MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Pagsisid ng Cuvier’s Beaked Whale
Ang Cuvier’s beaked whale ay nakakasisid nang hanggang 2,992 meters (9,816 ft), kung saan umaabot nang 30,300 kilopascals (4,390 psi) ang pressure. Kaya rin nitong sumisid nang matagal. Isa sa mga ito ang nakasisid nang hanggang 3 oras at 42 minuto sa ilalim ng karagatan. Paano nakakatagal ang mga mammal na ito sa matinding pressure at kaunting oxygen?
Gaya ng ibang mammal sa dagat, nagfo-fold paloob ang rib cage ng whale na ito at nagko-collapse ang mga baga nito. Nalaman ng mga researcher na kapag biglang bumagal ang heart rate ng mga mammal na ito, kaunting oxygen lang ang ginagamit nila. At ang blood flow na papunta sa mga dulong bahagi ng katawan nito ay nare-redirect papunta sa utak, puso, at mga muscle nila.
Bukod diyan, nakakapag-imbak din ang mga marine mammal ng oxygen sa mga muscle nila dahil sa protein na tinatawag na myoglobin. Kapag sumisisid sila nang malalim, inilalabas ng myoglobin ang oxygen kapag kailangan. Mas maraming myoglobin sa mga muscle ng marine mammal kumpara sa mga muscle ng tao at mga hayop na nasa lupa.
Pero sinabi ng isang researcher tungkol sa mga Cuvier’s beaked whale: “Talagang napakalalim ng kaya nilang sisirin. At mula sa mga nalalaman natin ngayon tungkol sa kayang gawin ng katawan ng mga hayop, nalampasan nila ang inaasahan natin na kaya nilang gawin.” Gusto ng mga scientist na mas maintindihan kung paano sumisisid ang mga Cuvier’s beaked whale kasi puwede itong makatulong sa mga doktor sa paggamot ng mga medical condition gaya ng collapsed lung.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng Cuvier’s beaked whale na sumisid nang napakalalim at napakatagal ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?