TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | MARIA MAGDALENA
“Nakita Ko ang Panginoon!”
Nakatingin sa langit si Maria Magdalena habang pinupunasan ang mga luha sa mata niya. Ang kaniyang minamahal na Panginoon ay nakapako sa tulos. Panahon iyon ng tagsibol at magtatanghali pa lang, “pero nagdilim sa buong lupain”! (Lucas 23:44, 45) Inayos niya ang kaniyang kasuotan at lumapit sa babaeng nasa tabi niya. Hindi ito isang solar eclipse na tumatagal lang ng ilang minuto, dahil ang kadiliman ay tumagal ng tatlong oras. Posibleng nakarinig si Maria at ang iba pang nandoon ng mga hayop na maririnig lang tuwing gabi. At ang ilan sa mga nandoon ay takot na takot na nagsabi: “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos.” (Mateo 27:54) Maaaring naiisip ng mga tagasunod ni Jesus at ng iba pa na paraan ito ni Jehova para ipakitang nalulungkot at nagagalit siya sa marahas na pagpatay sa kaniyang anak.
Hindi kayang tingnan ni Maria Magdalena ang mga nangyayari pero hindi rin naman niya kayang umalis. (Juan 19:25, 26) Naiisip mo ba ang sakit na nararamdaman ni Jesus? Kaya tiyak na kailangan ng ina ni Jesus ng karamay.
Sa dami ng nagawa ni Jesus para kay Maria, handa si Maria na gawin ang lahat para kay Jesus. Dati siyang hinahamak at kaawa-awang babae. Pero binago iyong lahat ni Jesus. Natulungan siya ni Jesus na ibalik ang respeto sa sarili at magkaroon ng layunin sa buhay. Si Maria ay naging isang babae na may malaking pananampalataya. Paano? At anong aral ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?
“Ginagamit ... ang Sarili Nilang Pag-aari Para Maglingkod sa Kanila”
Sa Bibliya, nagsimula ang kuwento kay Maria sa isang himala. Pinalaya siya ni Jesus mula sa isang napakasamang kalagayan. Noong panahong iyon, laganap ang impluwensiya ng mga demonyo. Inaatake ng masasamang espiritu ang mga tao at sumasanib pa nga sila para kontrolin ang mga ito. Hindi natin alam ang epekto ng mga demonyo sa kawawang si Maria Magdalena. Ang alam lang natin ay sinaniban siya ng pitong mararahas at walang-awang demonyo. Pero pinalayas silang lahat ni Jesu-Kristo!—Lucas 8:2.
Ngayong malaya na siya, isang bagong buhay ang naghihintay sa kaniya. Pero paano niya ipapakita ang pasasalamat niya? Naging tapat siyang tagasunod ni Jesus. Kumikilos siya kapag may nangangailangan. Tumutulong siya sa mga pangangailangan ni Jesus at ng mga apostol. Nagbigay siya ng pagkain, damit, at matutuluyan. Alam ni Maria na hindi mayaman ang mga lalaking iyon, dahil hindi sila nagtatrabaho noong panahong iyon. At para makapagpokus sila sa gawaing pangangaral at pagtuturo, kailangan na may susuporta sa kanilang materyal na mga pangangailangan.
Si Maria at ilan pang mga babae ang tumulong sa kanila. “Ginagamit ng mga babaeng ito ang sarili nilang pag-aari para maglingkod sa kanila.” (Lucas 8:1, 3) Ang ilan sa mga babaeng ito ay may kakayahan sa materyal. Hindi sinabi ng Bibliya kung sila ang naghahanda ng pagkain, naglalaba, o naghahanda ng matutuluyan nila sa paglipat nila sa iba’t ibang nayon. Anuman ang naging gawain nila, kusa nilang sinuportahan ang naglalakbay na grupong ito na posibleng 20 tao. Talagang nakatulong ang pagsasakripisyo ng mga babaeng iyon kay Jesus at sa mga apostol para makapagpokus sila sa gawaing pangangaral. Alam ni Maria na hindi niya kayang suklian ang mga nagawa ni Jesus sa kaniya. Pero napakasaya niya na magawa ang buong makakaya niya para kay Jesus!
Minamaliit ng karamihan sa ngayon ang mga taong naglilingkod para sa iba. Pero hindi ganiyan ang Diyos. Isip-isipin kung gaano kasaya ang Diyos kapag nakikita niyang ginagawa ni Maria ang lahat para suportahan si Jesus at ang kaniyang mga apostol! Sa ngayon, maraming tapat na Kristiyano ang masayang naglilingkod para sa iba. Minsan, kahit simpleng tulong lang o mabait na salita, malaking tulong na para sa iba. Talagang pinapahalagahan ni Jehova ang gayong mga tulong.—Kawikaan 19:17; Hebreo 13:16.
“Sa Tabi ng Pahirapang Tulos ni Jesus”
Isa si Maria Magdalena sa mga babaeng sumama kay Jesus papunta sa Jerusalem para sa Paskuwa noong 33 C.E. (Mateo 27:55, 56) Nang mabalitaan niyang inaresto at nilitis si Jesus, nag-alala siya. Pero may mas masama pang balita. Sinentensiyahan si Jesus ni Gobernador Poncio Pilato ng kamatayan sa pahirapang tulos dahil nagpadala ito sa panggigipit ng mga Judiong lider ng relihiyon at sa mga taong nasulsulan ng mga ito. Kitang-kita ni Maria ang kaniyang Panginoon, duguan, pagod na pagod, habang hirap na hirap dalhin ang tulos na pagpapakuan sa kaniya.—Juan 19:6, 12, 15-17.
Sa lugar kung saan siya papatayin, noong magdilim na ng tanghali, si Maria Magdalena at ang ibang babae ay nakatayo “sa tabi ng pahirapang tulos ni Jesus.” (Juan 19:25) Hindi umalis si Maria. Nakita at narinig niya nang ibilin ni Jesus sa kaniyang mahal na apostol na si Juan ang pangangalaga sa kaniyang ina. Narinig ni Maria ang pag-iyak ni Jesus sa kaniyang Ama habang naghihingalo. At narinig din niya ang huling mga salita ni Jesus bago ito mamatay, “Naganap na!” Sobra ang kaniyang pagdadalamhati. At kahit patay na si Jesus, hindi niya ito iniwan. Pagkatapos, nanatili si Maria sa bagong libingan kung saan inilagay ng mayamang si Jose ng Arimatea ang katawan ni Jesus.—Juan 19:30; Mateo 27:45, 46, 57-61.
Natutuhan natin sa halimbawa ni Maria kung ano ang puwede nating gawin kapag napaharap sa problema ang ating mga kapananampalataya. Hindi natin mapipigilan ang anumang trahedya o maaalis ang sakit na nararamdaman ng mga biktima, pero puwede tayong magpakita ng empatiya at lakas ng loob sa kanila. Malaking tulong ang pag-aalay ng mga kaibigan sa panahon ng problema. Kapag hindi natin iniiwan ang mga kaibigan natin sa panahon ng problema, naipapakita nating nagtitiwala tayo sa kanila, at malaking pampatibay iyon para sa kanila.—Kawikaan 17:17.
“Kukunin Ko Siya”
Pagkatapos mailagay ang katawan ni Jesus sa libingan, isa si Maria sa nagdala ng mababagong sangkap na ipapahid nila sa katawan ni Jesus. (Marcos 16:1, 2; Lucas 23:54-56) Nang matapos na ang Sabbath, maaga siyang bumangon kinaumagahan. Isiping naglalakad siya sa isang madilim na lansangan kasama ng ibang babae papunta sa libingan ni Jesus. Habang nasa daan, pinag-iisipan nila kung paano aalisin ang mabigat na bato na nakaharang sa pasukan. (Mateo 28:1; Marcos 16:1-3) Pero tumuloy pa rin sila. Pinakilos sila ng kanilang pananampalataya na gawin ang kanilang buong makakaya at magtiwala kay Jehova.
Naunang nakarating sa libingan si Maria. Pero napatigil siya sa paglalakad, gulat na gulat. Naigulong na ang bato at wala nang laman ang libingan! Tumakbo agad si Maria pabalik kina Pedro at Juan para sabihin ang nakita niya. Hingal na hingal niyang sinabi: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya dinala”! Nagmamadaling pumunta sina Pedro at Juan sa libingan at nakumpirma nilang wala na itong laman. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang bahay. a—Juan 20:1-10.
Pagbalik ni Maria sa libingan, nanatili siya roong mag-isa. Kinaumagahan, sa nakabibinging katahimikan ng walang laman na libingan, hindi mapigilan ni Maria ang pag-iyak niya. Dahil hindi pa rin siya makapaniwalang wala na ang kaniyang Panginoon, sumilip siya sa libingan at nagulat sa nakita niya. Dalawang anghel na nakaputi ang nakaupo roon! “Bakit ka umiiyak?” tanong nila. Nanginginig niyang inulit ang sinabi niya sa mga apostol: “Kinuha nila ang Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan nila siya dinala.”—Juan 20:11-13.
Pagkalingon niya, may isang lalaking nakatayo sa likod niya. Hindi niya ito nakilala, inakala niyang siya ang hardinero na naglilinis ng libingan. Tinanong siya ng lalaki: “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sumagot si Maria, “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya dinala, at kukunin ko siya.” (Juan 20:14, 15) Napansin ninyo ba ang sinabi niya? Talaga bang kayang kunin at buhatin ng isang babae ang mabigat na katawan ni Jesu-Kristo? Hindi na iyon inisip ni Maria. Ang alam lang niya gagawin niya ang kaniyang buong makakaya.
Kapag napaharap tayo sa isang problema na parang hindi natin kakayanin, matutularan ba natin si Maria Magdalena? Kung magpopokus tayo sa ating mga kahinaan at limitasyon, baka manghina lang tayo at sumuko. Pero kung gagawin natin ang ating buong makakaya at magtitiwala sa Diyos, baka magulat ka sa magiging resulta. (2 Corinto 12:10; Filipos 4:13) Pero higit sa lahat mapapasaya natin si Jehova. Tiyak na ginawa iyan ni Maria, kaya pinagpala siya sa paraang hindi niya inaasahan.
“Nakita Ko ang Panginoon!”
Ang lalaking nakatayo sa likod ni Maria ay hindi hardinero. Siya ay dating karpintero na naging guro at ang minamahal na Panginoon ni Maria. Pero hindi niya siya nakilala, kaya lumayo siya. Hindi sumagi sa isip ni Maria ang katotohanan na binuhay-muli si Jesus bilang makapangyarihang espiritu. Pero nang magpakita siya kay Maria, ibang katawan ang ginamit niya. Pagkatapos siyang buhaying muli, hindi siya nakilala kahit ng mga taong kilalang-kilala siya.—Lucas 24:13-16; Juan 21:4.
Paano nakilala ni Maria si Jesus? Sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniya ni Jesus: “Maria!” Lumingon siya at umiyak. Sinabi niya ang isang pamilyar na Hebreong salita na malamang na paulit-ulit niyang tinatawag kay Jesus—“Rabboni!” At iyon nga ang minamahal niyang guro! Tuwang-tuwa si Maria. Hinawakan niya si Jesus at ayaw niya siyang bitawan.—Juan 20:16.
Alam ni Jesus ang nasa isip ni Maria. “Huwag kang kumapit sa akin,” ang sabi niya. Pero sinabi niya ito sa mabait na paraan at posibleng nakangiti siya habang unti-unting inaalis ang kamay ni Maria na sinasabi: “Hindi pa ako nakaaakyat sa Ama.” Hindi pa aakyat sa langit si Jesus. May mga gagawin pa siya sa lupa at gusto niyang tumulong si Maria. Matamang nakikinig si Maria. “Pumunta ka sa mga kapatid ko,” ang sabi niya, “at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’”—Juan 20:17.
Isang napakagandang atas mula sa kaniyang Panginoon! Si Maria ang pinakaunang alagad na nakakita sa binuhay-muling si Jesus. At ngayon isang napakahalagang atas ang ibinigay sa kaniya na sabihin ang mabuting balitang ito. Isip-isipin ang saya at pananabik ni Maria habang hinahanap ang mga alagad. Hingal na hingal na sinabi ni Maria ang nasa isip niya na sinabi rin ng mga alagad na nakakita kay Jesus: “Nakita ko ang Panginoon!” Sinabi niyang lahat sa kanila ang sinabi ni Jesus at sa sobrang pananabik, napakabilis niyang magsalita. (Juan 20:18) Kapareho ito ng sinabi ng iba pang mga babae na nagpunta sa libingan ni Jesus.—Lucas 24:1-3, 10.
“Hindi Sila Naniwala” sa mga Babae
Ano ang reaksiyon ng mga lalaki? Noong una, ayaw nilang maniwala. Mababasa natin: “Iniisip nilang imahinasyon lang ang sinabi ng mga babae, at hindi sila naniwala sa mga ito.” (Lucas 24:11) Lumaki ang mga lalaking iyon sa lipunan na hindi nagtitiwala sa mga babae. Ayon sa tradisyong rabiniko, hindi maaaring magbigay ng testimonya sa korte ang mga babae. Baka hindi namamalayan ng mga apostol na naiimpluwensiyahan na sila ng kanilang kultura. Pero hindi nagtatangi si Jesus at ang kaniyang Ama. Napakagandang pribilehiyo ang ibinigay nila sa tapat na si Maria!
Hindi nagpaapekto si Maria sa reaksiyon ng mga lalaking iyon. Sapat nang malaman niya na nagtitiwala sa kaniya ang Panginoon. Pinagkatiwalaan din ni Jesus ang mga tagasunod niya ngayon na ipangaral ang isang mensahe. Tinatawag ito ng Bibliya na “mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Hindi ipinangako ni Jesus sa mga tagasunod niya paniniwalaan sila o na pahahalagahan ang kanilang gawain. Kabaligtaran pa nga ang mangyayari. (Juan 15:20, 21) Kaya mahalagang tandaan ng mga Kristiyano ang halimbawa ni Maria Magdalena. Kahit hindi siya pinaniwalaan ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, hindi nito naapektuhan ang kagalakan niya sa pagsasabi ng mabuting balita tungkol sa binuhay-muling si Jesus.
Di-nagtagal, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga apostol at pagkatapos sa iba pa niyang mga tagasunod. May pagkakataon pa ngang nagpakita siya sa mahigit 500 tao! (1 Corinto 15:3-8) Tumitibay nang tumitibay ang pananampalataya ni Maria sa bawat pagpapakita ni Jesus, tuwiran man o kahit naririnig lang niya ang mga balita. Malamang na isa si Maria sa mga babaeng binanggit na nagpunta sa Jerusalem noong Pentecostes nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga nagkakatipong tagasunod ni Jesus.—Gawa 1:14, 15; 2:1-4.
Isang bagay ang tiyak: Nanatiling tapat si Maria hanggang kamatayan. Maging determinado nawa tayo na tularan si Maria Magdalena! Magagawa natin ito kung pahahalagahan natin ang ginawa ni Jesus para sa atin at kung handa tayong maglingkod para sa iba habang umaasa sa tulong ng Diyos.
a Malamang na wala na si Maria sa libingan nang sabihin ng anghel sa ibang babae na binuhay-muli si Kristo. Dahil kung nandoon si Maria, tiyak na sinabi na niya kina Pedro at Juan na kinausap siya ng anghel at ipinaliwanag sa kaniya kung nasaan ang katawan ni Jesus.—Mateo 28:2-4; Marcos 16:1-8.