Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung May Problema Ako sa Kalusugan? (Bahagi 1)

Paano Kung May Problema Ako sa Kalusugan? (Bahagi 1)

May kilala ka bang kabataan na may malubhang problema sa kalusugan? Mayroon ka bang sakit o kapansanan kung kaya hindi mo magawa ang mga bagay na nae-enjoy gawin ng mga kaedad mo?

Kung oo, natural lang na masiraan ka ng loob kung minsan. Pero ang Bibliya ay may dalawang nakaaaliw na mensahe.

  • Alam ng iyong Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang sitwasyon mo. At hindi lang iyan, “siya ay nagmamalasakit sa [iyo].”—1 Pedro 5:7.

  • Layunin ng Diyos na Jehova na pagalingin ang lahat ng sakit! Mababasa mo iyan sa Bibliya sa Isaias 33:24 at Apocalipsis 21:1-4.

Malaking tulong sa maraming kabataan na may malubhang problema sa kalusugan ang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Narito ang apat na halimbawa.

 YEIMY

Noong 11 anyos ako, kailangan ko nang gumamit ng wheelchair saanman ako pumunta. Hindi ko na kayang gawin ang mga simpleng bagay, kahit ang pagbubuhat lang ng magagaan na bagay.

Noong limang taon ako, natuklasan na meron akong muscular dystrophy, isang sakit na unti-unting nagpapahina sa akin kaya marami akong hindi na magawa. Kung minsan, nasisiraan ako ng loob dahil hindi ko magawa ang mga bagay na nagagawa ng mga kaedad ko. Pero malaking tulong sa akin sa pisikal, emosyonal, at espirituwal ang mga magulang ko at mga kakongregasyon. Isa akong buong-panahong ministro, at madalas na sinasamahan ako ng mga kapuwa ko Kristiyano sa pagba-Bible study sa iba.

Sinabi ni Jesus na ang bawat araw ay may sariling kabalisahan. (Mateo 6:34) Kaya ang iniintindi ko lang ay ang bawat maghapon at hindi ko na pinoproblema ang mangyayari kinabukasan. Nag-iisip ako ng mga goal na kaya kong abutin. Hinihintay ko ang bagong sanlibutan ng Diyos kung saan magkakaroon ako ng “tunay na buhay”—walang sakit.—1 Timoteo 6:19.

Pag-isipan: Nakatulong kay Yeimy ang pag-iisip ng mga goal na kaya niyang gawin. Paano mo siya matutularan?—1 Corinto 9:26.

 MATTEO

Nagsimulang sumakit ang likod ko noong anim na taon ako. Noong una, sinabi ng mga doktor na dala lang daw iyon ng paglaki ko. Pero makalipas ang isang taon, nakita nilang meron palang tumor sa gulugod ko.

Inoperahan ako, pero mga 40 porsiyento lang ng tumor ang naalis ng mga doktor. Tapos, sa loob lang ng dalawang buwan, bumalik sa dati ang laki ng tumor! Mula noon, puro test, paggamot, at lungkot ang naranasan ko.

May mga panahon na parang sinasaksak ang katawan ko dahil sa tumor, madalas sa likod at sa dibdib. Pero hindi ko hinayaang pahinain ako nito. Sinasabi ko sa sarili ko na matindi rin ang tinitiis ng iba, pero positibo pa rin sila. At napakalaking tulong sa akin para manatiling positibo ang pagtitiwala sa pangako ng Diyos na Jehova na wawakasan niya ang lahat ng pagdurusa.—Apocalipsis 21:4.

Pag-isipan: Paanong ang pagsasaisip sa pangako ng Diyos na wawakasan niya ang pagdurusa ay tutulong sa iyo na makapagtiis, gaya ng ginawa ni Matteo?—Isaias 65:17.

 BRUNA

Dahil hindi halata sa hitsura ko na may sakit ako, akala siguro ng ilan tamad ako. Pero ang totoo, nahihirapan akong gawin ang kahit ano, gaya ng gawaing-bahay, pag-aaral, o kahit pagbangon sa umaga.

Noong 16 anyos ako, natuklasan na meron akong multiple sclerosis, isang lumalalang sakit na nagpapahina sa katawan ko. Naapektuhan nito hindi lang ang kakayahan kong magtrabaho kundi pati na ang lubusan kong pakikibahagi sa mga gawaing Kristiyano. Lagi kong binabasa ang sinasabi sa 1 Pedro 5:7: ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ Kapag iniisip kong nagmamalasakit si Jehova sa bawat isa sa atin, napalalakas ako. Hanggang ngayon, iyan pa rin ang nagpapalakas sa akin.

Pag-isipan: Gaya ni Bruna, paano ka makikinabang kung ihahagis mo kay Jehova ang iyong mga kabalisahan?—Awit 55:22.

 ANDRÉ

Kung tratuhin ako ng ilan para akong isang bata na 10 taon. Pero hindi ko sila masisisi, ganoon naman talaga ang hitsura ko.

Noong dalawang taon ako, natuklasan na meron akong kakaibang uri ng kanser na nagsimula sa gulugod at umabot sa utak. Nakontrol ng mga doktor ang sakit, pero naapektuhan ng mga gamot ang paglaki ko. Mahigit isang metro lang ang height ko ngayon. Kaya akala ng mga tao, nagsisinungaling ako kapag sinasabi kong 18 anyos na ako!

Sa loob ng kongregasyong Kristiyano, iginagalang nila ako. Hindi nila ako tinutukso gaya ng panunukso ng mga kaeskuwela ko. Sinisikap kong maging positibo sa kabila ng sitwasyon ko. Sa totoo lang, naranasan ko ang pinakamagandang bagay na puwedeng mangyari sa isang tao—nakilala ko si Jehova! Anuman ang kailangan kong tiisin, alam kong tutulungan ako ni Jehova. Kapag iniisip ko ang kamangha-manghang bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos na Jehova, nagiging positibo ang pananaw ko sa buhay.—Isaias 33:24.

Pag-isipan: Bakit ang pagkakilala kay Jehova, gaya ng pagkasabi ni André, “ang pinakamagandang bagay na puwedeng mangyari sa isang tao”?—Juan 17:3.