TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ako Magkakaroon ng Sapat na Tulog?
Kapag bumagsak ka sa math, baka isipin mong kailangan mo lang pagbutihin ang pag-aaral mo. Kung hindi ka pa gaanong mahusay sa sports, baka isipin mong kailangan mo lang ng karagdagang pagsasanay. Pero sa dalawang sitwasyong ito, baka ang talagang kailangan mo ay sapat na tulog. Alamin natin kung bakit.
Bakit kailangan mong matulog?
Ayon sa mga eksperto, karamihan sa mga tin-edyer ay nangangailangan ng 8 hanggang 10 oras na tulog gabi-gabi. Bakit mahalaga ang sapat na tulog?
Tumutulong ito para maging matalas ang isip mo. Ang pagtulog ay tinatawag na “pagkain ng utak.” Tutulong ito para maging mahusay ka sa paaralan, sa sports, at sa paglutas ng mga problema.
Tumutulong ito para gumanda ang iyong disposisyon at mood. Ang mga taong kulang sa tulog ay mas malamang na maging sumpungin, malungkot o madepres, at mahirapang makisama sa iba.
Tumutulong ito para maging mas maingat ka sa pagmamaneho. Ipinapakita ng pag-aaral sa United States na ang mga drayber na edad 16 hanggang 24 ay “halos dalawang beses na mas malamang na inaantok sa panahong nabangga sila” kung ikukumpara sa mga drayber na edad 40 hanggang 59.
Tumutulong ito para maging mas malusog ka. Nakakatulong ang pagtulog para mapanatili at maayos ng katawan mo ang mga selula, tisyu, at mga ugat. Liliit din ang tsansa mong tumaba nang husto, magka-diabetes, at ma-stroke.
Bakit hindi ka makatulog?
Sa kabila ng mga pakinabang na binanggit natin, marami pa ring tin-edyer ang walang sapat na tulog. Halimbawa, sinabi ng 16-anyos na si Elaine:
“Tinanong ni Ma’m ang klase namin kung anong oras kami natutulog. Karamihan ay sumagot ng mga alas-dos ng madaling-araw. Ang iba naman ay mga alas-singko ng umaga. Isa lang ang nagsabing 9:30 ng gabi.”
Ano ang nakakahadlang sa pagtulog mo?
Pakikipagbarkada. “Napakadaling magpuyat at magsayang ng oras, lalo na sa mga gabing lumalabas kaming magkakaibigan.”—Pamela.
Responsibilidad. “Gustong-gusto kong matulog, pero napakahirap kasi ang dami kong kailangang gawin.”—Ana.
Gadyet. “Dahil sa cellphone, kulang ako sa tulog. Hindi ko ito mabitiwan kahit nakahiga na ako.”—Anisa.
Paano ka magkakaroon ng sapat na tulog?
Alamin kung gaano kahalaga sa iyo ang pagtulog. Sinasabi sa Bibliya: “Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Kailangan mo ang tulog; hindi ito kapritso lang. Kung kulang ka sa tulog, maaapektuhan ang kalidad ng trabaho mo, pati na ang paglilibang mo!
Alamin ang pangunahing dahilan kung bakit kulang ka sa tulog. Halimbawa, nagpupuyat ka ba kasama ng mga kaibigan mo? Tambak ba ang homework mo at gawaing-bahay? Napupuyat ka ba dahil sa cellphone mo, o nagigising ka dahil dito?
Pag-isipan: Pagsikapang mapagtagumpayan ang pangunahing dahilan kung bakit kulang ka sa tulog. Sulit naman ito. “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay,” ang sabi ng Kawikaan 21:5.
Siyempre, iba-iba ang kalagayan ng bawat tao. Halimbawa, sinasabi ng ilan na mas mahimbing ang tulog nila sa gabi kapag nakaidlip sila sa hapon. Pero para naman sa iba, kabaligtaran ang epekto nito. Alamin kung ano ang mas mabuti para sa iyo. Makakatulong sa iyo ang mga mungkahing ito:
Maglaan ng panahon para marelaks. Kung magrerelaks ka bago matulog, malamang na mas makatulog ka agad.
“Maganda kung tatapusin mo nang maaga ang mga gawaing-bahay at iba pang responsibilidad para wala ka nang iniintindi kapag matutulog ka na.”—Maria.
Gumawa ng positibong mga hakbang. Sa halip na magpakontrol sa sitwasyon, kontrolin mo ang iskedyul mo para makatulog ka nang sapat.
“Kailangan kong matulog nang di-bababa sa walong oras gabi-gabi. Kaya kung kailangan kong bumangon nang mas maaga, nagbibilang ako para malaman ko kung anong oras ako dapat matulog.”—Vincent.
Huwag maging pabago-bago. May sariling orasan ang ating katawan, pero gagana lang ito kung sasanayin mo. Ipinapayo ng mga eksperto na huwag bagu-baguhin ang oras ng pagtulog at paggising mo. Subukan mo ito sa loob ng isang buwan, at makikita mong gaganda ang pakiramdam mo.
“Kung pare-pareho ang oras ng pagtulog mo gabi-gabi, mas gaganda ang gising mo kinabukasan. Tutulong ito para magawa mo nang mas mahusay ang trabaho mo.”—Jared.
Maging makatuwiran sa paglilibang. Sinasabi ng Bibliya na dapat tayong magkaroon ng “kontrol sa [ating] paggawi,” at kasama diyan ang paglilibang.—1 Timoteo 3:2, 11.
“Kailangan kong limitahan ang paglilibang sa gabi. Kung hindi, mayroon akong maisasakripisyo—ang tulog ko!”—Rebecca.
“Patulugin” din ang cellphone mo! Mga isang oras bago ka matulog, iwasan nang mag-Internet, at kapag dis-oras na ng gabi, huwag ka nang mag-text sa mga kaibigan mo. Sa katunayan, ayon sa mga eksperto, dahil sa uri ng liwanag na nanggagaling sa cellphone, TV, o tablet, mas mahihirapan kang makatulog.
“Inaasahan ng mga tao na lagi kang available. Pero dapat mong ilayo ang cellphone mo para makapagpahinga ka nang sapat.”—Julissa.