TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Online Photo Sharing?
Napakasaya ng bakasyon mo at gusto mong malaman ito ng mga kaibigan mo! Pero paano? Ikaw ba ay
magpapadala ng postcard sa bawat isa sa kanila?
mag-i-e-mail sa lahat ng kaibigan mo?
magpo-post ng mga picture online?
Noong panahon ng lolo’t lola mo, malamang na “A” lang ang puwede nilang gawin.
Noong kaedad ka ng mga magulang mo, posibleng “B” ang sagot nila.
Sa ngayon, maraming kabataang pinapayagang mag-post ng mga picture online ang sasagot ng “C.” Ikaw din ba? Kung oo, makakatulong ang artikulong ito para maiwasan mo ang ilang problema.
Ano ang mga pakinabang?
Mabilis ito. “Kapag masaya ang bakasyon ko o nag-e-enjoy kami ng mga kaibigan ko, puwede ko nang i-share ang mga picture namin habang excited pa ako.”—Melanie.
Madali itong gamitin. “Mas madaling tingnan ang mga photo update ng mga kaibigan ko kaysa mag-e-mail para malaman kung ano’ng nangyayari sa kanila.”—Jordan.
Makakatulong ito sa komunikasyon. “May mga kaibigan at kamag-anak ako na nakatira sa malayo. Kung madalas silang mag-post ng mga picture at madalas akong mag-check, parang nakikita ko na rin sila araw-araw!”—Karen.
Ano ang mga panganib?
Baka mapahamak ka. Kung may geotagging ang camera mo, baka hindi lang picture mo ang nakikita ng iba. “Kapag nag-post ka sa Internet ng mga picture at iba pang media na naka-geotag, puwedeng malaman ng mga taong may tracking software at maling motibo ang lokasyon mo,” ang sabi ng website na Digital Trends.
Siyempre pa, ang gustong malaman ng ilang kriminal ay kung kailan ka wala sa isang lugar. Sa isang ulat ng Digital Trends, tatlong magnanakaw ang nanloob sa 18 bahay habang walang tao sa mga iyon. Paano nila nalaman iyon? Tiningnan nila online kung saan-saan pumupunta ang mga residente—isang teknik na tinatawag na cybercasing—kung kaya nakapagnakaw sila nang mahigit $100,000 (U.S.) halaga ng mga ari-arian.
Baka makakita ka ng masasamang post. May mga taong hindi nahihiyang mag-post ng kahit anong magustuhan nila. Sinabi ng tin-edyer na si Sarah: “Magkakaproblema ka kung nagba-browse ka sa account ng mga taong hindi mo kilala. Para kang naglalakad nang walang mapa sa isang lunsod na hindi ka pamilyar. Tiyak na mapapadpad ka sa lugar na ayaw mo sanang puntahan.”
Puwedeng maubos ang oras mo. “Nakakawiling tumingin ng bagong mga post at comment,” ang sabi ng dalagang si Yolanda. “Pero baka maya’t maya na lang, kinukuha mo ang cellphone mo para tingnan kung ano’ng bago.”
Sang-ayon din ang tin-edyer na si Samantha. “Kailangan kong bantayan ang panahong ginagamit ko sa mga site na ’to,” ang sabi niya. “Dapat may kontrol ka sa sarili kung gusto mong magkaroon ng photo-sharing account.”
Ang puwede mong gawin
Maging determinadong umiwas sa masasamang post. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay.”—Awit 101:3.
“Palagi kong inoobserbahan ang mga post ng mga taong pina-follow ko, at ina-unfollow ko sila kapag hindi na tama ang mga post nila.”—Steven.
Iwasan ang mga taong may ibang pamantayan, dahil baka makasira sila sa iyong moralidad. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
“Huwag lang basta sumunod sa mga usong photo trend. Madalas, doon ka makakakita ng mga nagmumura, hubad na litrato, at iba pang masasamang post.”—Jessica.
Maglagay ng limitasyon sa tagal ng pagba-browse at dalas ng pagpo-post mo. Sinasabi ng Bibliya: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.”—Efeso 5:15, 16.
“Ina-unfollow ko ang mga taong ‘overposter.’ Halimbawa, may mga pumupunta sa beach ’tapos magpo-post ng 20 picture ng iisang shell. Seryoso? Nakakaubos ng oras kung iisa-isahin ko ang lahat ng ’yon!”—Rebekah.
Siguraduhin ding hindi lang puro tungkol sa iyo ang ipino-post mo. Ganito ang sabi ng manunulat ng Bibliya na si Pablo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.” (Roma 12:3) Huwag mong isiping gandang-ganda ang mga kaibigan mo sa mga picture at ginagawa mo.
“May iba na post nang post ng mga selfie nila. Kung magkaibigan tayo, alam ko naman kung ano ang hitsura mo—hindi mo na kailangang ipaalaala sa ’kin maya’t maya!”—Allison.