Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Ako Naghihiwa sa Sarili?

Bakit Ako Naghihiwa sa Sarili?

 Ano ang paghihiwa sa sarili?

Ang paghihiwa sa sarili ay ang di-mapigilang pamiminsala sa sarili gamit ang isang matalas na bagay. Isang uri lang ito ng pananakit sa sarili. Ang iba pa ay ang pagpaso, pagsugat, o paghampas sa sarili. Ang artikulong ito ay tungkol sa paghihiwa sa sarili, pero kapit din sa lahat ng uri ng pananakit sa sarili ang mga simulaing tinatalakay rito.

Tama o Mali?

  1. Mga babae lang ang naghihiwa sa sarili.

  2. Ang paghihiwa sa sarili ay labag sa utos ng Bibliya sa Levitico 19:28: “Huwag kayong magkukudlit ng mga hiwa sa inyong laman.”

Tamang sagot:

  1. Mali. Bagaman parang mas maraming babae ang gumagawa nito, may mga lalaki ring naghihiwa at nananakit sa sarili sa iba pang paraan.

  2. Mali. Ang Levitico 19:28 ay tumutukoy sa sinaunang ritwal ng mga pagano, at hindi sa di-mapigilang pananakit sa sarili na tinatalakay sa artikulong ito. Pero siyempre pa, ayaw ng ating maibiging Maylalang na saktan natin ang ating sarili.—1 Corinto 6:12; 2 Corinto 7:1; 1 Juan 4:8.

 Bakit may mga gumagawa nito?

Alin sa palagay mo ang mas tama?

May mga naghihiwa sa sarili . . .

  1. dahil pinaglalabanan nila ang paghihirap ng kanilang kalooban.

  2. dahil gusto nilang magpakamatay.

Tamang sagot: A. Karamihan sa mga naghihiwa sa sarili ay ayaw mamatay. Gusto lang nilang tapusin ang paghihirap ng kanilang kalooban.

Pansinin ang sinabi ng ilang kabataang naghihiwa sa sarili.

Celia: “Gumiginhawa ang kalooban ko.”

Tamara: “Parang natatakasan ko ang problema. Mas gusto ko pang masaktan ang katawan ko kaysa sa kalooban ko.”

Carrie: “Ayokong-ayokong nalulungkot ako. Kapag naghihiwa ako, doon napupunta ang atensiyon ko kaya nalilimutan ko ang lungkot.”

Jerrine: “Sa tuwing maghihiwa ako sa sarili, halos wala na akong pakialam sa mundo, at parang nalilimutan ko ang aking mga problema. Ito ang gusto kong mangyari.”

 Kung ganito ang problema mo, paano mo ito maihihinto?

Mahalaga ang pananalangin sa Diyos na Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 Pedro 5:7.

Mungkahi: Magsimula sa maiikling panalangin, halimbawa, “Diyos na Jehova, tulungan n’yo po ako.” Darating ang panahon, masasabi mo na rin ang iyong niloloob sa “Diyos ng buong kaaliwan.”—2 Corinto 1:3, 4.

Ang pananalangin ay hindi pampagaan ng loob. Ito’y aktuwal na pakikipag-usap sa iyong makalangit na Ama, na nangako: “Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”—Isaias 41:10.

Nakatulong din sa maraming naghihiwa sa sarili ang pakikipag-usap sa isang magulang o sa isang mapagkakatiwalaang adulto. Tingnan natin ang mga komento ng tatlong kabataan na gumawa niyan.

 Mga tanong na dapat pag-isipan

  • Kapag handa ka nang magpatulong, sino ang puwede mong lapitan?

  • Ano ang puwede mong ipanalangin sa Diyos na Jehova tungkol dito?

  • May masasabi ka bang dalawang paraan (puwera ang pananakit sa sarili) para mawala ang iyong stress at kabalisahan?