Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung Laging Mababa ang Grades Ko sa School?

Paano Kung Laging Mababa ang Grades Ko sa School?

“May mga kaklase akong nakaupo lang sa klase, walang libro, naka-headphone, at nakikinig lang sa music habang nagtuturo ang teacher. ’Tapos magtataka sila kung bakit mababa ang grades nila? Pero may mga kagaya ko na ginagawa ang lahat, nagsusunog ng kilay, pero mababa pa rin ang grades. ’Di ko alam kung bakit nangyayari ’yon. Nakakasamâ ng loob na isang linggo akong nagpuyat para mag-aral, pero mababa pa rin ang grades ko.”​—Yolanda.

Nakaka-relate ka ba kay Yolanda? Nakakawala talaga ng ganang mag-aral kapag mababa ang grades mo.

May ilang kabataan na sumuko nang pataasin ang grades nila. Ang iba naman, huminto na lang sa pag-aaral. Kahit na parang nakakaengganyong gawin iyan, may mas magandang solusyon sa problema. Tingnan ang anim na bagay na puwede mong gawin para mapataas ang grades mo.

 Ang puwede mong gawin

  • Laging pumasok sa klase. Baka isipin mong napakasimpleng solusyon naman niyan, pero kung madalas kang wala sa klase, maaapektuhan niyan ang grades mo.

    “Sa school, y’ong mga walang pakialam sa grades ang madalas absent sa klase, at sila rin ang nahihirapan bandang huli.”​—Matthew.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”​—Galacia 6:7.

  • Sulitin ang pagpasok mo sa klase. Totoo, malaking tulong na agad kapag nandoon ka, pero mas makikinabang ka kung gagawin mo ang lahat para matuto. Mag-notes ka. Sikaping unawain ang itinuturo ng teacher mo. Huwag mahiyang magtanong kung puwede naman.

    “Madalas akong magtanong sa klase. Napansin ko kasi na mas nagpapaliwanag ang teacher kapag nakita niyang hindi naiintindihan ng estudyante ang itinuturo niya.”​—Olivia.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.”​—Lucas 8:18.

  • Huwag mandaya. Hindi ka tapat kapag nandaraya ka. Maraming paraan ng pandaraya sa school. Isa na riyan ang pagkopya sa ginawa ng kaklase mo. Bukod sa pagiging di-tapat, hindi ka rin nito natutulungang matuto.

    “Kapag hindi mo alam ang sagot, huwag mangopya sa kaklase mo. Kapag nangongopya ka, hindi mo tinutulungan ang sarili mo. Sinasanay mo lang ang sarili mo na umasa sa iba, imbes na matutong mag-isip ng sariling solusyon.”​—Jonathan.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Pagbutihin mo ang sarili mong gawain, para may maipagmalaki ka.”​—Galacia 6:4, Contemporary English Version.

  • Unahin ang assignment mo. Kung posible, tapusin mo muna ang mga assignment mo bago ang ibang mga gawain—lalo na ang paglilibang. a Kasi kapag tinapos mo muna ang mga assignment mo, mas mae-enjoy mo ang paglilibang!

    “Lagi kong inuuna ang mga assignment ko, at ang laki ng epekto nito sa grades ko. Pagkauwi ko sa bahay, natutukso akong umidlip o makinig ng music. Pero sinisikap kong tapusin muna ang mga assignment. Pagkatapos, saka ako magrerelaks.”​—Calvin.

    Prinsipyo sa Bibliya: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”​—Filipos 1:10, talababa.

  • Magpatulong. Huwag mahiyang magpatulong sa iba. Humingi ng payo sa mga magulang mo. Tanungin ang teacher mo kung paano mo mapapataas ang grades mo. Minsan, baka puwede kang magpaturo sa iba.

    “Kausapin ang teacher mo. Magpatulong sa kaniya para mas maintindihan mo ang pinag-aaralan mo at para mapataas ang grades mo. Malamang na matuwa siya kapag nakita niyang gusto mo talagang pumasa at tutulungan ka niya.”​—David.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Nagtatagumpay [ang plano] kapag marami ang tagapayo.”​—Kawikaan 15:22.

  • Maghanap ng paraan para mapataas ang grades mo. Sa ilang bansa, may mga bonus question sa exam. O baka puwede kang humingi ng special project. Kung bumagsak ka sa exam, baka puwede kang humingi ng retake.

    Ang pagpapataas ng grades ay parang pag-aaral tumugtog ng isang instrumento. Hindi iyon madali, pero sulit ang pagsisikap mo

    “Kung gusto kong mapataas ang grades ko, ako ang dapat kumilos. Tinatanong ko ang teacher kung puwede akong gumawa ng special project, o kung puwede kong ulitin ang project ko para tumaas ang grades ko.”​—Mackenzie.

    Prinsipyo sa Bibliya: “May pakinabang sa bawat pagsisikap.”​—Kawikaan 14:23.

a Para sa mga tip sa pag-aaral, tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Kabataan . . . Paano Ko Tatapusin ang mga Assignment Ko?