TANONG NG MGA KABATAAN
Bakit Parang Ayaw ng mga Magulang Ko na Mag-enjoy Ako?
Niyaya kang mag-party ng mga kaibigan mo sa weekend. Nagpaalam ka sa mga magulang mo, pero hindi ka nila pinayagan. Hindi ka na nagtaka kasi hindi ka rin nila pinayagan dati.
Sa artikulong ito
Bakit lagi na lang akong hindi pinapayagan ng mga magulang ko?
Kapag parang lagi kang hindi pinagbibigyan ng mga magulang mo, baka maisip mo na ayaw ka nilang mag-enjoy.
Ganiyan ang naramdaman ng tin-edyer na si Marie nang una siyang magka-cellphone. Sabi niya: “Ang daming ipinagbawal ni Dad. May mga app na ’di ko puwedeng i-download. Limitado rin ang mga tao na puwede kong kausapin, at kung hanggang anong oras lang ako puwedeng makipag-usap sa kanila. Pero y’ong mga kaibigan ko, kahit ano, puwede nilang gawin!”
Pag-isipan: Talaga bang ayaw ng daddy ni Marie na mag-enjoy ito? May iba kayang ipinag-aalala ang daddy niya?
Subukan ito: Kunwari, magulang ka at may tin-edyer kang anak na ngayon lang nagka-cellphone. Mag-aalala ka ba? Ano kayang ipagbabawal mo para maprotektahan mo siya? Paano kung sabihin niyang parang ayaw mo siyang mag-enjoy? Ano’ng isasagot mo?
“Laging sinasabi ni Daddy, ‘Subukan mong lumagay sa sitwasyon ko.’ Nakatulong sa ’kin iyon na makita kung bakit mahalaga ang mga rule niya at kung bakit niya ipinapagawa ang mga ’yon. Siguro kung magkakaanak ako, gusto kong sundin rin nila ako, gaya ng gusto ng daddy ko na gawin ko.”—Tanya.
Paano ko kaya mapapapayag ang mga magulang ko?
“Walang maitutulong kung magsisigawan kayo ng mga magulang mo. Pareho lang kayong mapapagod. Kapag nakipagtalo ka, iisipin ng mga magulang mo na immature ka at lalo ka lang nilang hihigpitan.”—Richard.
“Laging maganda ang intensiyon ng mga magulang ko kapag nagbibigay sila ng mga rule. Hindi naman talaga nila ako pinipigilang mag-enjoy. Gusto lang nilang mag-enjoy ako nang walang magiging problema.”—Ivy.
Prinsipyo sa Bibliya: “Inilalabas ng mangmang ang lahat ng galit niya, pero nananatiling kalmado ang marunong.”—Kawikaan 29:11.
“Hindi ko sinusunod ang mga limitasyong ibinigay ni Daddy sa paggamit ng cellphone. Gumagawa ako ng paraan para makapag-message sa mga kaibigan ko kahit gabing-gabi na, o ma-download ang mga app na ipinagbawal ni Daddy. Di-nagtagal, nahuli rin niya ako kaya lalo niya akong hinigpitan kasi wala na siyang tiwala sa ’kin. Hindi talaga magandang sumuway sa mga restriksiyon.”—Marie.
“Maghintay. Baka hindi agad i-adjust ng mga magulang mo ang mga rule nila. Pero kapag nakikita nilang sinusunod mo ang mga ’yon, baka payagan ka na nila sa ibang mga bagay.”—Melinda.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay.”—Colosas 3:20.
“Kung ipipilit mo y’ong gusto mo, hindi iyon makakatulong para gumanda ang sitwasyon, o mangyari ang gusto mo.”—Natalie.
“Gusto ng mga magulang na makitang kaya mong magdesisyon nang tama. Pinag-iisipan kong mabuti ang mga sasabihin ko, imbes na maging emosyonal. Kapag ganoon ang ginagawa ko, mas pinapayagan nila ako.”—Joseph.
Prinsipyo sa Bibliya: “Parangalan mo ang iyong ama at ina.”—Efeso 6:2.