TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Gagawin Ko Kapag Binu-bully Ako?
Basahin din ang mga tip mula sa ibang kabataan at ang sinabi ng isang titser tungkol sa pambu-bully. Pagkatapos, sagutan ang quiz tungkol sa pambu-bully.
Seryosong bagay ang pambu-bully. Ipinakita ng isang pag-aaral sa Britanya na sa mga kabataang iniulat ng media na nagpakamatay, mahigit 40 porsiyento ang sinasabing may kinalaman sa pambu-bully.
Ano ang pambu-bully?
Hindi lang pisikal na pananakit ang sangkot dito. Maaaring kasali rin dito ang sumusunod.
Pagsasalita ng masasakit. “Talagang masakit magsalita ang ilang babae,” ang sabi ng 20-anyos na si Celine. “Hindi ko malilimutan ang mga bansag o ang pinagsasasabi nila sa akin. Pakiramdam ko tuloy wala akong halaga, inaayawan, at walang kuwenta. Mas mabuti pa ngang sinuntok na lang nila ako.”
Iniiwasang makasama. “Iniiwasan ako ng mga kaeskuwela ko,” ang sabi ng 18-anyos na si Haley. “Palalabasin nilang wala nang lugar sa mesa para hindi ako makakaing kasama nila. Buong taon akong laging umiiyak at kumakaing mag-isa.”
Cyberbullying. “Sa ilang pindot lang sa computer,” ang sabi ng 14-anyos na si Daniel, “puwede mo nang masira ang reputasyon ng isang tao—o pati ang buhay niya. Parang sobra naman ang mga salitang iyan, pero puwedeng mangyari iyan!” Kasali rin sa cyberbullying ang pagpapadala ng nakakahiyang mga litrato o text sa cellphone.
Bakit may mga nambu-bully?
Ito ang ilan sa mga karaniwang dahilan.
Sila mismo ay biktima ng pambu-bully. “Sawang-sawa na ako sa pambu-bully sa akin ng ibang kabataan kaya nam-bully na rin ako para tanggapin nila ako,” ang inamin ng kabataang si Antonio. “Pero bandang huli, naisip kong maling-mali ang ginawa ko!”
Wala silang mabuting halimbawa. “Madalas, tinatrato ng mga kabataang bully ang ibang tao . . . kung paano tinatrato ng mga magulang nila, nakatatandang kapatid, o iba pang kapamilya ang ibang tao,” ang sabi ni Jay McGraw sa kaniyang aklat na Life Strategies for Dealing With Bullies.
Umaasta silang nakatataas—pero insecure sila. “Kumikilos ang mga kabataang bully na parang nakatataas sila, pero madalas ginagawa lang nila iyon para itago ang kanilang nasaktang damdamin at ang nadarama nilang kawalang-kakayahan,” ang sabi ni Barbara Coloroso sa kaniyang aklat na The Bully, the Bullied, and the Bystander.
Sino ang karaniwang binu-bully?
Mga mapag-isa. May mga kabataan na nahihirapang makipag-ugnayan sa iba, kaya ibinubukod nila ang kanilang sarili at madaling nagiging target ng mga bully.
Mga kabataang itinuturing na kakaiba. Ang ilang kabataan ay binu-bully dahil sa kanilang hitsura, lahi, relihiyon, o kapansanan pa nga—anumang bagay na puwedeng pag-initan ng isang bully.
Mga kabataang walang kumpiyansa sa sarili. Nahahalata ng bully kung sino ang mababa ang tingin sa sarili. Sila ang madalas binibiktima dahil malamang na hindi sila lalaban.
Ano ang puwede mong gawin kapag may nambu-bully sa iyo?
Huwag mag-react. “Gustong makita ng mga bully na naaapektuhan ka sa ginagawa nila,” ang sabi ng kabataang babae na si Kylie. “Kung hindi ka magre-react, mawawalan sila ng gana.” Sinasabi ng Bibliya: “Siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.”—Kawikaan 29:11.
Huwag gumanti. Hindi maaayos ang problema kung gaganti ka—lalala lang iyon. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.”—Roma 12:17; Kawikaan 24:19.
Huwag lumapit sa mga bully. Hangga’t posible, iwasan ang mga bully at ang mga sitwasyon kung saan puwede kang ma-bully.—Kawikaan 22:3.
Sumagot sa paraang di-inaasahan ng nambu-bully. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.”—Kawikaan 15:1.
Magpatawa. Halimbawa, kung tinutukso kang mataba ng isang bully, puwedeng magkibit-balikat ka lang at magsabi, “Siguro nga kailangan kong magpapayat.”
Umalis. “Ang pagtahimik ay nagpapakitang matured ka at na mas matatag ka kaysa sa nang-iinis sa iyo,” ang sabi ng 19-anyos na si Nora. “Ibig sabihin, mayroon kang pagpipigil sa sarili—isang bagay na wala sa nambu-bully.”
Magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. “Nahahalata ng mga bully kung ninenerbiyos ka,” ang sabi ng kabataang si Rita, “at puwedeng samantalahin nila iyon para sirain ang natitira mo pang kumpiyansa.”
Magsumbong. Ayon sa isang surbey, mahigit kalahati ng mga nabu-bully online ay hindi nagrereport nito, marahil dahil sa hiya (lalo na para sa mga lalaki) o takot na gantihan sila. Pero tandaan, gusto ng mga bully na hindi sila isinusumbong. Baka ang pagsusumbong ang unang hakbang para mahinto ang problema.