Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Dapat Akong Tumulong sa Iba?

Bakit Dapat Akong Tumulong sa Iba?

Dalawang sekretong di-alam ng marami

 Sekreto #1: Kapag nagbibigay ka, malamang na may magbigay rin sa iyo!

Mapapansin ng mga tao na bukas-palad ka. Dahil dito, malamang na maging bukas-palad din sila sa iyo. Ang sabi ng Bibliya:

  • “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. . . . Ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.”—Lucas 6:38.

  • “Kung ano ang pagtrato mo sa iba, iyon din ang magiging pagtrato sa iyo.”—Lucas 6:38, Contemporary English Version.

Sekreto #2: Kapag tumutulong ka sa iba, natutulungan mo ang iyong sarili!

Kapag gumagawa ka ng mabubuting bagay para sa iba, lalo kang nagkakaroon ng paggalang sa sarili at nakadarama ng kasiyahan dahil sa pagbibigay. Ang sabi ng Bibliya:

  • “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.

  • “Kapag naghanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga taong dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.”—Lucas 14:13, 14.

Mga kabataang nagmamalasakit

 Maraming kabataan ang nagmamalasakit sa iba! Narito ang ilang halimbawa.

“Minsan, kapag gusto ko lang maupo at manood ng TV, naiisip ko sina Mommy at Daddy na nagtatrabaho, at tiyak na pagod na pagod sila pag-uwi nila. Kaya tumatayo ako para maghugas ng pinggan at maglinis ng bahay. Nagluluto rin ako ng kape dahil mahilig sila sa kape. Pagdating ni Mommy, sinasabi niya, ‘Wow, ang linis ng bahay! At ang bango ng kape. Salamat, Anak!’ Ang sarap talaga ng pakiramdam kapag nakakagawa ako ng mabuti para kina Mommy at Daddy.”​—Casey.

“Mula’t sapol, suportado na ako ng mga magulang ko, at ibinibigay nila ang lahat ng kailangan ko. Kaya nang masira ang sasakyan nila noong isang taon, binigyan ko sila ng tseke para ipagawa iyon, kahit malaking kabawasan iyon sa ipon ko. Siyempre pa, tumanggi sila, pero nagpumilit ako. Kulang pa nga iyon sa mga nagawa nila para sa ’kin. Natuwa talaga ako dahil nakatulong ako sa kanila.”​—Holly.

Alam mo ba? Maraming kabataang Saksi ni Jehova ang nakadama ng kagalakan dahil sa pagtulong sa iba sa pamamagitan ng pagtuturo ng Bibliya. May mga lumilipat pa nga sa mga bansang nangangailangan ng mga magtuturo ng Bibliya.

“Mula sa Estados Unidos, lumipat ako sa Mexico para tumulong sa pagtuturo ng Bibliya. Kung minsan, mahirap maging bukas-palad pagdating sa pera o mga bagay-bagay dahil wala naman akong gaanong maibibigay. Pero kapag nagbibigay ako ng lakas at panahon sa pangangaral, mas napahahalagahan ito kaysa sa materyal na mga bagay.”​—Evan.

Paano ako makatutulong sa iba?

 Gusto mo bang makadama ng kagalakan mula sa pagtulong sa iba? Narito ang ilang mungkahi.

Para makatulong sa pamilya:

  • Maglinis ng bahay, maghugas ng pinggan, o maglinis ng kuwarto—nang hindi na kailangang utusan

  • Magluto

  • Magbigay ng thank you card sa mga magulang

  • Tumulong sa kapatid mo sa paggawa niya ng homework

Para makatulong sa ibang tao:

  • Magpadala ng card sa maysakit

  • Maglinis ng bakuran ng may-edad nang kapitbahay

  • Dumalaw sa isang di-makaalis ng bahay

  • Magregalo sa isa na may problema

Tip: Mag-isip ng iba pang paraan. Pagkatapos, sikaping makatulong sa isang tao sa linggong ito. Tingnan mo kung gaano kasarap ang pakiramdam!

“Kapag tumutulong ka sa iba, nagiging masaya ka. Alam mong may nagawa kang mabuti, at nakikita mong pinahahalagahan ito ng iba. Baka nag-enjoy ka sa pagtulong—kahit hindi mo ito inaasahan sa umpisa. Parang hindi ka nga nagsakripisyo dahil nakinabang ka rin.”—Alana.