TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Kung May Problema Ako sa Kalusugan? (Bahagi 3)
Ang mga tin-edyer ay kadalasan nang malulusog at parang hindi napapagod. Pero may mga kabataang nalilimitahan dahil sa malubhang karamdaman. Ikaw rin ba? Kung oo, mapatitibay ka ng karanasan nina V’loria, Justin, at Nisa—na mga Saksi ni Jehova. Pansinin kung paano nila naharap ang mga problema sa kalusugan.
V’loria
May fibromyalgia na ako mula pa noong 14 ako. Nang mag-20 ako, nagkaroon pa ako ng arthritis, lupus, at Lyme disease. Hindi mo magawa ang lahat ng gusto mong gawin kapag nanghihina ka. Kung minsan, hindi ako makagalaw mula balakang pababa at kailangan kong mag-wheelchair.
Masakit na nga ang katawan ko, mabigat pa ang kalooban ko dahil hindi ko magawa kahit mga simpleng bagay, gaya ng pagsulat o pagbubukas ng garapon. Kapag nakikita kong naglalakad ang mga bata, nagtataka ako kung bakit napakahirap para sa akin na gawin iyon. Pakiramdam ko’y wala na akong silbi.
Mabuti na lang, may mga tumutulong sa akin—hindi lang mga kapamilya ko kundi pati mga kapatid sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na kinauugnayan ko. Palagi nila akong dinadalaw, at nakatulong ito para hindi ako masyadong malungkot. May mga nag-aanyaya sa ’kin sa mga gathering, kahit mahirap akong itayo mula sa wheelchair, at isakay at ibaba sa kotse.
Malaking tulong sa ’kin ang mga may-edad sa kongregasyon dahil nakaka-relate sila sa kalagayan ko. Tinulungan nila akong tanggapin ang mga limitasyon ko at huwag malungkot kung hindi ko man magawa ang nagagawa ng iba. Masayang-masaya ako kapag nasa ministeryo at mga pulong sa kongregasyon. (Hebreo 10:25) Sa mga pagkakataong ’yon, nadarama kong kahit may sakit ako, hindi naman talaga ako naiiba.
Lagi kong tinatandaan na ibinibigay ni Jehova ang kailangan natin para makapagbata. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na kahit ang pagkatao sa labas ay nanghihina, ang pagkatao naman sa loob ay “nababago sa araw-araw.” (2 Corinto 4:16) Ganiyang-ganiyan ang nadarama ko!
Pag-isipan: Kapag mayroon kang malubhang karamdaman, bakit mahalagang makisalamuha ka sa iba? Kung ikaw naman ay malusog, paano mo matutulungan ang maysakit?—Kawikaan 17:17.
Justin
Natumba ako at hindi makabangon. Nanikip ang dibdib ko at hindi makakilos. Isinugod ako sa ospital. Noong una, hindi makita ng doktor kung ano ang diperensiya ko. Pero nang maulit ito nang ilang beses, nakita nila ang dahilan—Lyme disease.
Naapektuhan ng Lyme disease ang aking nervous system. Sa katunayan, nanginginig pa rin ako at hindi ko ito makontrol kung minsan, kahit ilang taon na ang nakaraan mula nang i-diagnose ako. May mga araw na nananakit ang katawan ko o sobrang sakít ng mga daliri ko, kaya hindi ko man lang maigalaw ang mga ito. Para bang nanigas nang lahat ang mga kasukasuan ko.
Naiisip ko noon, ‘napakabata ko pa para magkasakit,’ at ’yan ang hindi ko matanggap. Araw-araw akong dumaraing sa Diyos at nagtatanong, “Bakit po ako nagkaganito?” Naisip ko pa ngang pinabayaan na ako ng Diyos. Pero naalaala ko si Job sa Bibliya. Hindi alam ni Job kung bakit siya napaharap sa napakaraming hamon sa buhay, pero nanatili pa rin siyang tapat sa Diyos. Kung nagawa iyon ni Job, magagawa ko rin iyon.
Malaking tulong sa akin ang mga elder sa aming kongregasyon. Lagi nila akong kinukumusta. Isang elder ang nagsabing tawagan ko siya kung kailangan ko ng kausap, kahit anong oras. Araw-araw kong ipinagpapasalamat kay Jehova ang ganitong mga kaibigan!—Isaias 32:1, 2.
Kung minsan, kapag may malubha tayong karamdaman, nalilimutan natin ang isang bagay—na nakikita ni Jehova ang pinagdadaanan natin. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Iyan ang sinisikap kong gawin araw-araw.
Pag-isipan: Paano ka matutulungan ng mga nagmamahal sa iyo na mabata ang problema sa kalusugan?—Kawikaan 24:10; 1 Tesalonica 5:11.
Nisa
Nang magtin-edyer ako, na-diagnose akong may Marfan syndrome—isang sakit na nagpapahina sa mga kasukasuan. Puwede ring maapektuhan ng Marfan syndrome ang puso, mga mata, at iba pang mahahalagang organ. Hindi naman araw-araw na nananakit ang katawan ko pero kung minsan, ’pag sumumpong, grabe.
Nang una akong ma-diagnose, iyak ako nang iyak. Baka hindi ko na magawa ang lahat ng gusto kong gawin. Halimbawa, mahilig akong sumayaw, at kapag iniisip kong hindi ko na iyon magagawa—kahit ang maglakad man lang—takót na takót ako.
Napaka-supportive ng ate ko. Tinulungan niya akong huwag maawa sa sarili. Sinabi niyang huwag akong mamuhay sa takot dahil uubusin lang nito ang lakas ko. Pinatibay niya akong magmatiyaga sa pananalangin, dahil kung mayroon mang talagang nakakaalam at nakakaintindi sa pinagdadaanan ko, iyon ay si Jehova.—1 Pedro 5:7.
Ang isang teksto na talagang nagpalakas sa akin ay ang Awit 18:6, na nagsasabi: “Sa aking kabagabagan ay patuloy akong tumatawag kay Jehova, at sa aking Diyos ay patuloy akong humihingi ng tulong. Mula sa kaniyang templo ay dininig niya ang aking tinig, at ang aking paghingi ng tulong sa harap niya ay dumating sa kaniyang pandinig.” Dahil sa tekstong iyan, napag-isip-isip kong kapag nananalangin ako kay Jehova at humihiling na tulungan niya akong makayanan ang problema, pakikinggan niya ako at tutulungan. Lagi siyang nandiyan para sa akin.
Nalaman kong okey lang na malungkot at mainis pa nga sa isang problemang napapaharap sa atin dahil normal lang na madama iyon—basta’t huwag nating hahayaang kontrolin tayo nito at maapektuhan ang pakikipagkaibigan natin sa Diyos. Hindi siya ang may kagagawan ng ating mga problema, at hinding-hindi niya tayo iiwan basta’t inuuna natin siya sa ating buhay.—Santiago 4:8.
Pag-isipan: Diyos ba ang dapat sisihin sa ating mga pagdurusa?—Santiago 1:13.