Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Gaano Kahalaga ang Pagiging Sikát Online?

Gaano Kahalaga ang Pagiging Sikát Online?

 Sinabi ng kabataang si Elaine: “Kapag nakikita ko ang daan-daang followers ng mga schoolmate ko online, naiisip ko, ‘Wow—sikát pala sila!’ Sa totoo lang, medyo naiinggit ako.”

 Naramdaman mo na rin ba iyan? Kung oo, tutulungan ka ng artikulong ito na maiwasan ang nagiging problema ng mga taong gustong maging sikát online.

 Ano ang mga panganib?

 Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 22:1 na “ang magandang pangalan ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.” Kaya okey lang na gustuhin natin na magkaroon ng magandang reputasyon—o magustuhan pa nga ng iba.

 Pero kung minsan, puwede ’yong mauwi sa paghahangad na maging sikát. May panganib ba ’yon? Mayroon, gaya ng sinabi ni Onya, 16:

 “May mga tao na gumagawa ng delikadong mga bagay—gaya ng pagtalon mula sa second floor—para lang maging sikát.”

 Para mapansin ang ibang kabataan, kinukunan nila ng video ang sarili nila habang gumagawa ng delikadong stunt para i-post online. Halimbawa, may ilang kabataan na nag-upload ng video nila na kumakain ng sabong panlaba—isang bagay na hindi dapat gawin!

 Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa . . . pagmamataas.”—Filipos 2:3, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

 Pag-isipan:

  •   Gaano kahalaga sa iyo ang pagiging sikát online?

  •   Isasakripisyo mo ba ang kalusugan o buhay mo para lang mapansin ka at magustuhan ng ibang kabataan?

 “Sikát, pero hindi naman talaga”

 Bukod sa paggawa ng delikadong mga bagay, may iba pang ginagawa ang iba para sumikat. Ganito ang sinabi ni Erica, 22:

 “May mga tao na palaging nagpo-post ng mga picture nila para magmukhang napakarami nilang kaibigang nakakasama, kaya nagmumukha silang sikát, pero hindi naman talaga.”

 Sinabi ni Cara, 15, na nagpapanggap naman ang iba para magmukhang sikát:

 “May mga tao na nagpi-picture na parang nasa party sila, pero ang totoo, nasa bahay lang naman.”

 Inamin ni Matthew, 22, na nagawa na niya iyan:

 “Nag-post ako ng picture ko at Mount Everest ang inilagay kong location, kahit hindi pa naman ako nakakapunta ng Asia!”

 Sinasabi ng Bibliya: “Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.

 Pag-isipan:

  •   Kung gumagamit ka ng social media, nagpapanggap ka ba para lang sumikat?

  •    Ipinapakita ba ng mga comment at picture na ipino-post mo kung sino ka talaga at kung ano ang mga pinaniniwalaan mo?

 Mahalaga ba talaga ang followers at likes?

 Naniniwala ang marami na para maging sikát ka online, dapat na sobrang dami ng followers at likes mo. Inamin ni Matthew, na binanggit kanina, na ganiyan din ang naiisip niya noon:

 “Tinatanong ko ang iba, ‘Ilan na ang followers mo?’ o ‘Ilan ang pinakamaraming likes na nakuha mo?’ Para dumami ang followers ko, pina-follow ko kahit hindi ko kakilala, kasi baka sakaling i-follow din nila ako. Mula noon, naging desperado na akong maging sikát, at lalo pang pinatindi iyon ng social media.”

Walang pinagkaiba sa junk food ang pagiging sikát online—nag-enjoy ka sandali pero hindi ka naman talaga nabusog

 Napansin ni Maria, 25, na ibinabase ng ilang tao ang halaga nila sa dami ng followers at likes nila:

 “Kapag nag-selfie ang isang babae at hindi siya nakakuha ng maraming likes, iisipin niyang pangit siya. Siyempre, mali ’yon! Pero ganiyan din ang nagiging kaisipan ng marami. Parang sila mismo ang nambu-bully sa sarili nila.”

 Sinasabi ng Bibliya: “Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.”—Galacia 5:26.

 Pag-isipan:

  •   Kung gumagamit ka ng social media, napapansin mo ba na ikinukumpara mo na ang sarili mo sa iba?

  •    Mas mahalaga ba sa iyo ang dami ng followers mo kaysa magkaroon ng tunay na mga kaibigan na talagang nagmamalasakit sa iyo?