Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Masama Bang Uminom ng Alak?

Masama Bang Uminom ng Alak?

Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak kung hindi naman sobra at kung legal ito. Pero ipinagbabawal nito ang paglalasing.—Awit 104:15; 1 Corinto 6:10.

Paano kung nape-pressure kang uminom kahit hindi ito ipinapahintulot ng batas o hindi ka pinapayagan ng magulang mo?

 Mag-isip bago uminom

Baka iniisip ng ilang kaibigan mo na kailangang uminom para mag-enjoy. Pero ano kaya ang puwedeng mangyari pagkatapos nito?

  • Paglabag sa batas. Kung iinom ka ng alak kahit bawal ito sa batas, depende sa lugar ninyo, puwede kang pagmultahin, makasuhan, mabawian ng lisensiya sa pagmamaneho, mag-community service, o makulong pa nga.—Roma 13:3.

  • Nasirang reputasyon. Pinapahina ng alak ang pagpipigil mo sa sarili. Kapag nakainom ka, puwedeng may masabi ka o magawa na pagsisisihan mo. (Kawikaan 23:31-33) At ngayong usong-uso ang social media, ang mga ginagawa mo ay makakasira sa reputasyon mo at hindi madaling maalis ang epekto nito.

  • Mas mahinang pandepensa. Mas madali kang maging biktima ng pisikal o seksuwal na pang-aabuso kung nakainom ka. Mas madali ka ring maimpluwensiyahan ng iba na gumawa ng mga bagay na delikado o ilegal.

  • Adiksiyon. Ayon sa ilang pagsasaliksik, kung bata kang nagsimulang uminom, mas malaki ang tsansa na malulong ka sa alak. Kung umiinom ka tuwing nai-stress, nalulungkot, o walang magawa, puwede kang maadik sa alak at mahihirapan kang makawala.

  • Pagkamatay. Noong 2013, sa United States, isang tao ang namamatay sa bawat 52 minuto dahil sa pagmamaneho nang nakainom. Bawat taon, mula 2006 hanggang 2010, mahigit 1,500 na wala pang 21 anyos ang namatay dahil sa mga aksidenteng dulot ng pagmamaneho nang lasing. Kahit hindi ka nakainom, malalagay sa panganib ang buhay mo kung nakainom ang drayber.

 Mag-set ng goal

Kung pag-iisipan mo na ngayon kung ano ang gagawin mo sa mga sitwasyong natutukso kang uminom kahit hindi dapat, makakaiwas ka sa panganib at gastos.

Simulain sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Hindi ka dapat uminom bago magmaneho o kapag may gagawin ka na kailangang magpokus.

Determinasyon: ‘Iinom lang ako kapag nasa tamang edad na ako at sa tamang kalagayan.’

Simulain sa Bibliya: “Alipin kayo ng inyong sinusunod.” (Roma 6:16, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kung iinom ka dahil umiinom din ang mga kaibigan mo, nagpapakontrol ka sa kanila. Kung iinom ka dahil sa wala ka lang magawa o dahil sa stress, hindi ka magkakaroon ng mga katangiang kailangan para maharap ang mga problema mo.

Determinasyon: ‘Hindi ako magpapa-pressure sa mga kaibigan ko na uminom.’

Simulain sa Bibliya: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom.” (Kawikaan 23:20) Mapapahina ng masasamang kasama ang determinasyon mo. Inilalagay mo sa panganib ang sarili mo kung sumasama ka sa malalakas uminom.

Determinasyon: ‘Hindi ako makikipagkaibigan sa malalakas uminom.’