Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Haharapin ang Kabalisahan?

Paano Ko Haharapin ang Kabalisahan?

 Bakit ka nababalisa?

Nadarama mo ba kung minsan ang mga sumusunod?

“Lagi kong iniisip: ‘Pa’no kung . . . ?’ ‘Pa’no kung maaksidente kami sa kotse?’ ‘Pa’no kung bumagsak ang eroplano namin?’ Nababalisa ako sa mga bagay na hindi naman ikinababalisa ng isang mas makatuwirang tao.”—Charles.

“Lagi akong nababalisa. Para akong hamster na takbo nang takbo sa umiikot na gulong, pero wala namang nararating. Trabaho ako nang trabaho, wala naman akong natatapos!”—Anna.

“Kapag sinasabi sa ’kin ng mga tao na mapalad ako dahil nag-aaral ako, sinasabi ko sa sarili ko, ‘Kung alam lang nila ang hirap ng mag-aral!’”—Daniel.

“Lagi akong nape-pressure. Iniisip ko lagi kung ano naman kaya ang susunod na mangyayari o ang susunod na kailangan kong gawin.”—Laura.

Tandaan: Nabubuhay tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Dahil diyan, bata man o matanda, apektado ng kabalisahan.

 Lagi bang masamang mabalisa?

Hindi. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na tama lang namang mabalisa ang mga tao alang-alang sa mga mahal nila sa buhay.—1 Corinto 7:32-34; 2 Corinto 11:28.

At sa totoo lang—malakas magpakilos ang pagkabalisa. Halimbawa, may eksamen ka sa school sa susunod na linggo. Baka dahil sa pagkabalisa, mapipilitan kang mag-aral sa linggong ito—at dahil diyan, baka makakuha ka ng mataas na grado!

Puwede ka ring maging alisto sa panganib dahil sa pagkabalisa. “Puwede kang mabalisa dahil alam mong mali ang ginagawa mo, at dapat mo itong baguhin para maging payapa ang budhi mo,” ang sabi ng tin-edyer na si Serena.—Ihambing ang Santiago 5:14.

Tandaan: Makatutulong sa iyo ang kabalisahan—basta’t napakikilos ka nito na gawin ang tama.

Pero paano kung dahil sa pagkabalisa, nakulong ka na sa isang maze o pasikot-sikot na daan ng negatibong kaisipan?

Baka dahil sa pagkabalisa, parang nakulong ka na sa isang maze, pero maituturo sa iyo ng isa na may ibang pananaw ang daan palabas

Halimbawa: “Nababalisa ako kapag naiisip ko ang mga puwedeng mangyari sa isang nakaka-stress na sitwasyon,” ang sabi ng 19-anyos na si Richard. “Paulit-ulit kong iniisip ang sitwasyon hanggang sa mabalisa na ako nang husto.”

Sinasabi ng Bibliya na “ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Pero ang kabalisahan ay maaaring magdulot ng di-magagandang sintomas gaya ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng tiyan, at mabilis na pagtibok ng puso.

Ano ang puwede mong gawin kapag ang pagkabalisa ay nakasasamâ sa iyo sa halip na makatulong?

 Ang puwede mong gawin

  •  Alamin kung makatuwiran ang iyong pagkabalisa. “Ang pagkabahala sa mga responsibilidad ay iba sa sobrang pagkabalisa. Naalaala ko tuloy ang kasabihang, Ang kabalisahan ay parang silyang tumba-tumba. Ugoy ka nang ugoy, wala ka namang nararating.”—Katherine.

    Sabi ng Bibliya: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?”—Mateo 6:27.

    Ang ibig sabihin: Kapag hindi ka natutulungan ng pagkabalisa para makahanap ng solusyon, makadaragdag lang ito sa iyong problema—o magiging problema mo mismo.

  • Harapin nang paisa-isa ang bawat araw. “Pag-isipang mabuti. Ang ikinababalisa mo ba ngayon ay ikababalisa mo rin bukas? sa isang buwan? sa isang taon? o sa susunod na limang taon?”—Anthony.

    Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.”—Mateo 6:34.

    Ang ibig sabihin: Hindi tamang problemahin ngayon ang iniisip mong magiging problema bukas—na baka nga ang ilan dito ay hindi naman talaga maging problema.

  •  Hayaan na lang ang mga bagay na hindi mo na mababago. “Ang pinakamabuting magagawa mo ay paghandaan ang mga sitwasyon hangga’t maaari, pero tanggapin mo ang katotohanan na may mga sitwasyong hindi mo kayang kontrolin.”—Robert.

    Ang sabi ng Bibliya: “Ang takbuhan ay hindi sa matutulin, . . . ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11.

    Ang ibig sabihin: Kung minsan, hindi mo na kayang baguhin ang kalagayan mo, pero mababago mo ang pananaw mo rito.

  •  Magkaroon ng tamang pananaw. “Nakita kong dapat ko munang intindihin ang buong sitwasyon, at huwag ma-stress sa mga detalye. Kailangan kong tiyakin ang mga bagay na mas mahalaga at pagsikapang gawin ’yon.”—Alexis.

    Sinasabi ng Bibliya: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’—Filipos 1:10.

    Ang ibig sabihin: Ang mga taong may tamang pananaw sa kabalisahan ay hindi madaraig nito.

  •  Makipag-usap. “Noong grade six ako, umuuwi akong balisang-balisa pagkagaling sa school. Takót na takót kasi ako para sa susunod na araw. Nakikinig naman ang nanay at tatay ko habang nagkukuwento ako. Buti na lang nandiyan sila. Nagtitiwala ako sa kanila at nasasabi ko lahat ang gusto kong sabihin. Natulungan ako nitong harapin ang susunod na araw.”—Marilyn.

    Ang sabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.”—Kawikaan 12:25.

    Ang ibig sabihin: Baka makapagbigay ng praktikal na mga mungkahi ang iyong magulang o kaibigan kung paano mababawasan ang pagkabalisa mo.

  •  Manalangin. “Ang pananalangin—lalo na kung inilalakas ko ito para marinig ko—ay nakakatulong sa ’kin. Nasasabi ko nang malakas ang ikinababalisa ko sa halip na basta isipin lang nang isipin ’yon. Nakatulong din ito sa akin para ma-realize kong mas malakas si Jehova kaysa sa kabalisahan ko.”—Laura.

    Ang sabi ng Bibliya: ‘Ihagis ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’—1 Pedro 5:7.

    Ang ibig sabihin: Hindi komo nananalangin tayo, malulutas na natin ang ating mga problema. Ito’y isang aktuwal na pakikipag-usap sa Diyos na Jehova na nangangako: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.”—Isaias 41:10.