Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Ipaliliwanag ang Aking Paniniwala Tungkol sa Sex?

Paano Ko Ipaliliwanag ang Aking Paniniwala Tungkol sa Sex?

“Ha? Virgin ka pa rin?”

Kung sasagutin mo iyan ng oo, gusto mo bang masabi iyon nang may kumpiyansa? Matutulungan ka ng artikulong ito!

 Ano ang ibig sabihin ng virgin?

Ang virgin ay isa na hindi pa kailanman nakipagtalik.

Pero siyempre, hindi lang naman pakikipagtalik ang maituturing na seksuwal na gawain. Sinasabi ng iba na “virgin” pa sila dahil hindi pa sila nakikipagtalik—kahit nagawa na nila ang lahat maliban doon.

Ang salitang “sex” ay maaaring tumukoy sa mga gawaing tulad ng oral sex, anal sex, o pagma-masturbate sa iba.

Tandaan: Ang mga taong nakaranas nang makipag-sex—kasali ang oral sex, anal sex, o pagma-masturbate sa iba—ay hindi na makapagsasabing virgin pa sila.

 Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sex?

Sinasabi ng Bibliya na ang seksuwal na gawain ay para lang sa lalaki at babae na mag-asawa. (Kawikaan 5:18) Kaya naman, kung gusto ng isa na mapaluguran ang Diyos, dapat siyang umiwas sa seksuwal na gawain hangga’t wala siyang asawa.—1 Tesalonica 4:3-5.

Sinasabi ng ilan na makaluma at hindi na angkop sa ngayon ang pangmalas ng Bibliya. Pero tandaan na laganap sa daigdig ngayon ang diborsiyo, di-inaasahang pagbubuntis, at mga sakit na naililipat sa pagtatalik. Oo, ang daigdig na ito ay walang karapatang magbigay ng payo tungkol sa moralidad!—1 Juan 2:15-17.

Sa totoo lang, makatuwiran ang pamantayang moral ng Bibliya. Para ilarawan: Ipagpalagay nang may nagregalo sa iyo ng $1,000 na cash. Basta mo na lang ba itatapon ang pera sa kahit sinong dumaraan?

Ganiyan din pagdating sa sex. “Ayokong ibigay ang virginity ko sa sinuman na pagdating ng panahon ay baka hindi ko man lang maalala ang pangalan,” ang sabi ng 14-anyos na si Sierra. Sang-ayon diyan si Tammy, 17. “Ang sex ay napakaespesyal na regalo para sayangin,” ang sabi niya.

Tandaan: Ang pag-iingat ng virginity at malinis na paggawi ang pamantayan ng Bibliya para sa mga wala pang asawa.—1 Corinto 6:18; 7:8, 9.

 Ano ang paniniwala mo rito?

  • Sa tingin mo, makatuwiran ba o masyadong istrikto ang pamantayan ng Bibliya tungkol sa sex?

  • Para sa iyo, okey lang bang mag-sex ang di-mag-asawa basta’t nagmamahalan sila?

Matapos nila itong pag-isipang mabuti, napatunayan ng maraming kabataan na ang pag-iingat ng kanilang virginity at malinis na paggawi ang pinakamabuting pasiya. Hindi nila pinagsisisihan ang kanilang desisyon ni nadaramang may kulang sa kanila. Ganito ang sinabi ng ilan:

  • “Natutuwa akong virgin ako! Hindi ako nakakaranas ng mental, pisikal, at emosyonal na sakit na resulta ng premarital sex.”—Emily.

  • “Masaya ako na ’di ako nagbilang ng nakarelasyon, at hindi ako nag-aalala na meron akong STD.”—Elaine.

  • “Sabi ng ilang babaeng kaedad ko o mas matanda sa ’kin, pinagsisisihan daw nilang nakipag-sex sila at sana’y naghintay sila. Ayokong matulad sa kanila.”—Vera.

  • “Marami akong alam na mga taong binabagabag ng pangit na nakaraan dahil sinayang nila ang kanilang virginity o marami silang nakarelasyon. Para sa ’kin, napakasaklap no’n.”—Deanne.

Tandaan: Kailangang malinaw sa iyo ang pinaniniwalaan mo bago ka mapaharap sa panggigipit o tukso na makipag-sex.—Santiago 1:14, 15.

 Paano mo ipaliliwanag sa iba ang paniniwala mo?

Ano ang sasabihin mo kapag kinuwestiyon ng iba ang paniniwala mo tungkol sa sex? Depende iyan sa sitwasyon.

“Kung ang motibo lang nila ay para asarin ako, hindi ako basta tatayo do’n at hahayaan na lang sila. Sasabihin ko, ‘Wala kang pakialam,’ sabay alis.”—Corinne.

“Nakakalungkot, katuwaan na ng ilan sa iskul na mam-bully ng iba. Kung ’yon ang intensiyon nila sa pagtatanong, hindi na lang ako sasagot.”—David.

Alam mo ba? May mga pagkakataong nanahimik si Jesus bilang ‘sagot’ sa mga manunuya.—Mateo 26:62, 63.

Pero paano kung seryoso naman ang nagtatanong sa iyo? Kung sa tingin mo’y may paggalang naman siya sa Bibliya, puwede mong ipabasa ang tekstong gaya ng 1 Corinto 6:18, na nagsasabing ang taong nakikipag-sex nang hindi pa kasal ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan, o pinipinsala ito.

Gumamit ka man ng Bibliya o hindi, mahalagang magsalita nang may kumpiyansa. Tandaan, maipagmamalaki mo na pinili mong manatiling malinis sa moral.—1 Pedro 3:16.

“Kapag sumasagot ka nang may kumpiyansa, ipinapakita mong sigurado ka sa paniniwala mo at na ginagawa mo ’yon dahil ’yon ang tama, hindi dahil iyon ang sinabi sa iyong gawin mo.”—Jill.

Tandaan: Kapag sigurado ka sa paninindigan mo tungkol sa sex, maipaliliwanag mo ito sa iba. At baka magulat ka sa magiging reaksiyon nila. “Ang totoo, hanga ang mga katrabaho ko sa ’kin dahil iniingatan ko ang virginity ko,” ang sabi ng 21-anyos na si Melinda. “Hindi ito weird para sa kanila, kundi palatandaan ng pagpipigil sa sarili at mataas na moralidad.”

Tip! Kung kailangan mo ng tulong para makapanindigan ka sa iyong paniniwala tungkol sa sex, i-download ang worksheet na “Kung Paano Ipaliliwanag ang Iyong Paniniwala Tungkol sa Sex.” Tingnan din ang aklat na Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas.

  •   Ang Kabanata 24 ng Tomo 1 ay may pamagat na “Makakatulong Kaya sa Relasyon Namin ang Sex?”

  •   Ang Kabanata 5 ng Tomo 2 ay may pamagat na “Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?”

“Gustong-gusto ko ang pangangatuwiran sa mga aklat na ‘Tanong ng mga Kabataan.’ Halimbawa, ipinakikita sa pahina 187 ng Tomo 1 na kung makikipag-sex ka nang hindi ka pa kasal, parang basta mo na lang ipinamimigay ang isang mamahaling kuwintas. Pinabababa mo ang iyong halaga. Ipinakikita naman sa pahina 177 na kapag nakipag-sex ka nang hindi pa kasal, parang ginawa mong basahan ang isang obra maestra. Pero ang paborito ko ay y’ong nasa pahina 54 ng Tomo 2. Sabi sa kapsiyon: ‘Ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay gaya ng palihim na pagbubukas ng regalo bago pa man ito maibigay sa iyo.’ Para bang ninanakaw mo ang isang bagay na pag-aari ng iba—ng iyong magiging asawa.”—Victoria.