TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JOB
Pinawi ni Jehova ang Kirot na Nadarama Niya
Sa wakas, nagkaroon din ng katahimikan. Walang ibang maririnig maliban sa ihip ng hangin mula sa Disyerto ng Arabia. Pagod na si Job sa napakahabang pagtatalo, wala na siyang gustong sabihin. Isip-isipin si Job na nakakunót-noo habang nakatingin sa tatlo niyang kasamahan na sina Elipaz, Bildad, at Zopar, na para bang pinagsasalita niya pa sila. Pero hindi man lang sila makatingin nang deretso sa kaniya dahil alam nilang walang nagawa ang kanilang mga pangangatuwiran, masasakit, at “walang-saysay” na salita. (Job 16:3) Mas lalo lang naging determinado si Job na maging tapat!
Alam ni Job na hindi nawala ang katapatan niya kahit na napakaraming nawala sa kaniya. Wala na ang kaniyang mga ari-arian, ang kaniyang 10 anak, ang suporta at respeto ng mga kaibigan at kakilala niya, pati na ang kaniyang magandang kalusugan. Nangitim ang balat niya dahil sa sakit—punô ito ng langib at nababalot ng uod. Bumaho na rin ang hininga niya. (Job 7:5; 19:17; 30:30) At ngayon, galit na galit siya sa sinabi ng tatlo niyang kasamahan. Gustong-gusto niyang patunayan na hindi siya makasalanan, gaya ng inaakusa nila. Natahimik sila sa mga huling sinabi ni Job. Wala na silang maibato kay Job. Pero nandoon pa rin ang kirot na nadarama ni Job. Kailangang-kailangan niya ng tulong!
Mauunawaan natin kung bakit ganoon mag-isip si Job. Kailangan siyang ituwid. Kailangan rin niya ng magpapatibay at magbibigay sa kaniya ng kaaliwan—mga bagay na dapat sana’y ginawa ng tatlo niyang kasamahan. Napaharap ka na ba sa sitwasyong kailangang-kailangan mo ng tulong at pampatibay? Minsan ba ay binigo ka ng mga taong itinuturing mong kaibigan? Kung aalamin mo kung paano tinulungan ng Diyos na Jehova ang kaniyang lingkod na si Job at kung paano siya tumugon, magbibigay ito sa iyo ng pag-asa at praktikal na tulong.
Isang Marunong at Mabait na Tagapayo
Hindi inaasahan ang sumunod na mga nangyari. May isa pang naroroon habang nagtatalo-talo sila—ang nakababatang si Elihu. Nakita niya ang lahat ng nangyari at tahimik lang na nakikinig sa kanila. Hindi siya natuwa sa lahat ng narinig niya.
Nagalit si Elihu kay Job. Pero nasasaktan siya habang nakikita ang matuwid na si Job na pilit na “pinatutunayan ... na tama ang sarili niya imbes na ang Diyos.” Naaawa rin siya kay Job—alam niya na napakasakit ng dinanas nito, pero tapat pa rin siya at kailangan niya ng payo at kaaliwan. Hindi nakakapagtakang naubos ang pasensiya niya sa tatlong di-tunay na kaibigan ni Job! Narinig niya ang masasamang bagay na sinabi nila kay Job, winalang-dangal nila siya, at pinahina ang pananampalataya at katapatan niya. At higit sa lahat, pinalabas nila na masama ang Diyos. Kaya sa wakas, hindi na niya napigilan ang sarili niya na magsalita!—Job 32:2-4, 18.
“Bata ako,” ang sabi niya, “at kayo ay matatanda na. Kaya bilang paggalang ay nagpigil ako, at hindi ako nangahas na magsabi ng nalalaman ko.” Pero hindi na niya nagawang manahimik. Sinabi pa niya: “Hindi lang edad ang nagpaparunong sa tao, at hindi lang ang matatanda ang nakauunawa ng tama.” (Job 32:6, 9) Kaya nagsalita siya nang nagsalita at napatunayan niyang totoo ang sinabi niya. Ibang-iba ang ginawa niya kumpara kina Elipaz, Bildad, at Zopar. Hindi niya minaliit si Job. Tiniyak ni Elihu sa kaniya na ang sasabihin niya ay hindi makakadagdag sa kirot na nadarama ni Job. Binigyang-dangal din niya si Job dahil tinawag niya ito sa pangalan at sinabing hindi tama ang naging pakikitungo rito. a Sinabi niya: “Ngayon, Job, pakisuyong makinig ka sa akin.”—Job 33:1, 7; 34:7.
Prangkahang pinayuhan ni Elihu si Job: “Narinig kong sinabi mo, . . . ‘Dalisay ako at walang kasalanan; malinis ako at hindi nagkamali. Pero ang Diyos ay naghahanap ng dahilan para kalabanin ako.’” Pagkatapos, ipinakita ni Elihu kung ano talaga ang problema ni Job nang tanungin niya ito: “Talaga bang kumbinsido kang tama ka kaya sinasabi mo, ‘Mas matuwid ako sa Diyos’?” Hindi mapalampas ni Elihu ang gayong kaisipan. Kaya sinabi niya, “Mali ang mga sinabi mo.” (Job 33:8-12; 35:2) Nauunawaan ni Elihu na nagagalit si Job dahil ang daming nawala sa kaniya at masama ang naging trato sa kaniya ng mga itinuring niyang kaibigan. Pero binabalaan ni Elihu si Job: “Mag-ingat ka para hindi ka makasakit dahil sa galit.”—Job 36:18.
Idiniin ni Elihu ang Kabaitan ni Jehova
Higit sa lahat, ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos na Jehova. Mapuwersa niyang sinabi ang isang mahalagang katotohanan: “Imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat! . . . Hindi binabaluktot ng Makapangyarihan-sa-Lahat ang katarungan.” (Job 34:10, 12) Ipinaliwanag ni Elihu kay Job na kung hindi maawain at makatarungan si Jehova, baka naparusahan na ito dahil padalos-dalos itong magsalita. (Job 35:13-15) At sa halip na magmarunong, mapagpakumbabang kinilala ni Elihu: “Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa kaya nating alamin.”—Job 36:26.
Kahit prangka si Elihu, mabait pa rin siya. Sinabi niya kay Job na pagagalingin ito ni Jehova. Sasabihin ng Diyos sa kaniyang tapat na lingkod: “Magiging mas sariwa ang laman niya kaysa noong kabataan siya; babalik ang lakas niya gaya noong bata pa siya.” Bukod diyan, naipakita rin ni Elihu na mabait siya dahil sa halip na siya lang ang magsalita, pinagsalita rin niya si Job. “Magsalita ka,” ang sabi niya, “dahil gusto kong mapatunayang tama ka.” (Job 33:25, 32) Pero hindi sumagot si Job. Pakiramdam niya, hindi niya kailangang ipagtanggol ang sarili niya dahil mabait at nakakapagpatibay si Elihu. Malamang na umiyak siya dahil nadama niyang naiintindihan siya ni Elihu.
Napakaganda ng aral na makukuha natin sa dalawang tapat na lalaking ito. Matututuhan natin kay Elihu kung paano natin papayuhan at papatibayin ang iba. At ang isang tunay na kaibigan ay hindi magdadalawang-isip na sabihin sa iyo ang mga kahinaan o pagkakamali mo. (Kawikaan 27:6) Gusto nating maging ganiyang klase ng kaibigan—mabait at nakakapagpatibay kahit na padalos-dalos magsalita ang kaibigan natin. At kung tayo naman ang mangailangan ng payo, matutularan natin si Job kung mapagpakumbaba tayong makikinig sa payo imbes na bale-walain ito. Kailangan nating lahat ng payo at pagtutuwid. Kaya tanggapin natin ang payo dahil buhay natin ang nakataya.—Kawikaan 4:13.
“Mula sa Buhawi”
Nang magsalita si Elihu, madalas niyang banggitin ang hangin, ulap, kulog, at kidlat. Sinabi niya tungkol kay Jehova: “Pakinggan ninyong mabuti ang dagundong ng tinig niya.” Di-nagtagal, may sinabi si Elihu tungkol sa “hangin ng bagyo.” (Job 37:2, 9) At habang nagsasalita siya, palakas nang palakas ang hangin hanggang sa magkaroon na ng isang napakalakas na buhawi. Pagkatapos, may kakila-kilabot na nangyari. Nagsalita si Jehova!—Job 38:1.
Isip-isipin ang napakagandang pribilehiyo na maturuan ng Maylalang ng uniberso tungkol sa kalikasan!
Sa pagbabasa mo sa aklat ng Job, nakakaginhawa kapag binabasa mo na ang mga kabanata kung saan nakipag-usap si Jehova kay Job. Ang mga katotohanang sinabi ni Jehova kay Job ay parang buhawi na tumangay sa mga kasinungalingan nina Elipaz, Bildad, at Zopar. Ang totoo, hindi sila agad kinausap ni Jehova. Nagpokus muna si Jehova kay Job. Itinuwid niya ang kaniyang lingkod na ito kung paanong itinutuwid ng isang ama ang kaniyang anak.
Nauunawaan ni Jehova ang kirot na nadarama ni Job. Naaawa siya sa kaniya, at iyan ang lagi niyang nadarama kapag nahihirapan ang mga anak niya. (Isaias 63:9; Zacarias 2:8) Pero alam din niya na “nagsasalita [si Job] nang walang kaalaman” kaya lumalala ang problema nito. Kaya para maituwid si Job, tinanong siya ni Jehova: “Nasaan ka nang ilagay ko ang pundasyon ng lupa? Magsalita ka kung talagang may alam ka.” Nang simulan ang paglalang, “ang mga bituing pang-umaga,” o ang mga anghel ng Diyos, ay sumigaw ng papuri dahil sa kamangha-manghang mga nilalang. (Job 38:2, 4, 7) Siyempre, walang alam si Job tungkol dito.
Pagkatapos, nagsalita si Jehova tungkol sa kaniyang mga nilalang. Para bang tinuturuan niya si Job tungkol sa mga bagay na tinatawag ngayon na natural science, gaya ng astronomy, biology, geology, at physics. Binanggit ni Jehova ang maraming hayop na makikita sa lugar ni Job gaya ng leon, uwak, kambing-bundok, mailap na asno, torong-gubat, avestruz (o ostrich), kabayo, halkon, agila, Behemot (o hipopotamus), at ang Leviatan (malamang na buwaya). Isip-isipin ang napakagandang pribilehiyo na maturuan ng Maylalang ng uniberso tungkol sa kalikasan! b
Tinuruan Siya ng Kapakumbabaan at Pag-ibig
Ano ang itinuturo dito ni Jehova? Kailangan ni Job na maging mas mapagpakumbaba. Inakala niya na si Jehova ang may kagagawan ng kaniyang paghihirap kaya nagreklamo siya. Dahil dito, lalo lang niyang dinagdagan ang kirot na nadarama niya at inilayo ang sarili niya sa kaniyang maibiging Ama. Kaya paulit-ulit siyang tinanong ni Jehova kung nasaan siya nang gawin niya ang kamangha-manghang mga nilalang na ito, o kung kaya ni Job na pakainin, kontrolin, o paamuin ang mga ito. Kung hindi kayang pasunurin ni Job ang mga ito, sino siya para diktahan ang Maylalang? Tiyak na mas nakakahigit ang kaisipan at kaunawaan ni Jehova kaysa sa kaisipan ni Job!
Hindi nakipagtalo o nangatuwiran si Job kay Jehova, ni hindi niya ipinagmatuwid ang sarili niya
Sa lahat ng sinabi ni Jehova kay Job, makikita pa rin ang pagmamahal niya. Para bang sinasabi ni Jehova kay Job: ‘Anak ko, kung kaya kong lalangin at alagaan ang mga ito, iniisip mo bang hindi kita kayang alagaan, na papabayaan kita, o aagawin ko sa iyo ang mga anak mo, ari-arian, at magandang kalusugan? Hindi ba ako lang ang may kakayahan na ibalik ang mga nawala sa iyo at magpagaling sa iyo?’
Dalawang beses lang sumagot si Job sa mga tanong ni Jehova. Hindi siya nakipagtalo, nangatuwiran, o ipinagmatuwid ang sarili niya. Mapagpakumbaba niyang inamin na napakakaunti lang ng nalalaman niya, at nagsisisi siya sa padalos-dalos niyang pagsasalita. (Job 40:4, 5; 42:1-6) Talagang kitang-kita ang matibay na pananampalataya ni Job! Sa kabila ng pinagdaanan niya, tapat pa rin siya kay Jehova. Tinanggap niya ang pagtutuwid ni Jehova at binago ang kaniyang pananaw. Kaya mapapakilos tayo na itanong sa ating sarili, ‘Mapagpakumbaba ba ako para tumanggap ng pagtutuwid at payo?’ Kailangan nating lahat ng tulong. At kapag tinanggap natin ito, tinutularan natin ang pananampalataya ni Job.
“Hindi Ninyo Sinabi ang Katotohanan Tungkol sa Akin”
Kumilos na ngayon si Jehova para pawiin ang kirot na nadarama ni Job. Kinausap niya si Elipaz, ang pinakamatanda sa tatlo. Sinabi ni Jehova: “Galit na galit ako sa iyo at sa dalawa mong kasama, dahil hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin, di-gaya ng ginawa ng lingkod kong si Job.” (Job 42:7) Pag-isipan ang mga salitang iyan. Sinasabi ba ni Jehova na ang lahat ng sinabi ng tatlong ito ay kasinungalingan at ang mga sinabi ni Job ang totoo? Siyempre hindi. c Pero may malaking pagkakaiba si Job sa mga nag-aakusa sa kaniya. Wasak ang puso ni Job, hirap na hirap siya, at sobrang nasaktan sa akusasyon sa kaniya, kaya nakapagsalita siya nang padalos-dalos. Pero hindi ganiyan ang sitwasyon ni Elipaz at ng dalawa niyang kasama. Dahil mahina ang kanilang pananampalataya, nagsalita sila ng masama at nang may pagyayabang. Hindi lang nila pinagtulungan ang inosenteng si Job, siniraan pa nila si Jehova na para bang sinasabi nila na malupit at masama ang Diyos!
Kaya hindi nakakapagtakang pinagbayad sila ni Jehova ng napakamahal na handog. Kailangan nilang maghandog ng pitong toro at pitong barakong tupa. Napakalaking kabayaran nito dahil nang maglaon, sa Kautusang Mosaiko, ganito ang dapat ihandog ng mataas na saserdote para sa kaniyang kasalanan na naging dahilan ng pagkakasala ng buong Israel. (Levitico 4:3) Iyan din ang pinakamahal na hayop na inihahandog bilang sakripisyo sa ilalim ng Kautusan. Higit pa riyan, sinabi ni Jehova na tatanggapin lang niya ang handog ng tatlong lalaking ito kung mananalangin muna si Job para sa kanila. d (Job 42:8) Siguradong napatibay si Job dahil ipinagtanggol siya ng Diyos at nakita niyang nanaig ang katarungan ni Jehova!
“Ipapanalangin kayo ng lingkod kong si Job.”—Job 42:8
Nagtitiwala si Jehova na susundin ni Job ang utos niyang patawarin ang mga tao na sobrang nakasakit sa kaniya. Hindi binigo ni Job ang kaniyang Ama. (Job 42:9) Ipinakita ni Job ang kaniyang katapatan kay Jehova sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi basta salita lang. Dahil dito, lubos siyang pinagpala ni Jehova.
“Napakamapagmahal at Maawain”
“Napakamapagmahal at maawain” ni Jehova kay Job. (Santiago 5:11) Bakit natin ito nasabi? Ibinalik niya ang magandang kalusugan ni Job. Isip-isipin ang nadama ni Job nang maging “mas sariwa ang laman niya kaysa noong kabataan siya” gaya ng inihula ni Elihu! May mga kapamilya at kaibigan na rin siyang dumadamay at nagbibigay ng regalo sa kaniya. Ibinalik at dinoble pa nga ni Jehova ang nawalang mga ari-arian ni Job. Pero paano naman ang pinakamalalim na sugat ni Job, ang pagkamatay ng kaniyang mga anak? Naging masaya ulit si Job at ang asawa niya nang magkaroon sila ng 10 pang anak! Makahimala ring pinahaba ni Jehova ang buhay ni Job. Nabuhay pa siya ng 140 taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak at apo—apat na henerasyon. “Nang bandang huli, namatay si Job, matapos masiyahan sa mahabang buhay.” (Job 42:10-17) At sa Paraiso, makakasamang muli ni Job at ng asawa niya ang kanilang pamilya, kasama na ang 10 nilang anak na inagaw sa kanila ni Satanas.—Juan 5:28, 29.
Bakit pinagpala nang husto ni Jehova si Job? Sinasabi ng Bibliya: “Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job.” (Santiago 5:11) Tiniis ni Job ang maraming paghihirap, malamang na higit sa kaya nating isipin. Ipinapakita ng salitang “pagtitiis” na hindi lang basta nalampasan ni Job ang mga pagsubok. Nagtiis siya nang hindi naiwawala ang pananampalataya at pag-ibig kay Jehova. Sa halip na magalit at magkimkim ng galit, lubusan niyang pinatawad ang mga nakasakit sa kaniya. Nanghawakan siya sa kaniyang pag-asa at iningatan niya ang pinakamahalagang bagay na mayroon siya, ang kaniyang katapatan.—Job 27:5.
Lahat tayo ay kailangang magtiis. Siguradong gaya ni Job, sisikapin ni Satanas na pahinain ang loob natin. Pero kung magtitiis tayo nang may pananampalataya, magiging mapagpakumbaba, mapagpatawad, at mananatiling tapat, makakapanghawakan din tayo sa ating pag-asa. (Hebreo 10:36) Tiyak na mabibigo si Satanas at mapapasaya natin ang puso ni Jehova kung tutularan natin ang pananampalataya ni Job!
a Napakaraming sinabi nina Elipaz, Bildad, at Zopar—umabot ito ng mga siyam na kabanata ng Bibliya—pero ni minsan, hindi nila tinawag si Job sa kaniyang pangalan.
b Minsan, inilalarawan ni Jehova ang isang bagay sa literal at simpleng paraan, may pagkakataon naman, sa makasagisag at patulang paraan. (Tingnan ang mga halimbawa sa Job 41:1, 7, 8, 19-21.) Alinmang paraan ang ginamit ni Jehova nang makipag-usap siya kay Job, gusto niyang tulungan si Job na magkaroon ng malaking paggalang sa Maylalang.
c Sa katunayan, sinipi ni apostol Pablo ang isang pananalita ni Elipaz bilang isang katotohanan. (Job 5:13; 1 Corinto 3:19) Totoo naman ang sinabi ni Elipaz, pero hindi ito totoo sa nangyari kay Job.
d Walang mababasang ulat na hinilingan din si Job na maghain ng ganitong handog para sa kaniyang asawa.