TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Makokontrol ang Paggastos Ko?
“Kailan lang, pumunta ako sa mall para tumingin-tingin. Napabili ako ng mamahaling gamit na hindi ko naman balak bilhin no’ng pumasok ako doon!”—Colin.
Inamin ni Colin na hiráp siyang kontrolin ang paggastos niya. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, makatutulong sa iyo ang artikulong ito.
Bakit dapat mong kontrolin ang paggastos mo?
Maling akala: Kapag masyado kang nag-aalala sa gastusin mo, hindi ka magiging malaya.
Ang totoo: Kapag kinokontrol mo ang paggastos mo, mas magiging malaya ka. “Kung mas marami kang alam tungkol sa pera, mas marami kang mailalaan para sa mga bagay na gusto mo—ngayon at sa hinaharap,” ang sabi ng aklat na I’m Broke! The Money Handbook.
Pag-isipan ito: Kapag kinokontrol mo ang paggastos mo . . .
Magkakaroon ka ng pera kapag kailangan mo iyon. “Gusto kong maglakbay sa South America,” ang sabi ng tin-edyer na si Inez. “Kapag nagtatabi ako ng pera, iyan ang goal na lagi kong iniisip.”
Magiging kaunti ang utang mo (o baka wala pa nga). Sinasabi ng Bibliya: “Ang nanghihiram ay lingkod [o, alipin] ng taong nagpapahiram.” (Kawikaan 22:7) Sang-ayon diyan ang 25-anyos na si Anna. “Puwedeng kontrolin ng utang ang buhay mo,” ang sabi niya. “Makakapagpokus ka sa mga goal mo kung wala kang utang.”
Ipinapakita mong mature ka. Mas handa nang maging adulto ang mga taong kontrolado ang paggastos nila. “Magandang training ’yon para sa hinaharap, kapag namumuhay na akong mag-isa,” ang sabi ng 20-anyos na si Jean. “Pinag-aaralan ko nang maging responsable sa paghawak ng pera ngayon, para maging gano’n ako sa hinaharap.”
Tandaan: “Ang tamang pagma-manage ng pera ay magandang simula ng pagiging independent,” ang sabi ng aklat na The Complete Guide to Personal Finance: For Teenagers and College Students. “Isang talent ang mahusay na paghawak ng pera, at makakatulong ito sa buong buhay mo.”
Kung paano ito gagawin
Alamin ang mga kahinaan mo. Kung palagi kang nauubusan ng pera, alamin mo muna kung saan ito napupunta. Para sa iba, nauubos ito sa online shopping. Sa iba naman, ‘butas’ ang wallet nila kaya pagdating ng katapusan, walang-wala na silang pera!
“Naiipon ang maliliit na gastos sa araw-araw. Regalo dito, regalo doon, coffee shop dito, isang item na naka-sale sa grocery—pagkatapos ng isang buwan na ganiyan, nagtataka ako kung saan napunta ang one hundred dollars ko!”—Hailey.
Gumawa ng budget. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” (Kawikaan 21:5) Kapag gumawa ka ng budget, masisiguro mong hindi sosobra ang gastos mo sa kinikita mo.
“Kung mas malaki ang gastos mo kaysa sa kinikita mo, alamin mo kung saan napupunta ang pera mo at alisin ang mga bagay na ’di mo naman kailangan. Bawasan mo ang gastusin mo hanggang sa mas malaki na ang kita mo kaysa sa gastos.”—Danielle.
Gawin ang plano mo. Maraming paraan para makontrol mo ang pera mo at maiwasan ang di-kinakailangang paggastos. Nakatulong sa ilang kabataan ang sumusunod:
“Kadalasan na, ’nilalagay ko agad sa bangko ang pera ko para hindi ako matuksong galawin ’yon.”—David.
“Kapag pumunta ako sa tindahan, saktong pera lang ang dala ko. Dahil d’yan, hindi napapasobra ang gastos ko.”—Ellen.
“Kapag mas matagal akong naghihintay bago bumili ng isang bagay, mas napag-iisipan ko kung talagang kailangan ko ’yon o hindi.”—Jesiah.
“Hindi ko naman kailangang pumunta sa lahat ng party! Ayos lang na tumanggi kung hindi kaya ng budget.”—Jennifer.
Tandaan: Seryosong responsibilidad ang paghawak ng pera. Iyan ang naisip ni Colin, na nabanggit sa simula. “Kung magiging padre de pamilya ako, hindi ako puwedeng maging gastador!” ang sabi niya. “Kung ngayong single pa lang ako, hiráp na akong humawak ng pera, pa’no pa kaya ’pag nag-asawa na ako?”
Tip: “Sabihin sa isang tao ang plano mong budget, at pakisuyuan siya na kumustahin ka paminsan-minsan. Magandang may sumusubaybay sa ’yo!”—Vanessa.