PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
2 Corinto 12:9—“Ang Kagandahang-loob Ko ay Sapat Na Para sa Iyo”
“Sapat na ang walang-kapantay na kabaitan ko sa iyo, dahil lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.”—2 Corinto 12:9, Bagong Sanlibutang Salin.
“Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.”—2 Corinto 12:9, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng 2 Corinto 12:9
Nangako ang Diyos na bibigyan Niya si apostol Pablo ng lakas na kailangan niya para makayanan ang mga problema at kahinaan niya.
“Sapat na ang walang-kapantay na kabaitan ko sa iyo.” Ito ang sagot ng Diyos sa paulit-ulit na panalangin ni Pablo. Puwede rin itong isalin na “ang kabaitan ko lang ang kailangan mo.” Ibig sabihin, sa tulong ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, makakayanan na ni Pablo ang mga problema niya. Paano? Ang salitang isinalin na “walang-kapantay na kabaitan,” o “kagandahang-loob,” ay tumutukoy sa regalong ibinibigay ng Diyos dahil bukas-palad siya at hindi dahil sa anumang nagawa ng makakatanggap nito. Makikita sa mga isinulat ni Pablo na talagang natulungan siya ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Kahit dati niyang pinag-usig ang mga Kristiyano, binigyan siya ng Diyos ng lakas para magbago at matulungan ang iba na maging Kristiyano. (1 Corinto 15:9, 10; 1 Timoteo 1:12-14) Kaya alam ni Pablo na talagang matutulungan siya ng Diyos na makayanan ang anumang problemang haharapin niya.
“Dahil lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.” Idiniin ng Panginoong Jehova a kay Pablo na mas makikita ang kapangyarihan Niya kapag nanghihina ang isang tao dahil hindi siya perpekto. (2 Corinto 4:7; 12:8) Kapag kinikilala ng mga Kristiyano ang mga limitasyon nila at lumapit sila kay Jehova, hinahayaan nilang ang kapangyarihan ng Diyos ang lubusang tumulong sa kanila. (Efeso 3:16; Filipos 4:13) Kaya masasabing nakikita ang kapangyarihan ng Diyos sa mga kahinaan ng tao.
Konteksto ng 2 Corinto 12:9
Ginabayan si Pablo ng banal na espiritu na sulatan ang mga Kristiyano sa Corinto noong mga 55 C.E. Sa dulong bahagi ng sulat niya, ipinagtanggol niya ang awtoridad niya bilang apostol. Ginawa niya iyon kasi kinukuwestiyon siya ng “ubod-galing na mga apostol,” dahil siguro sa hitsura niya o paraan niya ng pagsasalita.—2 Corinto 10:7-10; 11:5, 6, 13; 12:11.
Ikinatuwiran ni Pablo na hindi dahil sa sarili niyang lakas kaya niya nagawa ang ministeryo niya at nakayanan ang maraming problema. (2 Corinto 6:4; 11:23-27; 12:12) Sa kabanata 12, may binanggit siyang “isang tinik sa laman.” Malamang na isang problema ito na nakakaapekto sa kalusugan o emosyon niya. (2 Corinto 12:7) Hindi na iyon dinetalye ni Pablo, pero nagsikap siyang kayanin iyon sa tulong ng Diyos.
Baka nakakaranas din ng mga problema at pag-uusig ang mga Kristiyano ngayon. Pero alam nila na sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, makakayanan nila ang kahit anong problema. Gaya ni Pablo, masasabi rin nila: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”—2 Corinto 12:10.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng 2 Corinto.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”