TANONG NG MGA KABATAAN
Kumusta ang Hitsura Ko?
Bakit dapat mong pag-isipan ang isinusuot mo? Dahil ang mga damit ay may ibinibigay na impresyon. Anong impresyon ang ibinibigay ng iyong damit tungkol sa iyo?
Tatlong malalaking pagkakamali tungkol sa usong damit at kung paano ito maiiwasan
Pagkakamali #1: Hayaang media ang magdikta sa iyo kung ano ang dapat na maging hitsura mo.
“Kung minsan, naeengganyo ako sa isang uso dahil ang dami kong nakikitang advertisement tungkol doon,” ang sabi ng tin-edyer na si Theresa. “Kapag puro mga taong nakasuot ng gano’n ang iniisip mo, napakahirap na hindi makiuso sa kanila.”
Hindi lang mga babae ang apektado ng advertisement. “Pati mga lalaki ay mahilig din sa uso,” ang sabi ng aklat na The Everything Guide to Raising Adolescent Boys. “Kahit napakabata pa nila, pinupuntirya na sila ng mga negosyante.”
Mas magandang gawin: Ang sabi ng Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kaayon ng simulaing iyan, matutong suriin ang mga nakikita mo sa advertisement. Halimbawa, kapag nakakita ka ng advertisement ng damit na itinuturing na “sassy,” “hot,” o “sexy,” tanungin ang sarili:
‘Sino ba talaga ang nakikinabang kung susunod ako sa usong iyan?’
‘Anong lifestyle ang ipinakikita ko dahil sa pagsunod sa usong iyan?’
‘Ipinakikita ba ng lifestyle na iyan kung sino talaga ako at kung ano ang pamantayang sinusunod ko?’
Fashion tip: Sa loob ng isang linggo, tingnan mong mabuti ang mga advertisement ng damit at ang ibang media na nakapokus sa uso. Anong lifestyle ang pinauuso ng mga iyan? May mga pang-engganyo ba silang ginagawa para madama mong kailangan mong sumunod sa isang uso? “Napakatindi ng pressure na gawing perfect ang hitsura mo, perfect ang bihis mo, at ipagmalaki ang ‘perfect’ na katawan mo,” ang sabi ng tin-edyer na si Karen. “Ang mga kabataan ang madaling matarget ng mga advertiser na nakaaalam niyan.”
Pagkakamali #2: Gayahin ang isang popular na hitsura para lang makiuso.
“Kapag nauso ang isang istilo ng damit,” ang sabi ng tin-edyer na si Manuel, “iyon na ang isusuot ng lahat. Kapag hindi iyon ang suot mo, pipintasan ka ng mga tao.” Sang-ayon diyan ang tin-edyer na si Anna. “Para sa iba, kahit ano pa ang uso, ang mahalaga ay makiuso ka,” ang sabi niya.
Mas magandang gawin: Ang sabi ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.” (Roma 12:2) Kaayon ng payong iyan, tingnan mo ang iyong mga damit at tanungin ang sarili:
‘Ano ang nakaiimpluwensiya sa pagpili ko ng mga damit?’
‘Gaano kaimportante sa akin ang mga damit na branded?’
‘Gusto ko lang bang pahangain ang mga tao sa pananamit ko?’
Fashion tip: Sa halip na dalawang opsyon lang ang pagpilian—uso (at gusto) o lipas na sa uso (at di-gusto)—idagdag ang ikatlo: may kumpiyansa sa sarili at panatag. Habang nagkakaroon ka ng kumpiyansa, nababawasan ang nararamdaman mong pressure na makiuso.
Pagkakamali #3: Iniisip mong ‘mas sexy, mas maganda.’
“Sa totoo lang, nakakatuksong magsuot ng damit na medyo sexy, gaya ng mga damit na sobrang ikli o sobrang hapít sa katawan,” ang pag-amin ni Jennifer.
Mas magandang gawin: Ang sabi ng Bibliya: “Ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas . . . kundi ang lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:3, 4) Kaayon ng payong iyan, pag-isipan kung ano ang mas kaakit-akit—magandang damit o magandang ugali.
Fashion tip: Ang pinakamaganda mong ‘fashion accessory’ ay kahinhinan. Totoo, ang salitang ito ay hindi na popular ngayon. Pero pag-isipan ito:
May nakausap ka na bang tao na masyadong makuwento tungkol sa kaniyang sarili? Nakalulungkot, malamang na wala siyang kamalay-malay na naiinis ka na sa kaniya!
Kapag di-mahinhin ang suot mo, gaya ka rin ng taong iyon. Para bang sinasabi ng suot mo, ‘tingnan n’yo ako,’ at nagmumukha kang insecure o makasarili—o pareho. Nagmumukha ka ring desperado sa anumang uri ng atensiyon—kahit masamang uri pa nga.
Imbes na magkaroon ng maling impresyon sa iyo ang iba, subukan mong maging mahinhin. “Hindi naman komo mahinhin ka ay magdadamit ka nang parang lola mo,” ang sabi ng tin-edyer na si Monica. “Ang ibig sabihin lang, iginagalang mo ang iyong sarili at ang mga nasa paligid mo.”