Pumunta sa nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Hugis V na Posisyon ng Cabbage White Butterfly

Ang Hugis V na Posisyon ng Cabbage White Butterfly

 Kailangan ng mga pakpak ng paruparo ang init ng araw para makalipad. Pero sa isang maulap na panahon, mas mabilis makalipad ang mga cabbage white butterfly kaysa sa ibang paruparo. Bakit?

 Pag-isipan ito: Bago lumipad, isinasara o ibinubuka nang husto ng iba’t ibang uri ng paruparo ang kanilang pakpak para mainitan ito ng araw. Pero iba ang cabbage white butterfly; ibinubuka nito nang pahugis V ang kaniyang pakpak. Ipinapakita ng pag-aaral na para makuha ang tamang init, kailangan na bahagyang buksan ng paruparo ang kaniyang pakpak na mga 17 digri ang anggulo. Sa ganitong posisyon, direktang tatama ang init ng araw sa katawan nito, partikular na sa muscle na ginagamit nito sa paglipad.

 Sinuri ng mga mananaliksik sa University of Exeter, England, kung puwede nilang mas mapahusay pa ang mga solar panel sa pamamagitan ng pagtulad sa hugis V na posisyon ng paruparong ito. Nang gawin nila ito, nakita nila na ang enerhiyang nakukuha ay mas mataas nang halos 50 porsiyento.

 Nakita rin nila na napaka-reflective ng mga pakpak ng paruparo. Sa pagtulad sa hugis V na posisyon at reflective na mga pakpak nito, nakagawa sila ng mas magaan at mas epektibong mga solar panel. Dahil dito, tinawag ng isa sa mga mananaliksik na si Professor Richard ffrench-Constant ang cabbage white butterfly na “eksperto sa pagkuha ng enerhiya ng araw.”

 Ano sa palagay mo? Ang hugis V na posisyon ba ng cabbage white butterfly ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?