TANONG NG MGA KABATAAN
Bakit Dapat Iwasan ang Pornograpya?
Kaya mo ba?
Kapag nag-i-Internet ka, asahan mong makakakita ka ng pornograpya. “Hindi mo na ’to kailangang hanapin,” ang sabi ng 17-anyos na si Hayley. “Kusa itong bubulaga sa iyo.”
Puwedeng matukso sa pornograpya kahit ang mga determinadong umiwas dito. “Sabi ko sa sarili ko, mag-iingat ako, pero hindi ko rin nagawa,” ang sabi ni Greg, 18 anyos. “Hindi mo masasabing ’di ito mangyayari sa ’yo.”
Sa ngayon, mas madali nang ma-access ang pornograpya. At mula nang mauso ang sexting, marami nang tin-edyer ang gumagawa at nagpapakalat ng sarili nilang pornograpya.
Tandaan: Mas malaking hamon ang napapaharap sa iyo kaysa sa mga magulang o mga lolo’t lola mo noong kaedad mo sila. Ang tanong, Kaya mo bang umiwas sa pornograpya?—Awit 97:10.
Ang sagot ay oo—kung gugustuhin mo. Pero dapat, kumbinsido ka muna na masama ang pornograpya. Tingnan natin ang ilang maling akala at kung ano ang totoo tungkol sa paksang ito.
Mga maling akala at ang totoo
Maling akala: Walang masamang epekto sa akin ang pornograpya.
Ang totoo: Ang epekto ng pornograpya sa iyong isip ay katulad ng epekto ng sigarilyo sa iyong bagà. Pinarurumi ka nito. Sinisira nito ang isang bagay na ginawa ng Diyos para magsilbing matibay at namamalaging buklod sa pagitan ng dalawang tao. (Genesis 2:24) Sa katagalan, magiging manhid ka na sa kung ano ang tama at mali. Halimbawa, sinasabi ng ilang eksperto na ang mga lalaking laging nanonood ng pornograpya ay mas malamang na maging manhid pagdating sa karahasan laban sa kababaihan.
Sinasabi ng Bibliya na may mga taong “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral.” (Efeso 4:19) Manhid na ang kanilang budhi kung kaya hindi na sila nakokonsiyensiya sa paggawa ng masasamang bagay.
Maling akala: Matuturuan ka ng pornograpya tungkol sa sex.
Ang totoo: Kasakiman ang itinuturo sa iyo ng pornograpya. Pinalilitaw nito na ang mga tao ay mga bagay lang na para sa pansariling kasiyahan ng isa. Kaya naman ayon sa isang pag-aaral, ang mga taong nakagawian na ang panonood ng pornograpya ay malamang na hindi na masiyahan sa pakikipag-sex kapag nag-asawa na sila.
Inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na umiwas sa “pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan”—mga bagay na itinataguyod ng pornograpya.—Colosas 3:5.
Maling akala: Masyado lang konserbatibo ang mga umiiwas sa pornograpya.
Ang totoo: Ang mga umiiwas sa pornograpya ay may mataas na pangmalas sa sex. Para sa kanila, regalo ito ng Diyos para mapatibay ang buklod sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na nagpakasal at nagsumpaan sa isa’t isa. Ang mga may ganitong pangmalas ay malamang na higit na masiyahan sa pakikipag-sex kapag nag-asawa na sila.
Prangka ang Bibliya pagdating sa sex. Halimbawa, sinasabi nito sa mga asawang lalaki: “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan . . . Sa kaniyang pag-ibig ay lagi ka nawang magtamasa ng masidhing ligaya.”—Kawikaan 5:18, 19.
Kung paano iiwasan ang pornograpya
Paano kung sa tingin mo ay napakalakas ng tuksong tumingin sa pornograpya? Makatutulong sa iyo ang worksheet na “Pag-iwas sa Pornograpya.”
Kaya mong iwasan ang tuksong tumingin sa pornograpya. Kaya mo ring ihinto ang panonood ng pornograpya kahit nasimulan mo na ito. Makikinabang ka nang husto kapag ginawa mo iyon.
Tingnan natin ang karanasan ni Calvin, na umaming nakagawian na niyang manood ng pornograpya mula pa noong mga 13 anyos siya. “Alam kong mali ’yon,” ang sabi ni Calvin, “pero talagang ’di ko mapigilang tumingin. Pagkatapos naman, nagi-guilty ako. Nang bandang huli, nalaman ito ng tatay ko—at sa totoo lang, nakahinga ako nang maluwag! Sa wakas, may makakatulong na sa ’kin.”
Natutuhan ni Calvin kung paano umiwas sa pornograpya. Sabi niya: “Napakalaking pagkakamali ang manood ng pornograpya. Hanggang ngayon, pinagbabayaran ko ito dahil sumasagi pa rin sa isip ko ang mga larawang iyon. Kung minsan, naiisip ko kung ano kaya ang makikita ko kapag tumingin uli ako sa mga bagay na ’di ko dapat tingnan. Pero maiisip ko na napakasaya, napakalinis, at napakaganda ng kinabukasan ko kung gagawin ko ang nakalulugod kay Jehova.”