Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Pakikipagligawan at Pakikipagkasintahan—Bahagi 2: Ano ang Dapat Kong Asahan?

Pakikipagligawan at Pakikipagkasintahan—Bahagi 2: Ano ang Dapat Kong Asahan?

 May nakilala ka, at nagustuhan ninyo ang isa’t isa. Sa panahon ng pagliligawan at pagiging magkasintahan ninyo, gusto ninyong mas makilala ang isa’t isa para makita kung bagay kayong maging mag-asawa. Ano ang dapat mong asahan?

Sa artikulong ito

 Magkakaroon kayo ng masinsinang mga pag-uusap

 Sa panahong ito, maglalaan kayo ng panahon sa isa’t isa kaya mas magkakakilala kayo. May malalaman ka sa ugali ng nagugustuhan o kasintahan mo habang inoobserbahan mo siya.

 Pero may mga bagay na kailangan ninyong pag-usapan nang masinsinan. Habang nag-uusap kayo, sikaping huwag emosyon ang pairalin at magdesisyon base sa malalaman mo tungkol sa kaniya.

 Mga dapat ninyong pag-usapan:

  •   Pera. May utang ka ba? Kontrolado mo ba ang paggastos mo? Kung magiging mag-asawa kayo, paano kayo magdedesisyon pagdating sa trabaho at mga gastusin?

  •   Kalusugan. Okey ba ang kalusugan mo? Nagkasakit ka na ba nang malubha dati?

  •   Mga goal. Ano ang gusto mong gawin sa buhay mo? Magkapareho ba kayo ng goal ng kasintahan mo? Kapag may asawa ka na, magiging masaya ka pa rin ba kung sakaling hindi mo na maaabot ang mga goal mo?

  •   Pamilya. May obligasyon ka ba sa pamilya ngayon? Sa tingin mo, magkakaroon ka ba ng obligasyon sa kanila sa hinaharap? Gusto mo bang magkaanak? Kung oo, ilan?

 Kapag pinag-uusapan ninyo ang mga ito, sabihin ang totoo. Huwag magtago ng impormasyon o baguhin ang totoo para lang ma-impress siya sa iyo.—Hebreo 13:18.

 Pag-isipan: Ano ang dapat mong malaman tungkol sa nagugustuhan o kasintahan mo? Ano ang dapat niyang malaman tungkol sa iyo? Paano makakatulong ang masinsinang pag-uusap ninyo ngayon para maging bukás ang komunikasyon ninyo kapag mag-asawa na kayo?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Magsabi ng totoo sa isa’t isa.”—Efeso 4:25, Magandang Balita Biblia.

 “Baka iniisip ng babae, ‘Siguro anim na buwan lang, engaged na kami,’ pero baka isang taon naman ang nasa isip ng lalaki. Kaya baka umasa lang ang babae at masaktan. Mahalaga talagang nagkakaintindihan sila.”—Ariana, isang taon nang kasal.

 Magkakaroon kayo ng magkaibang pananaw

 Lahat tayo magkakaiba. Kaya huwag isipin na magkakasundo kayo ng kasintahan mo sa lahat ng bagay. May epekto kasi sa pananaw natin ang kultura at kinalakhan natin.

 Pag-isipan: Kapag magkaiba ang pananaw ninyo sa maliliit na bagay, pareho ba kayong handang magparaya para hindi kayo mag-away, kung wala namang nalalabag na pamantayan sa Bibliya?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.”—Filipos 4:5.

 “Kahit sa tingin mo bagay na bagay kayo, siguradong may pagkakaiba pa rin kayong dalawa. Mahalaga naman na compatible kayo, pero mas mahalaga ang ugaling ipinapakita ninyo kapag hindi kayo nagkakasundo.”—Matthew, limang taon nang kasal.

 Makakaranas kayo ng stress

 Kailangan ang malaking panahon sa pagliligawan at pakikipagkasintahan. Kaya baka ma-stress kayo. Ano ang makakatulong?

 Magkaroon ng makatuwirang mga limitasyon. Huwag ubusin ang panahon mo sa pakikipagligawan para hindi mo mapabayaan ang mga responsibilidad mo at ang iba mo pang kaibigan. Sinabi ni Alana na limang taon nang kasal: “Kahit may asawa ka na, kailangan mo pa rin ang mga kaibigan mo at kailangan ka pa rin nila. Huwag mo silang kalimutan dahil lang may kasintahan ka na.”

 Tandaan, kapag may asawa ka na, kailangan mong balansehin ang lahat ng aspekto ng buhay mo. Kaya sikaping gawin na iyan ngayon pa lang.

 Pag-isipan: Masyado ka bang demanding sa panahon at atensiyon ng kasintahan mo? Demanding ba siya sa iyo? Paano kayo magiging balanse para hindi ninyo maramdamang nabibigatan kayo o nasasakal sa isa’t isa?

 Prinsipyo sa Bibliya: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay, isang panahon para sa bawat gawain.”—Eclesiastes 3:1.

 “Kung puro paglilibang lang ang ginagawa ng magkasintahan kapag nagde-date sila, baka mabigla sila kapag mag-asawa na sila. Maganda kung magkasama nilang gagawin ang mga pang-araw-araw na gawain gaya ng pamamalengke, gawaing-bahay, at pagsamba. Kapag nakasanayan nila iyan, makakatulong iyan sa pagsasama nila bilang mag-asawa.”—Daniel, dalawang taon nang kasal.

 Tandaan, pansamantala lang ang pagiging magkasintahan. Darating ang panahon na kailangan nilang magdesisyon—magpapakasal ba sila o magbe-break? Iyan ang pag-uusapan sa Bahagi 3. Malalaman mo doon ang mga dapat mong pag-isipan bago ka magdesisyon.