TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Mababawasan ang Timbang Ko?
Kailangan ko ba talagang bawasan ang timbang ko?
Gusto ng ilang kabataan na magbawas ng timbang. Pero . . .
Marami ang mas nagpapahalaga sa hitsura kaysa sa kalusugan. Para pumayat agad, sinusubukan nila ang ilang paraan gaya ng pagpapalipas ng gutom o pag-inom ng mga produktong pampapayat. Pero kadalasan nang hindi epektibo ang mga ito at delikado pa nga.
“Nagpapalipas ng gutom ang ilang babae para mas mabilis pumayat. Karaniwan nang nakakasamâ ito sa kanila, at matagal-tagal din bago maka-recover ang katawan nila.”—Hailey.
Marami ang nag-aalala sa kanilang timbang kahit hindi naman kailangan. Tama naman ang timbang nila, pero baka pakiramdam nila ay mataba sila kung ikukumpara sa mga kaibigan nila o sa kung ano ang “katanggap-tanggap” na katawan na ipinapakita sa media.
“Noong 13 anyos ako, ikinukumpara ko ang sarili ko sa mga kaibigan ko. Iniisip kong mas magugustuhan nila ako kung magiging kasimpayat nila ako na parang tingting.”—Paola.
Pero may ilang kabataan na kailangan talagang magbawas ng timbang. Ayon sa isang ulat ng World Health Organization . . .
Sa buong mundo, mga 340 milyong kabataan na edad 5 hanggang 19 ang sobra sa timbang.
Noong 1975, nasa 4 na porsiyento lang ng edad 5 hanggang 19 ang sobra sa timbang. Pero noong 2016, tumaas ito sa 18 porsiyento.
Sa maraming bansa sa buong mundo, karaniwan nang mas marami ang sobra-sobra sa timbang kaysa sa mga kulang sa timbang.
Sa mahihirap na bansa, karaniwan din ang mga taong sobra-sobra sa timbang, kahit na ang ilang kapamilya nila ay kulang sa nutrisyon.
Ano ang pinakamagandang paraan para mabawasan ang timbang ko?
Anong paraan ang pipiliin mo?
Pagpapalipas ng gutom.
Pag-eehersisyo at balanseng pagkain.
Pag-inom ng mga produktong pampapayat.
Tamang sagot: Paraan 2: Pag-eehersisyo at balanseng pagkain.
Kapag nagpapalipas ka ng gutom o iniiwasan mo ang ilang uri ng pagkain, puwede kang pumayat agad. Kaso baka makasama iyan sa kalusugan mo, at baka tumaba ka ulit kapag bumalik ka sa dati mong rutin sa pagkain.
Pero kung ang gusto mo ay magandang kalusugan, mas mapapabuti ka. “Ang pinakaligtas, pinakamaganda sa kalusugan, at pinakanagtatagal na epekto ay resulta ng . . . pagbabagong ginagawa mo sa iyong lifestyle na kaya mong gawin habambuhay,” ang isinulat ni Dr. Michael Bradley. a Ang punto? Kung gusto mong magbawas ng timbang, huwag kang magpokus sa diet. Kailangan mong gumawa ng pagbabago sa iyong lifestyle.
Ang plano kong gawin
Pinapayuhan tayo ng Bibliya na dapat ay “may kontrol” tayo sa ating paggawi, at kasama diyan ang kaugalian sa pagkain. (1 Timoteo 3:11) Sinabi rin na iwasan ang sobra-sobrang pagkain. (Kawikaan 23:20; Lucas 21:34) Pag-isipan ang mga prinsipyong ito at subukan ang sumusunod:
Alamin kung ano ang kasama sa pagkain ng masustansiya.
Hindi mo kailangang maging sobrang istrikto sa pagkain. Pero ang pagkakaroon ng kaunting ideya tungkol sa nutrisyon ay makakatulong sa iyo na maging balanse sa pagkain. Ito ang pinakamagandang paraan para mapanatili mo ang tamang timbang.
Regular na mag-ehersisyo.
Araw-araw, mag-isip ng mga gawain na makakapagpawis sa iyo at makakapagpasigla sa katawan mo. Halimbawa, imbes na mag-elevator, maghagdan na lang. Ilaan ang ilang oras na ginagamit mo sa paglalaro ng video game para sa brisk walking.
Palitan ang sitsirya ng masusustansiyang pagkain.
“Lagi akong nagbabaon ng masusustansiyang meryenda gaya ng prutas at gulay,” ang sabi ng tin-edyer na si Sophia. “Kaya naiiwasan kong kumain ng di-masusustansiyang pagkain.”
Magdahan-dahan sa pagkain.
Napakabilis kumain ng ilan kaya hindi nila namamalayan na puno na pala ang tiyan nila. Kaya magdahan-dahan. Huminto muna bago ka kumuha ulit ng pagkain. Malay mo, busog ka na pala.
Bantayan ang iyong calorie intake.
Basahin ang nutrition label para makita kung ilang calorie ang nasa pagkain. Tandaan mo na mataas ang calorie ng soft drink, fast food, at dessert kaya nakakadagdag ito ng timbang.
Maging balanse.
Sinabi ni Sara na 16 anyos: “Talagang binibilang ko noon ang calorie intake ko at kapag nasa harap na ako ng pagkain, puro numero ang nakikita ko!” Huwag maging “calorie accountant.” Puwede mong pagbigyan paminsan-minsan ang sarili mo na kumain ng masasarap na pagkain kahit mataas pa ang calorie nito.
Tip: Ipakipag-usap sa doktor mo ang tungkol sa iyong timbang. Dahil alam nila ang kondisyon ng katawan mo, matutulungan ka nila na magkaroon ng lifestyle na maganda sa kalusugan mo.
a Mula sa aklat na When Things Get Crazy With Your Teen.