TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Makukuha ang Tiwala ng mga Magulang Ko?
Ang dapat mong malaman
Ang tiwalang natatanggap mo ay nakadepende sa pagiging mapagkakatiwalaan mo. Ang pagsunod sa patakaran ng iyong mga magulang ay gaya ng pagbabayad ng utang. Obligasyon mong sumunod sa mga magulang mo, at kapag hindi ka pumapalya sa ‘pagbabayad,’ mas maraming ‘pautang’ (o kalayaan) ang ibibigay nila sa iyo. Sa kabilang banda, kung hindi ka mapagkakatiwalaan, huwag kang magtaka kung mabawasan ang tiwala sa iyo ng mga magulang mo.
Kailangan ng panahon para pagkatiwalaan ka. Kailangan mong patuloy na ipakitang mapagkakatiwalaan ka bago ka bigyan ng higit pang kalayaan ng mga magulang mo.
KARANASAN: “Noong tin-edyer ako, alam ko kung ano ang inaasahan ng mga magulang ko sa ’kin, kaya kunwari, ginagawa ko ang mga ’yon pero ginagawa ko rin naman ang gusto ko nang patago. Dahil diyan, nahirapang magtiwala sa ’kin ang mga magulang ko. Pagkatapos, natutuhan kong kailangan kong maging tapat para mabigyan nang higit pang kalayaan. Dapat na maging mapagkakatiwalaan ka bago ka pagkatiwalaan.”—Craig.
Ang puwede mong gawin
Maging tapat—kahit mahirap. Lahat ng tao ay nagkakamali, pero kapag pinagtatakpan (o inililihim) mo ang kasalanan mo, masisira ang tiwala ng mga magulang mo sa iyo. Sa kabilang banda, kapag patuloy kang nagiging tapat, makikita ng mga magulang mo na matured ka na para aminin ang mga pagkakamali mo. At iyan ang uri ng taong mapagkakatiwalaan.
“Maiwawala mo ang tiwala sa ’yo, hindi dahil sa paggawa ng pagkakamali, kundi dahil sa paglilihim ng mga ’yon.”—Anna.
Sinasabi ng Bibliya: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Pag-isipan ito: Kapag tinatanong ka ng mga magulang mo kung saan ka pupunta at ano ang gagawin mo, sinasabi mo ba ang buong katotohanan? O kapag tinatanong ka ng mga magulang mo kung saan ka pumunta at ano ang ginawa mo, sinasabi mo ba ang gusto lang nilang marinig?
Maging responsable. Sundin ang lahat ng patakaran ninyo sa bahay. Gawin agad ang iyong mga gawaing-bahay. Kapag may appointment ka, maging nasa oras. Asikasuhin ang mga gawain mo sa school. Huwag lumampas sa curfew mo.
“Kapag pinayagan ka ng mga magulang mo na lumabas kasama ng mga kaibigan mo at sinabihan kang umuwi nang 9:00 p.m., pero umuwi ka nang 10:30, huwag mong asahang pagbibigyan ka pa nila sa susunod!”—Ryan.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:5.
Pag-isipan ito: Lagi ka bang nasa oras? Tinatapos mo ba ang iyong mga gawaing-bahay? Sumusunod ka ba sa mga patakaran—kahit y’ong mga hindi mo gusto?
Maging mapaghintay. Kapag naiwala mo ang tiwala ng mga magulang mo, kailangan ng panahon para maibalik iyon. Maging mapaghintay.
“Nainis ako kasi hindi ako pinagkakatiwalaan ng mga magulang ko no’ng lumaki ako. Hindi ko na-realize na magkaiba pala ang pagtanda at pagiging mature. Hiniling ko sa mga magulang ko na bigyan ako ng pagkakataon na patunayang mapagkakatiwalaan ako. Hindi iyon agad-agad, pero maganda naman ang naging resulta. Natutuhan kong hindi edad ang basehan para pagkatiwalaan ka; kundi ang ginagawa mo.”—Rachel.
Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”—2 Corinto 13:5.
Pag-isipan ito: Para makuha (o maibalik) ang tiwala ng mga magulang mo, ano ang puwede mong gawin para ‘patunayan kung ano ka’?
TIP: Mag-set ng goal, tungkol man sa pagiging nasa oras, pagtapos sa gawaing-bahay, pag-uwi bago ang curfew mo, o iba pa. Sabihin sa mga magulang mo ang determinasyon mo, at tanungin sila kung ano ang kailangan mong gawin para pagkatiwalaan ka nila. Pagkatapos, sikaping sundin ang payong ito ng Bibliya: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi.” (Efeso 4:22) Sa paglipas ng panahon, makikita ng mga magulang mo ang iyong pagsulong!