Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Sports?

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Sports?

Ang sports ay puwedeng makabuti sa iyo—o makasamâ. Depende iyan sa kung ano ang sports mo, kung paano ka maglaro, at kung gaano karaming oras ang nauubos mo sa paglalaro.

 Ano’ng mabuti sa sports?

Ang paglalaro ng sports ay nakakabuti sa kalusugan. Sinasabi ng Bibliya na ang “pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang.” (1 Timoteo 4:8) “Malaking tulong ang sports para maging active,” ang sabi ng kabataang si Ryan. “Mas maganda ’yon kaysa maglaro ng video games.”

Ang paglalaro ng sports ay nakakatulong para matuto ka ng teamwork at disiplina sa sarili. Ang Bibliya ay gumamit ng isang ilustrasyong batay sa sports para magturo ng isang magandang punto. Sinasabi nito: “Ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat.” Idinagdag nito: “Ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay.” (1 Corinto 9:24, 25) Ang punto? Kailangan ang pagpipigil sa sarili at kooperasyon para maglaro ayon sa tuntunin ng isang sport. Sang-ayon diyan ang kabataang si Abigail. Sinabi niya, “Dahil sa sports, natuto akong makipagtulungan at makipag-usap sa iba.”

Ang paglalaro ng sports ay nakakatulong para magkaroon ka ng mga kaibigan. Nagkakasama-sama ang mga tao kapag may laro. “Halos lahat ng game, may kompetisyon,” ang sabi ng kabataang si Jordan, “pero kung katuwaan lang ang laro n’yo, magandang bonding iyon sa mga kaibigan mo.”

 Ano’ng masama sa sports?

Kung ano ang sports mo. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”—Awit 11:5.

May sports na talagang marahas. Iyan ang napansin ng kabataang si Lauren: “Ang goal sa boxing ay bugbugin ang kalaban. Mga Kristiyano tayo at hindi tayo nakikipag-away, kaya bakit tayo matutuwang manood habang binubugbog ang isang tao?”

Pag-isipan: Nangangatuwiran ka bang hindi ka maiimpluwensiyahan na maging marahas kapag nanonood ka o naglalaro ng mararahas na sports? Kung oo, tandaan ang sinasabi ng Awit 11:5—ayaw ni Jehova ang taong “umiibig sa karahasan,” hindi lang ang gumagawa nito.

Kung paano ka maglaro. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Filipos 2:3.

Siyempre, kapag may dalawang magkalabang team sa isang activity, hindi maiiwasan ang kompetisyon. Pero hindi kayo mag-e-enjoy sa laro kapag walang ibang iniisip ang naglalaro kundi ang manalo. “Nasisira ang laro mo kapag mahilig kang makipagkompetensiya,” ang sabi ng tin-edyer na si Brian. “Miyentras magaling ka sa isang sport, mas dapat mong pagsikapang maging mapagpakumbaba.”

Pag-isipan: Inamin ng kabataang si Chris, “Naglalaro kami ng soccer linggo-linggo, at may mga nagkaka-injury.” Kaya tanungin ang sarili, ‘Ano kaya ang mga posibleng dahilan kung kaya nagkakaroon ng mga injury? Ano ang puwede kong magawa para maiwasan ang injury?’

Gaano karaming oras ang nauubos mo sa paglalaro. Sinasabi ng Bibliya: “[Tiyakin] ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.”—Filipos 1:10.

Magset ng priyoridad; unahin ang espirituwal na mga bagay. Inaabot nang ilang oras ang karamihan sa mga laro, naglalaro ka man o nanonood lang. “Madalas akong mapagsabihan ni Mommy sa dami ng oras na nasasayang ko sa panonood ng games sa TV,” ang pag-amin ng kabataang si Daria.

Ang sobrang pagkahilig sa sports ay parang paglalagay ng napakaraming asin sa pagkain

Pag-isipan: Nakikinig ka ba kapag pinapayuhan ka ng mga magulang mo tungkol sa iyong mga priyoridad? Sinabi ng kabataang si Trina: “Kapag nanonood kaming magkakapatid ng sports at napapabayaan ang mas importanteng mga gawain, ipinapaalala ni Mommy na ang mga player ay binabayaran, panoorin man namin sila o hindi. ‘Pero binabayaran ba kayo?’ ang tanong niya sa amin. Ito ang ibig niyang sabihin: Trabaho ng mga player na maglaro. Kung pababayaan namin ang aming homework at iba pang responsibilidad, hindi namin masusuportahan ang sarili namin sa hinaharap. Gustong sabihin ni Mommy na ang panonood o paglalaro ng sports ay hindi dapat maging pinakamahalaga sa buhay namin.”