos dahil sa pansariling kadahilanan. Kung mawawala ang lahat ng taglay ni Job, iginiit ni Satanas na susumpain ni Job si Jehova nang mukhaan!—Job 1:6-11.

 Hindi ito alam ni Job, pero binigyan siya ni Jehova ng isang napakagandang pagkakataon: Ang patunayang mali si Satanas. Pinahintulutan si Satanas na kunin ang lahat ng taglay ni Job, basta huwag lang siyang sasaktan. Kaya isinagawa ni Satanas ang kaniyang maitim na balak. Sa isang araw lang, sunod-sunod na trahedya ang nangyari kay Job. Nalaman niyang ang kaniyang mga alagang hayop—una, ang mga baka at asno, sumunod, ang mga tupa, at pagkatapos, ang mga kamelyo niya—ay naubos. Ang mas masama pa, pinatay ang mga tagapaglingkod na nag-aalaga sa mga ito. Iniulat kay Job na namatay ang isang grupo dahil sa “apoy ng Diyos,” na posibleng kidlat. Hindi pa nga naiintindihan ni Job ang pagkamatay ng kaniyang mga lingkod, at kung bakit bigla siyang naghirap, heto na naman ang pinakamatinding dagok. Habang magkakasama ang 10 anak niya sa bahay ng panganay nilang kapatid, isang buhawi ang humampas sa bahay, winasak ito, kaya namatay silang lahat!—Job 1:12-19.

 Hindi natin lubos-maisip ang sakit na nadarama ni Job. Pinunit niya ang damit niya, kinalbo ang ulo, at sumubsob sa lupa. Sinabi niyang Diyos ang nagbigay at Diyos din ang nag-alis. Oo, pinalitaw ni Satanas na galing sa Diyos ang mga sakunang iyon. Pero hindi isinumpa ni Job ang Diyos gaya ng sinabi ni Satanas. Sinabi pa nga ni Job: “Patuloy nawang purihin ang pangalan ni Jehova.”—Job 1:20-22.

Hindi alam ni Job na sinisiraan siya ni Satanas sa Diyos

“Tiyak na Susumpain Ka Niya”

 Galit na galit si Satanas at ayaw niyang sumuko. Sumama ulit siya sa pagtitipon ng mga anghel sa harap ni Jehova. Muling pinuri ni Jehova ang katapatan ni Job sa kabila ng lahat ng pagsalakay ni Satanas. Sumagot si Satanas: “Balat para sa balat. Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya. Kaya para mapaiba naman, iunat mo ang kamay mo at saktan ang kaniyang buto at laman, at tiyak na susumpain ka niya nang mukhaan.” Nakakatiyak si Satanas na kung magkakasakit nang malubha si Job, susumpain niya ang Diyos. Dahil buo ang tiwala ni Jehova kay Job, pinahintulutan niya si Satanas na bigyan ng sakit si Job—basta huwag lang niya itong papatayin.—Job 2:1-6.

 Di-nagtagal, dinanas ni Job ang binanggit sa pasimula. Isipin ang kawawa niyang asawa. Namatayan na nga ito ng 10 anak, wala pa itong magawa kundi ang pagmasdan ang labis-labis na pagdurusa ng kaniyang asawa! Dahil sa bigat ng pinagdaraanan, nasabi niya: “Nananatili ka pa rin bang tapat? Sumpain mo ang Diyos para mamatay ka na!” Parang hindi na siya ang asawang nakilala at minahal ni Job. Nasabi ni Job na para siyang babaeng mangmang kung magsalita. Pero hindi pa rin isinumpa ni Job ang Diyos. Hindi siya nagsalita ng masama.—Job 2:7-10.

 Alam mo bang may epekto sa iyo ang tunay na kuwentong ito? Pansinin na hindi lang si Job ang inakusahan ni Satanas kundi ang lahat ng tao. Sinabi niya: “Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.” Sa ibang salita, naniniwala si Satanas na walang sinuman ang mananatiling tapat kay Jehova. Iginigiit niyang hindi mo talaga mahal ang Diyos, at na agad mo siyang iiwan para iligtas ang iyong sarili. Sa diwa, sinasabi ni Satanas na makasarili kang gaya niya! Gusto mo bang patunayang mali si Satanas? Pribilehiyo ng bawat isa sa atin na gawin iyan. (Kawikaan 27:11) Alamin natin ang sumunod na problemang hinarap ni Job.

Mga Walang-Silbing Mang-aaliw

 Nabalitaan ng tatlong lalaking nakakakilala kay Job ang nangyari sa kaniya kaya naglakbay sila para damayan siya. Inilarawan sila sa Bibliya bilang kasamahan, o kakilala. Nang makita nila si Job mula sa malayo, hindi nila siya nakilala. Dumaranas siya ng matinding kirot, nangingitim ang balat, at ibang-iba na ang hitsura niya. Ang tatlong lalaki—sina Elipaz, Bildad, at Zopar—ay parang lungkot na lungkot sa pagdurusa ni Job. Umiyak sila nang malakas at nagsaboy ng alabok sa ulo nila. Umupo sila sa lupa malapit kay Job at nanatiling tahimik. Isang linggo silang nakaupo, araw at gabi, nang walang imik. Baka akalain nating nakakapagpatibay ang kanilang pagtahimik, pero wala talaga silang interes kay Job dahil hindi man lang sila nagtatanong. Ang nakikita lang nila ay ang paghihirap niya.—Job 2:11-13; 30:30.

 Sa wakas, nagsalita na si Job. Sinabi niya kung gaano kasakit ang nararamdaman niya at isinumpa ang araw na ipinanganak siya. At binanggit niya ang isang pangunahing dahilan kung bakit napakamiserable niya. Akala niya, kagagawan ng Diyos ang mga problema niya! (Job 3:1, 2, 23) Hindi naman nawala ang pananampalataya ni Job, pero kailangan niya ng kaaliwan. Pero nang magsalita na ang mga kakilalang iyon, napag-isip-isip ni Job na mas maganda pang nanahimik na lang sila.—Job 13:5.

 Unang nagsalita si Elipaz, na posibleng pinakamatanda sa tatlo at mas matanda kaysa kay Job. Pagkatapos, nagsalita na rin ang dalawa niyang kasama. Masasabi natin na may kamangmangan nilang ginaya ang pangangatuwiran ni Elipaz. Parang hindi naman masama ang ilang sinabi nila, dahil inulit lang nila ang bukambibig ng maraming tao, gaya ng pagiging dakila ng Diyos, pagpaparusa sa masasama, at pagbibigay ng gantimpala sa mabubuti. Pero sa simula pa lang, halatang-halata na hindi talaga sila nagmamalasakit kay Job. Parang makatuwiran ang sinabi ni Elipaz na mabuti ang Diyos at na pinaparusahan niya ang masasama. Kaya kung pinaparusahan si Job, ano ang ibig sabihin nito? Tiyak na may ginawa siyang masama!—Job 4:1, 7, 8; 5:3-6.

 Talagang hindi matanggap ni Job ang pangangatuwirang iyan. (Job 6:25) Pero lalo pang naging kumbinsido ang tatlong tagapayo na may itinatagong kasalanan si Job, kaya dapat lang siyang magdusa. Inakusahan ni Elipaz si Job na pangahas, masama, at walang takot sa Diyos. (Job 15:4, 7-9, 20-24; 22:6-11) Sinabihan ni Zopar si Job na itigil ang paggawa ng masama at ang pamimihasa sa kasalanan. (Job 11:2, 3, 14; 20:5, 12, 13) At may napakasakit pang sinabi si Bildad. Pinalitaw niyang nakagawa ng kasalanan ang mga anak ni Job kaya dapat lang silang mamatay!—Job 8:4, 13.

Hindi kaaliwan ang ibinigay ng mga kasamahan ni Job kundi dagdag na pasakit

Nasubok ang Katapatan!

 Mayroon pang mas masamang ginawa ang nagmamarunong na mga lalaking iyon. Hindi lang nila kinuwestiyon ang katapatan ni Job, pinalitaw rin nila na walang kabuluhan ang pagiging tapat sa Diyos! Nang magsalita na si Elipaz, may binanggit siyang di-nakikitang espiritu na bumulong sa kaniya. Napakasama ng konklusyon ni Elipaz na galing sa demonyong iyon: Ang Diyos ay walang “tiwala sa mga lingkod niya, at hinahanapan niya ng mali ang mga anghel niya.” Batay sa pangangatuwirang iyan, hinding-hindi mapalulugdan ng mga tao ang Diyos! Pagkatapos, iginiit naman ni Bildad na hindi mahalaga sa Diyos ang katapatan ni Job—gaya ng katapatan ng isang uod!—Job 4:12-18; 15:15; 22:2, 3; 25:4-6.

 Nasubukan mo na bang dumamay sa taong nagdurusa nang labis-labis? Hindi iyan madali. Pero may matututuhan tayo sa nagmamarunong na mga kakilala ni Job—lalo na kung ano ang hindi dapat sabihin. Sa dinami-dami ng sinabi nila, hindi man lang nila tinawag si Job sa pangalan! Hindi man lang nila naisip ang pinagdaraanan ni Job at hindi sila nagpakita ng empatiya. a Kaya kung may pinagdaraanan ang isang taong mahalaga sa iyo, maging maunawain, mabait, at mapagmalasakit. Patibayin ang pananampalataya niya at tulungan siyang magtiwala sa kabaitan, awa, at katarungan ng Diyos. Ganiyan ang gagawin ni Job sa kaniyang mga kasamahan kung siya ang nasa kalagayan nila. (Job 16:4, 5) Pero paano tumugon si Job sa kanilang walang-tigil na pag-atake sa katapatan niya?

Nanindigan si Job

 Kawawang Job! Nalulungkot na siya nang magsimula ang mahabang pagtatalong ito. Sa umpisa pa lang, inamin niyang “naging padalos-dalos” siya sa pagsasalita at “desperado.” (Job 6:3, 26) Maiintindihan natin kung bakit. Nasabi niya ang mga ito dahil sa bigat ng kalooban niya at makikita na hindi niya nauunawaan ang mga nangyayari. Dahil sa bilis ng mga pangyayari, inakala ni Job na si Jehova ang may kagagawan ng mga ito. Walang kamalay-malay si Job sa mahahalagang nangyayari, kaya nagkaroon siya ng maling akala.

 Pero matibay ang pananampalataya ni Job. Kitang-kita ito sa kaniyang mga sinabi sa mahabang pagtatalong iyon—mga salitang totoo, masarap pakinggan, at nakakapagpatibay sa ngayon. Sa tulong ng Diyos, nailarawan niya ang kahanga-hangang mga nilalang, at niluwalhati ang Diyos. Halimbawa, sinabi niyang “ibinibitin [ni Jehova] ang mundo sa kawalan,” isang katotohanang nalaman lang ng mga siyentipiko pagkaraan ng daan-daang taon. b (Job 26:7) Binanggit din ni Job ang pag-asa niya sa hinaharap, pag-asang pinanghahawakan din ng ibang tapat na lalaki. Naniniwala si Job na kapag namatay siya, aalalahanin siya ng Diyos, at bubuhayin siyang muli.—Job 14:13-15; Hebreo 11:17-19, 35.

 Kumusta naman ang isyu tungkol sa katapatan? Iginiit ni Elipaz at ng dalawang kaibigan niya na hindi mahalaga sa Diyos ang katapatan ng isang tao. Pinaniwalaan ba iyan ni Job? Hinding-hindi! Nanindigan siya na mahalaga sa Diyos ang katapatan. Sinabi ni Job: “Makikita [ni Jehova] ang katapatan ko.” (Job 31:6) Nakita rin ni Job na ang maling pangangatuwiran ng nagkukunwaring mga mang-aaliw niya ay isang pagsalakay sa katapatan niya. Ito ang nag-udyok kay Job na magsalita nang mahaba, na siyang nagpatikom sa bibig ng tatlong lalaking ito.

 Nakita ni Job na bahagi ng katapatan niya sa Diyos ang ginagawa niya sa araw-araw. Kaya ipinagtanggol niya ang paraan niya ng pamumuhay. Halimbawa, iniwasan niya ang lahat ng uri ng idolatriya; pinakitunguhan niya ang iba nang may kabaitan at dignidad; nanatili siyang malinis sa moral at tapat sa asawa niya; at higit sa lahat, patuloy siyang naging tapat sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. Kaya buong pusong sinabi ni Job: “Mananatili akong tapat hanggang kamatayan!”—Job 27:5; 31:1, 2, 9-11, 16-18, 26-28.

Hindi hinayaan ni Job na mawala ang katapatan niya

Tularan ang Pananampalataya ni Job

 Gaya ni Job, mahalaga rin ba sa iyo ang katapatan? Madaling sabihin iyan, pero para kay Job, hindi sapat ang mga salita lang. Naipapakita natin ang ating buong-pusong debosyon sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya at paggawa ng tama sa paningin niya sa ating pang-araw-araw na buhay—kahit sa harap ng pagsubok. Kung gagawin natin iyan, gaya ni Job noon, tiyak na mapasasaya natin si Jehova at mabibigo ang kaaway niya, si Satanas. Iyan ang pinakamagandang paraan para matularan ang pananampalataya ni Job!

 Pero hindi pa tapós ang kuwento ng buhay ni Job. Nakalimutan niya kung ano talaga ang mahalaga. Nagpokus siya sa pagtatanggol sa sarili, at hindi niya naipagtanggol ang reputasyon ng Diyos. Kailangan niya ng pagtutuwid at espirituwal na tulong. Labis-labis pa rin ang nadarama niyang kirot at pagdadalamhati, at talagang kailangan niya ng karamay. Ano ang gagawin ni Jehova para sa tapat at may-pananampalatayang lalaking ito? Sasagutin ng isa pang artikulo sa seryeng ito ang mga tanong na iyan.

a Marahil, inakala ni Elipaz at ng mga kaibigan niya na naging mabait sila kay Job dahil hindi naman sila nagtaas ng boses. (Job 15:11) Pero kahit ang malumanay na pakikipag-usap ay puwedeng makasakit.

b Ayon sa alam natin, mga 3,000 taon pa ang lumipas bago tinanggap ng mga siyentipiko ang ideya na ang lupa ay hindi kailangang nakapatong sa anumang bagay o substansiya. Napatunayan lang ng mga tao na totoo ang sinabi ni Job nang makakita sila ng mga litratong kuha mula sa kalawakan.