Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Magandang Mag-aral ng Bagong Wika?

Bakit Magandang Mag-aral ng Bagong Wika?

Ang pag-aaral ng ibang wika ay susubok sa iyong disiplina sa sarili at kapakumbabaan. Sulit ba ito? Maraming kabataan ang nagsasabing oo! Ipaliliwanag ng artikulong ito kung bakit nila ito ginawa.

 Bakit ito kailangan?

Marami ang nag-aaral ng ibang wika dahil kailangan ito sa kanilang paaralan. Ang iba naman ay may personal na dahilan. Halimbawa:

  • Si Anna, isang kabataan sa Australia, ay nag-aral ng Latvian—ang wika ng nanay niya. “Nagpaplano ang pamilya namin na pumunta sa Latvia,” ang sabi ni Anna, “at gusto kong makausap ang mga kamag-anak namin ’pag dumalaw kami roon.”

  • Si Gina, isang Saksi ni Jehova sa Estados Unidos, ay natuto ng American Sign Language (ASL) at lumipat ng Belize para palawakin ang kaniyang ministeryo. “Iilan lang ang mga taong nakakausap ng isang bingi,” ang paliwanag niya. “Pero talagang natutuwa sila kapag sinasabi ko na nag-aral ako ng ASL para makapagturo ng Bibliya sa wika nila.”

Alam mo ba? Inihula ng Bibliya na ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa mga tao ng “bawat bansa at tribo at wika.” (Apocalipsis 14:6) Bilang pagtupad sa hulang ito, maraming kabataang Saksi ni Jehova ang nag-aral ng ibang wika para palawakin ang ministeryo nila sa kanilang sariling bansa o sa ibang lupain.

 Ano ang mga hamon?

Hindi madaling mag-aral ng ibang wika. “Akala ko pag-aaral lang iyon ng mga bagong salita,” ang sabi ng kabataang si Corrina, “pero kasama pala roon ang pag-aaral ng bagong kultura at paraan ng pag-iisip. Talagang kailangan ang panahon sa pag-aaral ng wika.”

Kailangan din ng kapakumbabaan. “Dapat mong matutuhang tawanan ang sarili mo,” ang sabi ni James, isang kabataang nag-aral ng Spanish, “dahil maraming beses kang magkakamali. Pero bahagi talaga iyon ng pag-aaral.”

Tandaan: Kung kaya mong harapin ang mga kabiguan—at ang paminsan-minsang pagkapahiya—mas malamang na magtatagumpay ka sa pag-aaral ng ibang wika.

Tip: Huwag mawalan ng pag-asa kung mas mabilis matuto ang iba kaysa sa iyo. Ang sabi ng Bibliya: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”—Galacia 6:4.

 Ano ang mga pakinabang?

Maraming pakinabang ang pag-aaral ng bagong wika. Halimbawa, ang tin-edyer na si Olivia ay nagsabi, “Kapag natututo ka ng ibang wika, lumalawak ang mundo mo at nagkakaroon ka ng bagong mga kaibigan.”

Para sa tin-edyer na si Mary, ang pag-aaral ng bagong wika ay nakaragdag ng kaniyang kumpiyansa sa sarili. “Wala akong maipagmalaki sa mga ginagawa ko,” ang sabi niya, “pero ngayong natututo ako ng isang wika, mas nae-excite akong matuto pa ng mga bagong salita. Ang sarap sa pakiramdam.”

Nakita naman ni Gina, na binanggit kanina, na ang pagtuturo ng Bibliya sa wikang pasenyas ay nakaragdag ng kasiyahan niya sa ministeryo. “Makita ko lang na masaya ang mga tao habang kinakausap ko sila sa sarili nilang wika, napakagandang gantimpala na n’on!” ang sabi niya.

Tandaan: Ang pag-aaral ng ibang wika ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mga bagong kaibigan, higit na kumpiyansa sa sarili, at mas makabuluhang ministeryo. Isang napakahalagang paraan ito para maipaabot ang mabuting balita sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.”—Apocalipsis 7:9.