TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa mga Video Game?
Quiz tungkol sa video game
Sa United States, kung saan ang mga video game ay isang negosyong pinagkakakitaan nang bilyon-bilyong dolyar . . .
Ano ang average na edad ng mga naglalaro ng video game?
18
30
Ilang porsiyento ng lalaki at babae ang naglalaro ng video game?
55 porsiyento ang lalaki; 45 porsiyento ang babae
15 porsiyento ang lalaki; 85 porsiyento ang babae
Sa dalawang grupong ito, sino ang mas nakararami sa mga naglalaro ng video game?
Mga babaeng edad 18 pataas
Mga lalaking edad 17 pababa
Sagot (batay sa data noong 2013):
B. 30.
A. 45 porsiyento—halos kalahati—ng lahat ng naglalaro ay mga babae.
A. 31 porsiyento ng mga naglalaro ay mga babaeng edad 18 pataas, samantalang 19 na porsiyento naman ang mga lalaking edad 17 pababa.
Sa mga statistic na iyan, magkakaideya ka kung sino ang naglalaro ng mga video game. Pero hindi nito sinasabi ang mabuti o masamang epekto sa iyo ng mga video game.
Ang mabuti
Alin sa sumusunod na mga komento tungkol sa video game ang sinasang-ayunan mo?
“Masaya itong pang-bonding ng magkakapamilya at magkakaibigan.”—Irene.
“Pampalimot ito ng mga problema.”—Annette.
“Napapabilis nito ang ’yong reflexes.”—Christopher.
“Nakakatulong ’to para humusay ka sa problem solving.”—Amy.
“Exercise ito para sa utak; kasi, nag-iisip ka, nagpaplano, at gumagawa ng strategy.”—Anthony.
“May mga video game na nagtuturo ng teamwork.”—Thomas.
“May mga video game na para na ring exercise at pampaganda ng katawan.”—Jael.
Sang-ayon ka ba sa ilan o baka sa lahat pa nga ng komentong iyan? Mayroon din namang pakinabang sa isip at katawan ang mga video game. Kahit pa nga ang ilan ay pampalipas-oras lang at—gaya ng sabi ni Annette—“pampalimot ito ng mga problema,” hindi naman iyan laging masama.
● Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ... para sa bawat pangyayari sa silong ng langit,” kasama na ang paglilibang.—Eclesiastes 3:1-4.
Ang masama
Ninanakaw ba ng mga video game ang panahon mo?
“Kapag nagsimula na akong maglaro, ’di na ako makahinto. Lagi kong sinasabi sa sarili ko, ‘Isang level na lang!’ Pero ’di ko namamalayan, nakakailang oras na pala ’ko at ang tagal ko na sa harap ng screen!”—Annette.
“Malaking panahon ang kinakain ng mga video game. Ilang oras kang nakaupo do’n at pakiramdam mo, may na-accomplish ka dahil nakalimang panalo ka, pero ang totoo, wala ka naman talagang na-accomplish.”—Serena.
Tandaan: Kapag pera ang nawala sa iyo, puwede mo pa itong mabawi. Pero iba kapag panahon ang nawala. Ibig sabihin, mas mahalaga ang panahon kaysa sa pera. Kaya huwag mong hayaang nakawin ito sa iyo!
● Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na lumakad na may karunungan . . . , na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.”—Colosas 4:5.
Nakaaapekto ba sa pag-iisip mo ang mga video game?
“Sa video game, ang mga krimen na may parusang pagkabilanggo o kamatayan ay basta na lang ‘ginagawa’ nang hindi pinag-iisipan.”—Seth.
“Sa maraming game, kailangan mong talunin ang mga kalaban para marating mo ang goal. Kadalasan, ang ibig sabihin nito ay papatayin mo sila sa iba’t ibang nakakakilabot na paraan.”—Annette.
“Kung minsan, magugulat ka sa mga sinasabi mo sa mga kaibigan mo habang naglalaro kayo—mga salitang gaya ng ‘Mamatay ka!’ o ‘Papatayin kita!’”—Nathan.
Tandaan: Iwasan ang mga video game na nagtatampok ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos, kasama na ang karahasan, imoralidad, at espiritismo.—Galacia 5:19-21; Efeso 5:10; 1 Juan 2:15, 16.
● Sinasabi ng Bibliya na ‘kinapopootan ni Jehova ang sinumang umiibig sa karahasan’—hindi lang ang gumagawa nito. (Awit 11:5) Ang mga video game na nilalaro mo ay hindi indikasyon ng magiging pagkatao mo, pero masasabi nito kung anong uri ka ng tao.
Pag-isipan: Sinasabi ng aklat na Getting to Calm na “kumpara sa telebisyon, malamang na mas malaki ang epekto ng mararahas na video game sa paggawi dahil hindi lang pinanonood ng mga bata ang mababagsik at malulupit na bida—sila mismo ang bida. Dahil ang mga video game ay parang guro na nagtuturo sa iyo, ang natututuhan mo ay karahasan.”—Ihambing ang Isaias 2:4.
Ang realidad
Maraming kabataan ang natutong maging balanse sa paglalaro nila ng mga video game. Tingnan ang dalawang halimbawa.
“Noon, inaabot ako nang hatinggabi sa paglalaro ng mga video game. Iniisip ko kasi: ‘Limang oras lang na tulog, okey na sa ’kin ’yon. Isang level pa.’ Pero ngayon, nasa tamang lugar na ang paglalaro ko. Hobby ko na lang ’to na puwedeng gawin sa pana-panahon; pero dapat katamtaman lang.”—Joseph.
“Binawasan ko ang paglalaro, at mas marami akong nagagawang ibang bagay! Napasulong ko ang aking ministeryo, natulungan ko ang ilang kakongregasyon ko, at natuto pa nga akong tumugtog ng piano. Talagang marami pang ibang dapat gawin bukod sa paglalaro ng video game!”—David.
● Sinasabi ng Bibliya na “katamtaman ang mga pag-uugali” ng mga may-gulang na lalaki’t babae. (1 Timoteo 3:2, 11) Nag-e-enjoy sila sa paglilibang pero alam nila kung kailan dapat huminto, at nagagawa nila iyon dahil mayroon silang pagpipigil sa sarili.—Efeso 5:10.
Tandaan: Ang paglalaro ng mga video game ay magandang libangan kung nasa tamang lugar. Pero huwag mong hayaang kontrolin nito ang panahon mo o mapabayaan ang mga importanteng bagay sa iyong buhay. Oo, sa halip na pagtuunan ng pansin kung paano ka mananalo sa mga video game, hindi ba’t mas magandang pagtuunan ng pansin kung paano mo maaabot ang mga tunguhin mo, para sa totoong buhay, panalo ka?