TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Puwede Kong Gawin Kung Masyado Akong Mahiyain?
Di-magandang epekto: Dahil sa pagiging mahiyain, puwede mong mapalampas ang pagkakataong makipagkaibigan at makipagsamahan sa iba.
Magandang epekto: Hindi naman masamang maging mahiyain. Makakatulong iyan sa iyo para mag-isip muna bago magsalita, maging mapagmasid, at maging mabuting tagapakinig.
Ang magagawa mo: Hindi porke mahiyain ka ngayon, lagi ka nang magiging mahiyain. Ang totoo, may magagawa ka para makontrol iyon. Matutulungan ka ng artikulong ito.
Alamin ang mga ikinababahala mo
Kung mahiyain ka, baka halos ayaw mo nang makipag-usap sa ibang tao nang personal. Kaya baka maramdaman mo na nag-iisa ka—para kang walang kasama sa isang madilim na kuwarto. Nakakatakot iyon. Pero kung bubuksan mo ang ilaw, wika nga, at aalamin ang ikinababahala mo, baka ma-realize mo na wala ka palang dapat ikatakot. Tingnan ang ilang ikinababahala ng mga kabataan.
#1: “Hindi ko alam kung ano’ng pag-uusapan.”
Ang totoo: Mas naaalala ng mga tao ang nagawa mo sa kanila kaysa sa sinabi mo sa kanila. Makokontrol mo ang takot mo kung magiging mabuti kang tagapakinig—kung magiging interesado ka sa sinasabi ng iba.
Pag-isipan: Sino ang mas gusto mong maging kaibigan—ang isang taong salita nang salita o isang taong nakikinig mabuti?
#2: “Baka isipin ng iba na boring akong kausap.”
Ang totoo: Mahiyain ka man o hindi, may masasabi pa rin ang mga tao sa iyo. Kung hahayaan mong makilala ka ng iba, malamang na magiging mas maganda ang tingin nila sa iyo, at makokontrol mo ang takot mo.
Pag-isipan: Kung iniisip mo na hinuhusgahan ka ng iba, hindi kaya ikaw ang nanghuhusga sa kanila, kasi iniisip mong ayaw nila sa iyo?
#3: “Baka mapahiya ako kapag mali ang nasabi ko.”
Ang totoo: Nangyayari talaga iyan kung minsan. Makokontrol mo ang takot mo kung iisipin mo na normal lang ang magkamali. Kung gagawin mo iyan, maipapakita mo sa iba na hindi perpekto ang tingin mo sa sarili mo.
Pag-isipan: Hindi ba mas masayang kasama ang isang tao na tanggap niyang nagkakamali rin siya?
Alam mo ba? Iniisip ng ilan na hindi sila mahiyain at na marami silang magiging kaibigan kasi mahilig silang magtext. Pero mas madaling mabuo ang tunay na pagkakaibigan kapag personal mong nakakausap ang iba. Isinulat ng psychologist at technology expert na si Sherry Turkle: “Kapag nakikita natin ang ekspresyon ng mukha ng iba at naririnig ang boses nila, saka tayo talagang napapalapit sa kanila.” a
Ang puwede mong gawin
Huwag magkumpara. Hindi mo kailangang maging kaibigan ng lahat. Ang goal mo ay ang makontrol ang pagiging mahiyain mo para hindi mo mapalampas ang mga pagkakataon na makipagkaibigan.
“Hindi naman kailangan na maging mahaba ang usapan, at hindi mo rin kailangang maging pabida. Puwede kang magpakilala sa iba, o tanungin sila ng ilang bagay.”—Alicia.
Prinsipyo sa Bibliya: “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.”—Galacia 6:4.
Magmasid. Obserbahan ang mga taong magaling magdala ng usapan. Paano nila iyon ginagawa? Alin sa mga ginagawa nila ang hindi masyadong epektibo? Ano namang epektibong paraan nila ang gusto mong tularan?
“Matuto sa mga tao na magaling makipagkaibigan. Tingnan kung paano sila kumilos at kung paano sila makipag-usap kapag may bago silang nakilala.”—Aaron.
Prinsipyo sa Bibliya: “Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal, napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.”—Kawikaan 27:17.
Magtanong. Kadalasan nang gustong sabihin ng mga tao ang opinyon nila sa mga bagay-bagay, kaya magandang simula ng usapan ang pagtatanong. Tutulong din iyon para hindi mapunta ang lahat ng atensiyon sa iyo.
“Mababawasan ang pag-aalala mo kung pag-iisipan mo na ang sasabihin mo. Puwede kang mag-isip ng ilang paksa o tanong bago ang isang gathering. Tutulong iyan para hindi ka masyadong ma-stress sa mga bago mong makikilala.”—Alana.
Prinsipyo sa Bibliya: “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:4.
a Mula sa aklat na Reclaiming Conversation.