Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Magkaibigan o Nagkakáibigán?—Bahagi 2: Anong mga Senyales ang Ibinibigay Ko?

Magkaibigan o Nagkakáibigán?—Bahagi 2: Anong mga Senyales ang Ibinibigay Ko?

Gusto mong available ka lagi kapag kailangan ng kaibigan mo ng kausap. Pero nitong mga nakaraan, napapadalas ang pakikipag-usap mo sa isang kaibigan. Ang problema, hindi mo siya kasekso. ‘Magkaibigan lang kami,’ ang sabi mo sa iyong sarili, at iniisip mong ganoon din ang tingin niya. May dapat ka bang ipag-alala?

 Ang puwedeng mangyari

Hindi masamang magkaroon ng mga kaibigang di-kasekso. Pero paano kung nagiging mas malapít ka na sa isa sa kanila? Baka isipin niyang higit pa sa pagkakaibigan ang gusto mo.

Iyon ba talaga ang gusto mo? Tingnan ang ilang paraan kung paano iyon puwedeng mangyari, kahit hindi mo sinasadya.

  • Masyado mo siyang binibigyan ng atensiyon.

    “Hindi mo kayang kontrolin ang damdamin ng iba, pero hindi ka rin dapat kumilos na mabibigyan ng kulay. Sinasabi mong magkaibigan lang kayo, ’tapos tawag ka naman nang tawag sa kaniya.”—Sierra.

  • Ine-entertain mo ang atensiyong ibinibigay niya sa iyo.

    “Hindi ako ang unang nag-text, pero lagi akong nagre-reply sa mga text ng isang babae. Nahirapan tuloy akong ipaliwanag sa kaniya na kaibigan lang ang tingin ko sa kaniya.”—Richard.

  • Nagpapapansin ka sa kaniya.

    “Para sa ilan, ang flirting ay isang laro. Pinaglalaruan lang nila ang feelings ng iba dahil wala naman silang planong magkaroon ng kasintahan. Marami na akong nakitang gano’n, at laging may nasasaktan.”—Tamara.

Tandaan: Ang regular na pakikipag-usap at pagbibigay ng atensiyon ay senyales na may gusto ka.

 Bakit ito mahalaga?

  • May nasasaktan.

    Sinasabi ng Bibliya: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Ano ba ang iisipin mo kung may laging nagpapakita sa iyo ng mga senyales na may gusto siya?

    “Kapag pinapaasa mo ang isa, para siyang isdang nabingwit mo pero ayaw mong alisin sa kawil. Kung wala ka namang gusto sa isang tao pero pinapaasa mo siya, masyado siyang masasaktan.”—Jessica.

  • Makakasira ito sa iyong reputasyon.

    Sinasabi ng Bibliya: “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Ano ang iisipin mo sa isang tao na sariling kapakanan lang ang iniintindi? Ano kaya ang epekto nito sa reputasyon niya?

    “Hindi ko type ang lalaking flirt. At ang flirting ay senyales na baka hindi maging tapat ang isa kapag may asawa na siya. Ginagamit niya lang ang isang tao para tumaas ang tingin niya sa sarili, at selfish ’yon.”—Julia.

Tandaan: Ang mga taong walang planong makipagkasintahan pero nagpapaasa o nagpi-flirt ay nakakasakit ng damdamin ng iba at ng sarili nila.

 Ang magagawa mo

  • Sinasabi ng Bibliya na pakitunguhan ang “nakababatang lalaki gaya ng sa mga kapatid na lalaki” at ang “mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Kung susundin mo ang pamantayang iyan, maiingatan mo ang kaugnayan mo sa mga kaibigan mong hindi kasekso.

    “Kapag may asawa na ako, hindi ako makikipag-flirt sa asawa ng iba. Kaya habang single ako, magandang magsanay na akong maging maingat sa pakikitungo sa mga hindi kasekso.”—Leah.

  • Ipinapakita ng Bibliya na dahil “sa karamihan ng mga salita,” posibleng magkamali ang isa. (Kawikaan 10:19) Totoo iyan hindi lang sa pag-uusap kundi pati na sa pagte-text—kasama na kung gaano ito kadalas at kung ano ang itini-text.

    “Hindi mo kailangang i-text ang isang babae araw-araw kung wala ka namang planong ligawan siya.”—Brian.

  • Sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis.” (Santiago 3:17) Ang pagyakap ay senyales ng pagmamalasakit—o senyales din na may gusto ang isa.

    “Kapag nakikipag-usap ako, palakaibigan ako pero may distansiya pa rin.”—Maria.

Tandaan: Tingnang mabuti kung paano ka nakikitungo sa mga hindi kasekso. “Hindi madaling makakita ng mabubuting kaibigan,” ang sabi ng tin-edyer na si Jennifer, “kaya hindi ka magbibigay ng maling impresyon para hindi masira ang pagkakaibigan n’yo.”

 Tip

  •   Huwag bale-walain ang sinasabi ng iba. Kapag may nagtanong, “Kayo na ba ni . . . ?” baka ipinakikita noon na masyado na kayong close.

  •   Tratuhin nang pantay-pantay ang mga kaibigang di-kasekso. Huwag mong tratuhin nang mas espesyal ang isang kaibigan mo kaysa sa iba.

  • Maging maingat sa pagte-text. Isipin kung gaano ka kadalas mag-text, ano ang laman ng text mo, at anong oras ka nagte-text. “Hindi ka dapat nagte-text nang hatinggabi sa isang hindi kasekso,” ang sabi ng kabataang si Alyssa.