Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?

Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?

 Nakaka-stress sa mga kabataan kapag naghiwalay ang mga magulang nila. Ano ang magagawa mo para makayanan ang sitwasyong ito?

Sa artikulong ito

 Tatlong bagay na dapat mong iwasan

 1. Sisihin ang sarili

 “Sinabi ni Mommy na nagsimula y’ong mga problema nila ni Daddy no’ng ipinanganak ako. Kaya naisip ko na ako y’ong dahilan kung bakit sila naghiwalay.”—Diana.

 Tandaan: Hindi ikaw ang dahilan kung bakit sila naghiwalay. Nangyari iyon dahil may problema silang mag-asawa. Hindi mo masosolusyunan ang mga problemang hindi naman ikaw ang dahilan. Sila ang dapat umayos sa mga problema nila bilang mag-asawa.

 “Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.”—Galacia 6:5.

 2. Magkimkim ng sama ng loob

 “Galit na galit ako kay Daddy dahil niloko niya si Mommy. Siguro kahit ano’ng gawin niya, mahihirapan akong magtiwala uli sa kaniya.”—Rianna.

 Tandaan: Baka nagagalit ka o naiinis dahil sa nangyari sa mga magulang mo, at normal naman iyon. Pero hindi makakabuti sa iyo ang pagkikimkim ng sama ng loob. Makakasamâ iyon sa iyo sa pisikal at emosyonal na paraan. Kaya sinasabing parang pag-inom ng lason ang pagkikimkim ng sama ng loob—ikaw ang umiinom, pero iniisip mong iba ang mapapahamak. a

 “Alisin mo ang galit at huwag ka nang magngalit.”—Awit 37:8.

 3. Isiping hindi ka magkakaroon ng masayang pag-aasawa

 “Natatakot ako na baka magawa ko rin y’ong nagawa ni Papa. Baka kapag nag-asawa ako at nagkaroon ng mga anak, magawa ko y’ong mga naging dahilan kung bakit nag-divorce ang mga magulang ko.”—Jessica.

 Tandaan: Hindi porke nabigo ang pagsasama ng mga magulang mo, magiging bigo rin ang pag-aasawa mo. Ang totoo, may matututuhan ka sa naranasan ng mga magulang mo. Halimbawa, kapag naghahanap ka ng mapapangasawa, mas susuriin mong mabuti ang mga katangian niya. Makakatulong din ang pinagdaanan ng mga magulang mo para mas magsikap ka na magkaroon ng mga katangian ng isang mabuting asawa.

 “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.”—Galacia 6:4.

Parang pagpapagaling sa nabaling buto ang pagtanggap sa paghihiwalay ng mga magulang mo. Masakit iyan ngayon, pero gagaling din paglipas ng panahon

 Tatlong bagay na puwede mong gawin

 1. Makipag-usap. Kapag madalas na hindi sinasabi ng isa ang mga negatibong nararamdaman niya, mas malaki ang posibilidad na makagawa siya ng mga bagay na ikakapahamak niya, gaya ng pag-abuso sa alak o droga. Imbes na gawin ang mga iyan, subukan ang mga ito:

 Makipag-usap sa mga magulang mo. Kung sinasabi sa iyo ng magulang mo ang maraming bagay tungkol sa problema nilang mag-asawa, o gusto nilang may kampihan ka, ipaliwanag sa mahinahong paraan kung paano ito nakakaapekto sa iyo. Kung nahihirapan kang kausapin sila nang personal, puwede kang gumawa ng sulat para sa kanila.

 Makipag-usap sa mapagkakatiwalaang kaibigan. Napakalaking tulong kapag may isa na handang makinig sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.

 Makipag-usap sa iyong Maylalang. Laging handang makinig sa iyo ang Diyos na Jehova. Siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Sinasabi ng Bibliya na puwede mong ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa iyo.’—1 Pedro 5:7.

  •   Sino sa mga magulang mo ang puwede mong makausap nang mahinahon?

  •   Sino sa mapagkakatiwalaang mga kaibigan mo (kaedad o mas matanda) ang makakatulong sa iyo na makapagtiis?

  •   Anong mga problema ang puwede mong ipanalangin?

 2. Mag-adjust

 Dahil sa paghihiwalay ng mga magulang mo, baka magkaroon ng pagbabago sa buhay mo—bagong bahay, school, lifestyle, o mga kaibigan pa nga. Posibleng ma-stress ka sa mga iyan at baka maramdaman mong nasira ang buhay mo. Ano ang makakatulong sa iyo para mas madali kang makapag-adjust? Sikaping magpokus sa bago mong kalagayan.

  •   Ano ang pinakamalaking pagbabago na ginawa mo dahil sa paghihiwalay ng mga magulang mo?

  •   Ano ang mga puwede mong gawin para makapag-adjust sa pagbabagong iyon?

 “Natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.”—Filipos 4:11.

 3. Tingnan ang magagandang katangian mo

 Posibleng ma-stress ka talaga kapag naghiwalay ang mga magulang mo, pero puwede rin itong makatulong sa iyo na makita ang magagandang katangian mo. At baka nga may ma-develop ka pang bagong katangian. “Nang mag-divorce ang mga magulang ko, naging mas responsable ako,” ang sabi ni Jeremy. Naghiwalay ang mga magulang niya noong 13 siya. “Mas matanda ako sa isa ko pang kapatid, kaya kailangan kong tulungan si Mommy at y’ong kapatid ko.”

Kailangan mong maging mas responsable kapag nag-divorce ang mga magulang mo

  •   Dahil sa nangyari sa mga magulang mo, anong mga katangian ang nadiskubre mo sa sarili mo?

  •   Anong mga ugali ang gusto mong mapasulong?

 “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa . . . pagtutuwid.”—2 Timoteo 3:16.

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Paano Ko Makokontrol ang Aking Galit?