TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Maiiwasan ang Pagpapaliban-liban?
Lagi ka na lang bang naghahabol ng oras para tapusin ang mga gawain sa bahay at sa iskul dahil ipinagpapaliban mo ang mga ito? Kailangan mo nang magbago! Ang artikulong ito ay tutulong sa iyo na huwag magpaliban-liban kahit
Pagkatapos basahin ang artikulong ito, sagutan ang quiz tungkol sa pagpapaliban-liban.
Ganito inilalarawan ng Bibliya ang di-mabuting resulta ng pagpapaliban-liban: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.”—Eclesiastes 11:4.
Isaalang-alang ang ilang bagay na posibleng maging dahilan ng problema at kung ano ang puwede mong gawin para huwag ka nang magpaliban-liban.
Parang napakahirap para sa iyo ng isang gawain.
Totoo, may mga gawain na napakahirap gawin kaya mas madaling ipagpaliban muna iyon. Pero narito ang ilang mungkahi.
Hatiin ang gawain sa maliliit na bahagi. “Kahit alam kong huli na ako sa iskedyul, sinisikap ko pa ring makahabol kahit paunti-unti,” ang sabi ng kabataang si Melissa.
Magsimula agad. “Pagkatanggap pa lang ng atas, simulan mo na ito agad—kahit isulat mo lang muna iyon sa listahan ng mga gagawin mo o kaya’y isulat ang ilang ideyang nasa isip mo para hindi mo iyon makalimutan.”—Vera.
Humingi ng tulong. Baka napaharap na rin sa ganiyang hamon ang iyong mga magulang o mga adultong kapamilya o kaibigan. Puwede kang matuto sa karanasan nila. Posibleng makatulong sila sa iyo para maorganisa mo ang iyong mga ideya at makagawa ng plano.
Tip “Gumawa ng iskedyul. Totoo, kailangan mong maging organisado at determinado sa pagsunod sa iyong iskedyul, pero epektibo ito—matatapos mo ang lahat nang nasa oras.”—Abbey.
Hindi ka interesadong gawin iyon.
Kadalasan, kasali sa mga bagay na kailangan mong gawin ang mga gawaing hindi ka interesado. Kung gayon, ano ang puwede mong gawin? Subukan ang mga sumusunod.
Mag-isip ng dahilan kung bakit dapat itong gawin agad. Halimbawa, isipin ang ginhawang mararamdaman mo kapag natapos mo ang isang gawain. “Ang sarap ng pakiramdam kapag natapos ko sa oras ang ginagawa ko o kaya’y natapos ko ito nang mas maaga, kasi makakarelaks na ako,” ang sabi ng kabataang si Amy.
Isipin ang magiging resulta. Kung ipagpapaliban mo ang iyong gagawin, lalo ka lang mai-stress at lalong hindi mo iyon matatapos. Ang sabi ng Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
Isipin na mas maaga ang deadline. “Nakakatulong sa akin kapag iniisip kong mas maaga ng isa o dalawang araw ang deadline ng ginagawa ko,” ang sabi ng kabataang si Alicia. “Kaya may isa o dalawang araw pa ako para i-check uli iyon.”
Tip “Depende iyan sa saloobin mo. Sabihin mo sa iyong sarili na gagawin mo ang kailangan mong matapos at na walang makahahadlang sa iyo. Kapag sinasabi ko iyan sa sarili ko, nagagawa ko ang dapat kong gawin.”—Alexis.
Marami ka nang ginagawa.
“Madalas sinasabi ng mga tao na mahilig akong magpaliban-liban,” ang sabi ng kabataang si Nathan, “pero unfair ’yon! Hindi nila alam na napakarami kong ginagawa!” Kung ganiyan din ang nadarama mo, subukan ang mga tip na ito.
Unahin ang mas madali. “May nagsabi sa akin na kung matatapos mo ang isang gawain nang wala pang limang minuto, dapat gawin mo na agad iyon,” ang sabi ng kabataang si Amber. “Kasama diyan ang pagliligpit ng mga gamit o damit, paghuhugas ng pinggan, at pagtawag sa telepono.”
Magtakda ng mga priyoridad. Sabi ng Bibliya: ‘Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Paano mo gagawin iyan sa araw-araw? “May listahan ako ng lahat ng gagawin ko pati na ng deadline ng mga ito,” ang sabi ng kabataang si Anna. “Ang pinakaimportante, isinusulat ko kung kailan ko planong simulan at tapusin ang bawat gawain.”
Hindi ba parang sobra naman iyan? Pag-isipan ito: Kapag may iskedyul ka, kontrolado mo ang panahon mo sa halip na ikaw ang kontrolin nito. At nakakabawas iyan ng stress. “Maganda ang may iskedyul, kasi hindi ako nag-aalala at alam ko kung ano ang dapat kong unahin,” ang sabi ng kabataang si Kelly.
Huwag magpagambala. “Sinasabi ko sa lahat ng kasama ko sa bahay kung kailan ko sisimulan ang isang gawain,” ang sabi ni Jennifer. “Kung may ipagagawa man sila sa akin, sinasabi ko sa kanila na sabihin na iyon bago pa ako magsimula. Ino-off ko rin ang phone ko at e-mail alert.”
Tip “Kung may kailangan kang gawin, hindi matatapos iyon hangga’t hindi mo iyon ginagawa. Sa halip na maging álalahanín mo pa iyon, gawin mo na. Tapos, makakarelaks ka na.”—Jordan.