MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Slime ng Hagfish
Matagal nang interesado ang mga siyentipiko sa tulad-gel na slime, o hydrogel, ng hagfish. Bakit? Dahil sinasabing ang hydrogel ng hagfish ay isa sa “pinakamalambot na biomaterial na nababanat.”
Pag-isipan ito: Ang hagfish ay parang igat, o eel, na makikita sa sahig ng dagat. Kapag may hayop na nagtangkang kumain dito, maglalabas ito ng gel mula sa glandula nito. Ang likidong inilalabas niya ay may mga protinang bumubuo ng mucus. Kasama rin sa inilalabas nito ang iba pang protina na bumubuo naman ng libo-libong mahahabang hibla. Kapag nagsama-sama ang mga protinang ito, nagagawa nitong gawing madikit na slime ang tubig sa palibot ng hagfish. Babara ang slime sa hasang ng nagtatangkang kumain sa hagfish kaya hindi na niya ito kakainin.
Kakaiba ang disenyo ng slime ng hagfish. Ang bawat hibla ng protina nito ay sandaang beses na mas manipis sa hibla ng buhok ng tao at sampung beses na mas matibay kaysa sa nylon. Kapag humalo ito sa tubig-dagat, ang pinaghalong mucus at mga hibla ay nagiging gaya ng isang three-dimensional na pansala. Kaya ng slime na mag-absorb ng tubig na 26,000 beses na mas mabigat kaysa sa sarili nito. Ang totoo, ang slime ay halos 100 porsiyentong tubig.
Hindi kayang gayahin ng mga siyentipiko ang slime ng hagfish. “Napakakomplikado ng disenyo nito,” ang sabi ng isang mananaliksik. Pero sinusubukan ng mga siyentipiko na gumawa ng mga hibla ng protina gamit ang bacteria. Gusto nilang makagawa ng materyales na magaan, hindi madaling mapunit, nababanat, at biodegradable. Ang mga sintetikong hibla ng protina ay puwedeng magamit sa paggawa ng tela at ng mga bagay na magagamit ng mga doktor at surgeon. Ang totoo, parang walang katapusan ang puwedeng paggamitan nito.
Ano sa palagay mo? Ang komplikadong disenyo ba ng slime ng hagfish ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?