TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Haharapin ang Aking mga Pagkakamali?
Ano ang gagawin mo?
Basahin ang karanasan ni Karina, at isiping sa iyo nangyayari iyon. Ano ang gagawin mo?
Karina: “Sobrang bilis ng pagmamaneho ko papuntang iskul, kaya pinara ako ng pulis at tiniketan. Inis na inis ako! Ikinuwento ko ’yon kay Mommy, at ang sabi niya, ipagtapat ko raw ’yon kay Daddy. Ayoko nga!”
Ano ang gagawin mo?
Opsyon A: Manahimik, at umasang sana’y hindi iyon malaman ng daddy mo.
Opsyon B: Ikuwento sa daddy mo ang buong pangyayari.
Baka matukso kang piliin ang Opsyon A. Tutal, baka iniisip ng mommy mo na nagtapat ka na sa daddy mo. Pero may magagandang dahilan kung bakit dapat mong aminin ang iyong mga pagkakamali—tungkol man ito sa tiket o sa iba pang bagay.
Tatlong dahilan kung bakit dapat aminin ang iyong mga pagkakamali
1. Dahil ito ang tamang gawin. Sinabi ng Bibliya ang pamantayan para sa mga Kristiyano: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
“Sinisikap kong maging tapat at maging responsable sa mga ginagawa ko—at umamin agad kapag nagkamali ako.”—Alexis.
2. Dahil mas mapapatawad ng iba ang mga umaamin sa kanilang mga pagkakamali. Sabi ng Bibliya: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.”—Kawikaan 28:13.
“Kailangan ang lakas ng loob para maamin ang pagkakamali, pero sa gano’ng paraan mo nakukuha ang tiwala ng iba. Nakikita nilang tapat ka. Kapag inaamin mo ang iyong pagkakamali, nagiging maganda ang isang bagay na di-maganda.”—Richard.
3. Higit sa lahat, dahil ito ang gusto ng Diyos na Jehova. Sabi ng Bibliya: “Ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.”—Kawikaan 3:32.
“Nang makagawa ako ng isang mabigat na pagkakamali, naisip kong kailangan ko itong ipagtapat. Alam kong hindi ako pagpapalain ni Jehova kung hindi ko gagawin ang gusto niya.”—Rachel.
Balikan natin si Karina. Ano ang ginawa niya? Inilihim niya sa daddy niya ang tungkol sa tiket. Pero nabisto rin siya. “Lumipas ang isang taon,” ang sabi ni Karina, “may hinahanap si Daddy sa insurance record namin at napansin niya ang tiket na ’yon. Bistado ako! Kahit si Mommy, galít na galít kasi hindi ko siya sinunod!”
Ang aral: Sabi ni Karina: “Kapag inililihim mo ang iyong pagkakamali, lalo ka lang mamomroblema. Pagbabayaran mo rin ’yon sa bandang huli!”
Kung paano matututo sa iyong mga pagkakamali
Lahat tayo ay nagkakamali. (Roma 3:23; 1 Juan 1:8) At tanda ng pagpapakumbaba at pagiging may-gulang ang pag-amin sa mga pagkakamali—at paggawa nito agad-agad.
Pagkatapos, matuto mula sa iyong mga pagkakamali. Nakalulungkot, hindi ito ginagawa ng ilang kabataan! Baka kapareho sila ni Priscilla. Sabi niya: “Dati, nadedepres ako tuwing magkakamali ako. Mababa kasi ang tingin ko sa sarili ko, kaya ’pag nagkamali ako, para itong napakabigat na pasanin na hindi ko kayang dalhin. Iniisip-isip ko ito at parang wala na akong silbi.”
Ganiyan din ba ang nadarama mo paminsan-minsan? Kung oo, tandaan ito: Kung lagi mong iisipin ang nagawa mong pagkakamali, para kang nakatutok sa rearview mirror habang nagmamaneho. Madarama mo lang na wala kang halaga at dahil dito, mahihirapan kang harapin ang mga hamon na darating sa buhay mo.
Bakit hindi mo subukang magkaroon ng mas balanseng pananaw?
“Isipin ang iyong mga pagkakamali, at matuto sa mga ito para hindi mo na ito ulitin. Pero huwag naman sobra dahil baka panghinaan ka na ng loob.”—Elliot.
“Kapag nagkakamali ako, iniisip ko kung ano ang dapat kong matutuhan dito para maging mas mabuting tao ako, at kung ano ang gagawin ko ’pag napaharap uli ako sa gano’ng sitwasyon. Mas okey ’yon kasi natututo ka.”—Vera.