Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

1 Corinto 10:13—“Ang Diyos ay Tapat”

1 Corinto 10:13—“Ang Diyos ay Tapat”

 “Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao. Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.”—1 Corinto 10:13, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.”—1 Corinto 10:13, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng 1 Corinto 10:13

 Idinidiin ng tekstong ito ang isang magandang katangian ng Diyos, ang pagiging tapat. Makakaasa ang tapat na mga lingkod ng Diyos na tutulungan niya sila lalo na kapag napaharap sila sa mga pagsubok o tukso.

 “Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.” Puwedeng matukso ang mga lingkod ng Diyos na gumawa ng mga bagay na ayaw niya. Mahirap ang mga tuksong iyon pero nararanasan din iyon ng ibang mga tao. a Kaya alam ng mga lingkod ng Diyos na kakayanin din nila ang mga iyon.

 “Ang Diyos ay tapat.” Mapagkakatiwalaan at maaasahan ang Diyos na Jehova. b Lagi niyang tinutupad ang pangako niya na hindi niya iiwan ang mga umiibig, tapat, at sumusunod sa kaniya. (Deuteronomio 7:9; Awit 9:10; 37:28) Kaya makakaasa ang mga sumasamba sa kaniya na tutuparin din niya ang dalawa pang pangako sa talatang ito.

 “Hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo.” Tapat ang Diyos kasi hindi niya hahayaang maging sobrang hirap ng problema na hindi na ito kakayanin ng isa. Alam niya ang kaya at hindi kaya ng mga lingkod niya.—Awit 94:14.

 “Gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.” Kaya ng Diyos na alisin ang pagsubok o tulungan ang mga mananamba niya na makayanan iyon. Puwede siyang magbigay ng banal na espiritu na gagabay sa atin, pampatibay mula sa Bibliya, o praktikal na tulong mula sa mga kapuwa mananamba.—Juan 14:26; 2 Corinto 1:3, 4; Colosas 4:11.

Konteksto ng 1 Corinto 10:13

 Makikita ang tekstong ito sa isang liham ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto. Binanggit ni Pablo sa liham niyang ito ang mga nangyari sa mga Israelita para babalaan ang mga taga-Corinto. (1 Corinto 10:11) Binanggit ni Pablo ang ilang pagsubok at tukso na napaharap sa mga Israelita, kasama na ang idolatriya at seksuwal na imoralidad. (1 Corinto 10:6-10) At nagpadala sa tukso ang ilan sa kanila. Kaya naman ipinaalala ni Pablo sa mga Kristiyano na huwag silang masyadong magtiwala sa sarili at isiping hindi sila kailanman matutukso. (1 Corinto 10:12) Pero pinatibay niya sila sa mga sinabi niya sa 1 Corinto 10:13 na makakayanan ng tapat na mga mananamba ng Diyos ang anumang pagsubok.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng 1 Corinto.

a Ang Griegong salita na isinaling “tukso” ay puwede ring tumukoy sa isang pagsubok.

b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?